Friday, March 2, 2012
May aksyon!
REY MARFIL
Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Department of Energy (DOE) na ipatupad ang reload sa bawat Pantawid Pasada Program card na naglalaman ng P1,200 sa bawat tsuper ng public utility vehicles (PUVs) na naglalayong pababain ang epekto ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Nilikha ng pamahalaan ang Pantawid Pasada Program upang magkaloob ng subsidiya sa pampublikong sektor ng transportasyon base sa serye ng naganap na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
At bilang pagpapakita ng malasakit sa kalagayan ng mga tsuper, maaari ring makinabang ang mga benepisyunaryo ng diskuwento sa pagbili ng mga gulong, baterya at iba pang spare parts para matulungan ang sektor ng transportasyon.
Ibig sabihin, mapalad tayo sa pagkakaroon ng isang pamahalaan na walang inisip kundi ang pagsilbihan ang publiko at gumawa ng mga bagay para mapabuti ang kalagayan ng mga tao.
Hindi lang ‘yan, kasiya-siya ring marinig ang pangunguna ni PNoy sa inagurasyon ng bagong P594-milyong Aurora Memorial Hospital (AMH) sa Baler, Aurora -- ito’y nangangahulugang bubuti ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan sa mga residente ng lalawigan ng Aurora.
Ipinapakita ang malakas na samahan ng Pilipinas at Japan dahil sa patuloy na paglalaan ng pondo ng banyagang bansa sa kabila ng naganap na malakas na lindol at tsunami na tumama sa lugar noong nakalipas na taon.
Inaasahan na mapapalakas ng proyekto ang samahan at pagkakaibigan ng dalawang bansa dahil sa matagumpay na programa at hindi naman maisasakatuparan ang proyekto kung hindi dahil sa pinagsamang pagkakaisa ng pambansang pamahalaan at mga lider ng Aurora -- sina Rep. Juan Edgardo “Sonny” Angara, Sen. Edgardo Angara at Gov. Bellaflor Angara-Castillo.
Nangako ang Pangulo na tutulong sa operasyon ng ospital sa pamamagitan ng pagkakaloob ng gamot at ibang kagamitan.
Maaaring makapagbigay ng serbisyo ang bagong ospital sa 800 pasyente bawat taon na mayroong 50-bed capacity. Base sa pahayag ng Provincial Health Office, kakayanin ng ospital na gamutin ang 13,000 uri ng mga sakit mula sa 7,000 pasyente.
***
Napag-usapan ang good news, matindi ang pagsusumikap ni PNoy para makamit ang Millennium Development Goals (MDGs).
Hindi ba’t nakakatuwang marinig ang pahayag ng Punong Ehekutibo na nakamit ng bansa ang malaking bahagi ng target sa MDGs sa pagpapababa ng kaso ng child at maternal mortality, pagpapaliit sa estadistika ng mga sakit at mabilis na pagkakaloob ng serbisyong kalusugan sa mas maraming mga Filipino.
Ginawa ni PNoy ang pagtataya sa pagsikad ng mga aktibidad sa paggunita ng 26th taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na may titulong Edsa Noon, Atin Ngayon: Tagumpay ng Bayan / Pulong Bayan ng Pangulo na ginawa sa Mother Consuelo Barcelo Theatre sa La Consolacion College, Manila nitong nakalipas na Huwebes ng nakaraang linggo.
Upang makamit ang mga target, itinaas ng pamahalaan ang pondo ng Department of Health (DOH) para maipatupad ang inisyatiba sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mas maraming nurses at medical practitioners sa mga liblib at malalayong parte ng mga lalawigan sa bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment