Sunday, February 26, 2012
‘Di nagkamali
REY MARFIL
Nananatili ang paninindigan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na tiyakin ang kapayapaan at katatagan sa rehiyong Asya-Pasipiko sa kabila ng pinalakas na kooperasyong militar ng bansa at Estados Unidos (US).
Magandang senyales ang pagkakaroon ng isang gobyerno na pinupursige ang lahat ng diplomatikong paraan para malutas ng payapa ang sigalot.
Siguradong hindi ilalagay ng pamahalaan sa alanganin o anumang kompromiso ang kapayapaan sa rehiyon kahit patuloy ang binubuong bilateral na relasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang mga bansa.
Maliit na bagay lamang ang tensyon sa West Philippine Sea (South China Sea) kung ikukumpara sa magandang relasyon ng China at Pilipinas kung saan isinusulong maging ang turismo at negosyo na pinatunayan sa pagbisita ni Pangulong Aquino sa banyagang bansa noong nakalipas na taon.
Wala ring basehan ang hirit ng state media ng China na dapat parusahan ng kanilang pamahalaan ang Pilipinas matapos alukin ang mga tropang US na magkaroon ng mas malawak na kooperasyon dahil hindi pa pinal ang lahat.
***
Isang positibong balita ang paniniyak ni PNoy na patuloy na ipaparehas ng kanyang pamahalaan ang kompetisyon sa sektor ng negosyo at kapuri-puri ang mensahe ng Pangulo sa paglulunsad ng programang modernisasyon ng Globe Telecom.
Ipinapakita dito ang matinding paninindigan ng pamahalaan na parusahan ang mga lumalabag sa batas at pagkakaloob ng pabuya sa mga sumusunod sa mga alituntunin.
Dapat nating suportahan si PNoy sa implementasyon ng tama at matuwid na daan, as in maganda sa kalusugan ng ekonomiya ng bansa ang ganitong linya ng pamahalaan dahil inaasahang makakalikha ito ng mas maraming mga trabaho at oportunidad para sa mga tao.
Hindi lang iyan, ipinapakita sa pagkakasungkit ng sertipikasyon mula sa International Standards Organization (ISO) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang matinong pamamahala ng administrasyong Aquino.
Naging kaisa-isang institusyong pang-edukasyon sa bansa ang TESDA na nabigyan ng prestihiyosong pagkilala -- ito’y isang patunay na matino at hindi nagkamali si PNoy sa pagtalaga kay Sec. Joel Villanueva. Ika nga ni Sec Joel V, “Sa TESDA, May Choice Ka”.
Sa isang simpleng seremonya na isinagawa sa TESDA complex sa Taguig City, tinanggap ni Director General Villanueva ang ISO Certificate 9001:2008 mula kay Jen Wen Chia, general manager ng TUV SUD PSB Philippines, Inc. na nagsagawa ng masusing pagsusuri sa mga epektibo at kapaki-pakinabang na mga serbisyo ng TESDA.
Nasaksihan mismo ni PNoy ang seremonya at binati ang TESDA sa naging tagumpay nito at inaasahang lalong pagbubutihin ng ahensya ang pagkakaloob ng serbisyo sa 1.4 milyong Pilipino na nakatala sa iba’t ibang kurso ng TESDA upang matulungan silang makakita ng trabaho.
Nirerespeto rin sa buong mundo ang kalidad sa pamantayan ng pangangasiwa ng ISO 9001 na nakatutok sa Quality Management System (QMS) o kakayahan ng isang organisasyon na makamit at maitaas ang kalidad ng kanilang serbisyo para sa ikasisiya ng mga kliyente.
Malaki ang maitutulong ng sertipikasyon ng ISO upang makasabay ito sa iba pang internasyunal na institusyong pang-edukasyon na nagkakaloob ng katulad na serbisyo ng paghahasa sa kasanayan ng mga tao.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment