Friday, February 17, 2012
Magpapagod lang!
REY MARFIL
Dahil walang basehan, siguradong sa basurahan mapupunta ang planong isulong ang impeachment laban kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino base sa umano’y “massive tax fraud” hinggil sa bentahan ng government property sa Baguio City sa SM Investment Corporation.
Kahit rugby boys sa ilalim ng LRT station ang tanungin, wala namang kinalaman si PNoy sa isyu dahil nangyari ang transaksyon na kinabilangan ng subasta at bentahan ng ari-arian sa panahon pa ni dating Pangulong Fidel Ramos at nitong 2011 natapos ang dokumentasyon, as in “magpapagod” lang ang grupong “allergic” sa daang matuwid ni PNoy.
Pagbabaliktarin ang sitwasyon, malinaw na panggugulo lamang sa mga kasalukuyang isyu ang hirit ng isang nagngangalang Danilo Lihaylihay na lumiham kay House Minority Leader and Quezon Rep. Danilo Suarez nitong Pebrero 8, 2012 upang hilingin ang kanyang kagustuhang patalsikin ang Pangulo.
Papaano papapanagutin si PNoy sa isang bagay na wala naman siyang kinalaman? Malinaw na walang basehan ang reklamo kaya hindi susulong -- ito marahil ang dahilan kung bakit maging ang oposisyon ay nahihilo kung pagbibigyan ang walang basehang kahilingan ni Lihaylihay at nangako lamang na pag-aaralan muna ito.
***
Napag-uusapan ang impeachment laban kay PNoy, mas lalong walang “weight” ang reklamo kung pagbabatayan ang pinakahuling satisfaction ratings ng Pangulo -- ito’y nananatiling napakataas at napakaganda ng kanyang grado.
Hindi “good” kundi “very good” ang public satisfaction ng administrasyong Aquino, alinsunod sa survey nitong Disyembre 3 hanggang 7 na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) kung saan naitala ang +56% net satisfaction rating. Ibig sabihin, malinaw ang ebidensiyang 67% ng respondents ang satisfied, 21% ang undecided at 11% ang dissatisfied sa pangkalahatang ginagawa ng pamahalaan.
Bagama’t hindi nagbago kumpara sa nakalipas na tatlong buwan, nangangahulugan naman itong tama ang ginagawa ni PNoy sa pagpapabalik ng tiwala at kumpiyansa ng publiko sa pamahalaan sa pamamagitan ng matino at matuwid na pamumuno sa pagsugpo ng kahirapan at katiwalian.
Nananatiling pinakamataas ang satisfaction rating ni PNoy sa lahat ng pamahalaan sapul nang simulan ng SWS ang pananaliksik noong Pebrero 1989.
Kitang-kita na talagang hinahanapan ng pamahalaan ng solusyon ang mga problema ng bansa bagama’t nangangailangan ng kaunting panahon para maramdaman ng publiko ang positibong epekto kung saan nakapagtala ng mataas na iskor ang pamahalaan sa pitong isyung hinahanapan ng solusyon.
Sa 19 na isyung itinanong sa mga respondents, naitala ng administrasyong Aquino ang “very good” sa 3 isyu, “good” sa anim, “moderate” sa 6 pang iba, “neutral” sa 3 at “poor” sa isang isyu.
Nakakuha ng pinakamagandang iskor ang pamahalaan sa pagtulong nito sa mga biktima ng kalamidad matapos maitala ang “very good” na +58 net rating at nahigitan ang naitalang record na “very good” na +52 noong nakalipas na Disyembre 2009. Naitala rin sa kasaysayan ang pinakamataas na +55 sa usapin ng pagtulong sa mga may kapansanan.
Sa pagsaklolo sa mahihirap, naitala ng pamahalaan ang “very good” rating na +51 habang highest “good” score naman na net +46 sa promosyon ng kagalingan at interes ng overseas Filipino workers (OFWs), maliban kung “mutain” ang mga kritiko ni PNoy, sa pangunguna ng ilang “never heard senatoriables” sa hanay ng oposisyon?
Naitala rin ang pinakamataas na “good” +34 sa isyu ng pagsugpo sa krimen, “good” scores na +35 sa pagsusulong ng turismo at +34 sa pagkakaroon ng malinaw na polisiya.
Nakapagtala rin ang pamahalaan ng “good” net ratings na +45 para sa promosyon ng human rights at +43 sa foreign relations.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment