Wednesday, February 1, 2012


Diskuwento!
REY MARFIL
Baluktot man ang dila ni Megaworld Finance Director Giovanni Ng, hindi makukulapol ng tulis ng pag-iisip ng mga tagapagtanggol ng depensa ang katotohanang binili ng mag-asawang Renato C. Corona at Cristina Corona ang penthouse na unang pag-aari ng Megaworld Properties sa McKinley Hill.

Primera klase at pinag-aagawan ng mga mayayamang angkan ang kinatatayuan ng nasabing property na “naka-corona” sa tuktok ng nasabing condominium, aba’y ikaw ba naman ang makabili ng unit na nakatutok sa Manila Golf Course! Sabi nga sa merkado ng mga condominium -- Location! Location! Location!

Ika nga ni Gus Abelgus sa programang “SOCO”, hindi nagsisinungaling ang ebidensiya -- 27 resibo, isang sulat, isang Deed of Absolute Sale ang bumulaga sa 8th day trial!

Hindi lang ‘yan, nakakagulat ang 40% discount na ipinagkaloob kay Corona ng Megaworld -- isang katanungan kung merong nakabinbing kaso ang Megaworld sa Kataas-Taasang Hukuman sa panahong bumili at nabigyan ng diskuwento ang Punong Mahistrado.

Ni sa panaginip ayaw isipin ng mga kurimaw na “Anak ng Diyos” ang Punong Mahistrado (PM) lalo pa’t pantay ang trato ng Lumikha sa bawat nilalang.

Sa usapang Corona, mukhang “nagdadapit-hapon” na ang kinabukasan sa career ng Punong Mahistrado. Sa ebidensyang lumabas sa impeachment trial noong Lunes, unang Article pa lamang ‘yan, hindi malayong sasabit na si PM -- ito ang usapan sa mga umpukan, maliban kung merong testigong maiharap upang wasakin ang testimonya ni Giovani Ng?

Isipin n’yo nga naman, sa simula pa lamang ng pinag-uusapang transaksyon upang mabili ang nasabing Penthouse sa McKinley Hill, ang mag-asawang Corona na ang nakalutang habang kausap ang mga kinatawan ng Megaworld.

Matapos makumpleto ang iba’t ibang transaksyon na pinatutunayan ng 27 resibo, biglang sumulat ang mag-asawang Corona na ilagay sa pangalan ng kanilang anak na si Charina ang nasabing nabiling pag-aari.

Ang pinakahuling dokumento na ating nabanggit ay mukhang katunayang matibay na sa puntong ito lamang napag-isipan ng PM at ng kanyang asawa na sasabit sila sa pag-aaring ito. “After thought” na lamang ikanga.

Ngunit sa punto de bista ng mga nakakaalam sa batas, imbes na sasalba sa pananagutan ng mag-asawang Corona, ito pa ang didiin sa kanila.

Kung ang 40% discount naman ang pag-uusapan, dapat din yatang ipakita ng prosekusyon na sa mga oras na diumano’y binili ng mga Corona ang nasabing nakatagong pag-aari, may nakasalang na kaso ang Megaworld sa Kataas-taasang Hukuman, maliban kung “Kautus-Utusan” ang tingin sa kanilang sarili?

Hindi natin sinasabing ito ang dahilan pero ang ganitong kuwenta ng calculator ni Mang Gusting: Ang 40% discount kung P70 hanggang P80,000.00 per square meter ang presyo ng nasabing Penthouse at mahigit 300 square meters ang nasabing pag-aari ay nagkakahalaga ng P8.4 milyon.

Take note: Discount pa lamang ‘yan. Parang nagregalo lang itong Megaworld ng ganon kalaking halaga. Mantakin n’yo nga naman ang buhay, paano na lang ang milyong Fi­lipino na walang masilungan at araw-araw tinataboy ng kapulisan sa slum?

***

Anyway, makatwirang batiin si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III dahil sa mabilis nitong pagkilos para sa agarang pagbabalik sa Filipino crew members ng nadisgras­ang cruise ship na MV Costa Concordia.

Personal na ipinadala si Philippine Ambassador to Italy Virgilio A. Reyes, Jr. para asikasuhin ang Filipino crew hanggang makasakay ng eroplano pabalik ng Manila mula sa Rome, Italy.

No comments: