Wednesday, February 8, 2012
Objection please!
Rey Marfil
Lubhang matindi at hindi matatawaran ang paninindigan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pagsusulong ng malinis at matinong pamahalaan laban sa katiwalian, patunay ang isinumiteng bersyon ng panukalang Freedom of Information (FOI) bill.
Layunin ni PNoy magkaroon ng mas malawak na karapatan ang publiko na makakuha ng impormasyon kaugnay sa mga transaksyon sa pamahalaan kung kaya’t isinumite sa Kongreso ang FOI bill, kabaliktaran sa samut-saring satsat ng mga kritiko.
Isa sa mahalagang parte sa bersyong isinumite ni PNoy ang awtomatikong paglalabas ng statements of assets, liabilities and net worths (SALNs) ng matataas na mga opisyal ng pamahalaan.
Take note: Hindi na kailangan pang ipa-subpoena, katulad ng nangyayari sa impeachment trial ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona kung saan pahirapan para makuha ang mga dokumento sa kanyang mga ari-arian.
Sa ilalim ng mandatory disclosure na bersyon ng Malacañang, obligado ang Pangulo, Bise Presidente, mga miyembro ng gabinete, mga kasapi ng Kongreso at Supreme Court na ilagay sa kani-kanilang websites ang SALN.
Kasama rin sa mga obligadong ilabas ang SALN sa kanilang websites ang mga miyembro ng constitutional commissions, constitutional offices, mga opisyal ng Armed Forces na may ranggong heneral o flag rank.
***
Napag-uusapan ang impeachment trial, bigung-bigo ang depensa ni Chief Justice Corona na makontra ang kahit isang ebidensiya ng prosekusyon laban sa Punong Mahistrado kahit beterano at mahuhusay ang mga inarkilang abogado o taga-depensa.
Kalokohan kung pro-bono ang lahat, eh sa panahon ngayon isang malaking kalokohan ang libre at discount?
Sa nagdaang labing-dalawang araw, walang ginawa ang depensa sa pangunguna ni retired Supreme Court Associate Justice Serafin Cuevas kundi ang maghain ng mga mosyon para pigilan ang paglalabas ng katotohanan na konektado sa walong Articles of Impeachment kaya’t bumabagal ang proseso ng pagdinig.
Pinipilit ng depensa na ibasura ang mga kaso ni Corona sa pamamagitan ng pagpigil sa proseso ng impeachment sa halip na kontrahin ang mga ebidensiya. Bakit hindi hayaang ebidensiya ang magsalita para maliwanagan ang madla?
Naghain ang kampo ni Corona ng motion for preliminary hearing, motion to dismiss the case, motion to prevent private prosecutors from participating, blocking the presentation of evidence on the Statement of Assets, Liabilities and Net Worth and on the Income Tax Returns of Corona, motion to inhibit Sen. Franklin Drilon, at iba pa. Kung walang itinatago, bakit sandamakmak ang “Objection, Please”?
***
Anyway, nakakatuwang marinig ang determinasyon ni PNoy na epektibong masolusyunan ang problema sa ilegal na pagtotroso sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa pamamagitan ng kanyang matigas na kautusan kay Gov. Mujiv Hataman.
Isinisisi ang ilegal na pagtotroso sa rehiyon kaugnay sa naging malagim na pagbaha sa Iligan City at Cagayan de Oro City nitong nakalipas na Disyembre na kumitil sa buhay ng libu-libong katao.
Dapat rin nating pasalamatan ang Pangulo dahil sa pagpapanatili ng state of national calamity matapos ang pagbaha dahil mas naging epektibo at mabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa trahedya.
Kaisa kami ng pamahalaang Aquino sa pagtiyak na hindi makakarating sa merkado ang produkto ng iligal na pagtotroso at ganap na matigil na ang iligal na pagpuputol ng mga kahoy sa ARMM. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”
(mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment