Tuesday, February 28, 2012


Soundbite lang!
REY MARFIL
Tama si Pangulong Noynoy Aquino sa pagbibigay ng kahalagahan na mapalakas ng pamahalaan ang kampanya nito laban sa ilegal na pagtotroso.

Kailangan ding maiharap sa hustisya ang mga salarin sa pagpatay noong nakalipas na linggo kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) forest specialist Melania Dirain, 46-anyos at naging trabaho ang implementasyon ng mga batas kaugnay sa pangangalaga sa kagubatan, sa Sanchez Mira, Cagayan.

Katanggap-tanggap din ang desisyon ng pamahalaan na maglaan ng karagdagang pondo para sa task force laban sa ilegal na pagtotroso upang matigil na ang aktibidad sa Sier­ra Madre mountain range.

Makakatulong ang paglaban sa problema upang ma­ging balanse ang kapaligiran at mapigil ang biglaang pagbaha sa buong bansa.

At magandang balita rin ang ipinapakitang malasakit ng administrasyong Aquino sa mga residente ng Lupang Arenda sa Taytay, Rizal sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanilang kaligtasan.

Naglalagay ngayon ng road dike ang pamahalaan para maiwasan ang pagpasok ng tubig sa mga lugar na sakop ng Lupang Arenda bilang tugon sa mga balitang hindi ligtas sa paninirahan ang kabuuang 270-ektaryang lupain. Matatagpuan ang human settlement sa dalampasigan ng Laguna de Bay.

Itinatag ang Lupang Arenda nang ipalabas ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Proclamation 704 at binuksan ang 200 ektaryang pampublikong lupa upang protektahan ang “wetlands” at mabigyan ng matitirhan ang lumala­king bilang ng informal settlers sa Metro Manila.

Sa pagtataya ng DENR na nagsagawa at nagsasagawa ng pag-aaral sa Lupang Arenda, hindi naman nakakaranas ng pagpasok ng tubig ang ibang bahagi ng lugar.

***

Napag-usapan ang good news, kapuri-puri ang kautusan ni PNoy sa Department of Energy (DOE) na ipatupad ang reload sa bawat Pantawid Pasada Program card na nag­lalaman ng P1,200 sa bawat tsuper ng public utility vehicles (PUVs) -- ito’y naglalayong pababain ang epekto ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Nilikha ng pamahalaan ang Pantawid Pasada program upang magkaloob ng subsidiya sa pampublikong sektor ng transportasyon base sa serye ng naganap na pagtaas sa pres­yo ng mga produktong petrolyo.

Bilang pagpapakita ng malasakit sa kalagayan ng mga tsuper, maaari ring makinabang ang mga benepisyunaryo ng diskuwento sa pagbili ng mga gulong, ba­terya at iba pang spare parts para matulungan ang sektor ng transportasyon.

Mapalad tayo sa pagkakaroon ng isang pamahalaan na walang inisip kundi ang pagsilbihan ang publiko at gumawa ng mga bagay para mapabuti ang kalagayan ng mga tao. Sa isang bansang umaasa sa importasyon ng langis, walang choice kundi ipagdasal ang pagbaba ng presyuhan sa world market.

Magaling lang magngangawa ang mga kritiko su­balit subukang tanungin at hanapan ng alternatibong solus­yon kung sila ang nakapuwesto, wala ring maisagot kundi buntung-hininga at pagtanggal ng buwis sa krudo na hindi maaring gawin dahil kailangang balansehin ang gastusin ng gobyerno.

Kung hindi bugtong-hininga ang sagot ng kritiko, paboritong istratehiya at naugaliang solusyon sa oil price hike ang pag-atake sa gobyerno para makakuha ng magandang soundbite sa evening news.

Kaya’t laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: