Monday, February 6, 2012
Tiwala ang mahalaga!
REY MARFIL
Marami ang nangyari sa administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nitong mga nakalipas na linggo na dapat magsilbing paalala sa iba pang opisyal na pinagkatiwalaan nitong makapuwesto sa gobyerno.
Kabilang dito ang nangyari kina dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula na sinibak sa puwesto ni PNoy at Presidential Adviser on Political Affairs Sec. Ronald Llamas na diumano’y namakyaw ng kopya ng mga piniratang pelikula sa isang mall sa Quezon City.
Malinaw ang basehan ni PNoy sa ginawang pagsibak kay Gatdula; nawalan siya ng tiwala rito matapos masangkot sa reklamo ng isang Japanese national na dinakip at kinikilan umano ng ilang tauhan ng NBI.
In fairness kay Gatdula, kusa itong nagsumite ng leave absence sa puwesto habang isinasagawa ng fact-finding team ng Department of Justice (DOJ) ang basehan ng reklamo.
Iyon nga lang, tuluyang nagbakasyon sa puwesto dahil nasangkot mismo ang kanyang pangalan sa kontrobersya -- na mariin namang pinalagan at itinatanggi ng opisyal.
Bilang abogado at mahusay na sundalo, batid ni Gatdula na ang mga nanunungkulan sa gobyerno’y dapat may “full trust at confidence” ng Pangulo. Kung wala na ito, panahon na para magpaalam kaya naman hindi niya kinontra ang desisyon ni PNoy -- iyan ang tunay na sundalo at kahanga-hanga ang pagiging tunay na kabalyero!
Iyon nga lang, tuloy pa rin ang pagdinig sa reklamo ng Japanese national. Katunayan, nadagdagan pa ng kontrobersya ang usapin dahil sa lumabas na ulat na ginagamit na “pang-deal” ang kaso ni Gatdula kapalit ng pagbibitiw umano ni dating Associate Justice Serafin Cuevas bilang lead defense council ng nililitis na si Chief Justice Corona.
Itinanggi na ni Cuevas ang balita na siya’y pini-pressure ng Malacañang para bumitiw kay Corona, maging si PNoy mariing pinabulaanan ang naglalabasang report, maliban kung bahagi ng drama o script ng mga “spin doctor” ni Corona para guluhin ang impeachment trial at ikondisyon ang isipan ng madla na maaabsuwelto ang tinaguriang “midnight appointee” ni Gloria?
Ni sa panaginip, ayoko ring isiping panggulo sa impeachment trial ang naglalabasang kontrobersya lalo pa’t lalong lumalalim ang paghalukay ng prosecution team sa mga ari-arian ni Corona at napaka-iresponsableng idikit ang liderato ng isang religious group, katulad ang alegasyong pakikialam sa pagpalakad ng gobyerno -- ito’y maaaring intriga lamang upang sirain ang magandang relasyon, sa pagitan ni PNoy.
***
Napag-uusapan ang kontrobersya, maging si Llamas na hindi pa napapahinga sa iskandalo ng pirated DVDs, ito’y nahatak na naman sa isyu ni Cuevas. Kahit itinanggi na ni Cuevas ang kuwento, may lumabas pang ulat na si Llamas ang sinasabing nagpi-pressure kay Cuevas para iwan si Corona -- bagay na mariing itinanggi ni Llamas.
Sa kabila ng mga kontrobersyang kinasangkutan ni Llamas, walang balak si PNoy na isunod ito kay Gatdula at pinaka-latest ang desisyong i-admonished o sinermunan ng Pangulo ang gabinete bilang kaparusahan, alinsunod sa desisyong inilabas ni Executive Secretary Jojo Ochoa.
Malinaw ang deklara ng Pangulo na nananatili ang tiwala niya sa kanyang tagapayo sa usaping pulitikal. Lubha nga namang malayo sa trabaho ni Llamas ang pagbili ng pirated DVDs para siya sibakin. Ika nga ni Ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada, “hindi naman nagnakaw si Llamas, binayaran pa nga”.
Bukod dito, inamin naman ni Llamas ang pagkakamali dahil nakalimutan nitong “hindi na siya ordinaryong tao” ngayon para basta na lang gawin ang pamamakyaw ng pirated DVDs -- ika nga, nagkaroon ng “lapse in judgment” ang gabinete at pinakamahalaga, inamin ni Llamas ang pagkakamali at makatwirang bigyan ng pagkakataong makabawi!
Anyway, hindi naman kinakalimutan ni PNoy na nahalal siya dahil sa malaking tiwalang ibinigay sa kanya ng mamamayan. Kaya naman hindi dapat sirain ang tiwalang ito.
Pinakamahalaga ngayon: Dapat tandaan ng mga itinalagang opisyal sa gobyerno -- na anumang pagkakamaling gagawin, ito’y lalamat sa tiwalang ibinigay ng sambayanang Pilipino at siguradong tatama mismo kay PNoy.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment