Wednesday, February 15, 2012
May choice ka!
Rey Marfil
Hindi ba’t nakakatuwang marinig ang magandang balita na mas maraming Pilipino ang nagkaroon ng trabaho nitong nakalipas na 2011 kumpara noong 2010 matapos bumagsak ang unemployment rate sa pitong porsiyento kumpara sa 7.3%.
Sa tala ng National Statistics Office (NSO), tinatayang 2.8 milyong Pilipino ang walang trabaho noong 2011 na kumakatawan sa 7% ng populasyon noong 2011 kumpara sa 2.9 milyon na walang kayod noong 2010 o 7.3%, as in bumababa noong nakaraang taon.
Sa katunayan, inihayag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang implementasyon ng 7 bagong programa ngayong taon para paramihin ang trabaho at kabuhayan ng mga Pilipino.
Bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na lumikha ng maraming trabaho, sinabi ni TESDA Director General Joel Villanueva na makakatulong ang programang “REAL DEAL TESDA”.
Sa ilalim ng REAL DEAL TESDA o Reach the Grassroots, Empower the reached. Assure quality training and Lifelong education Development. Enable and Actively-engage Labor force members in job opportunities thru employability and livelihood skills gagamitin ang lahat ng kakayahan ng TESDA para makatulong sa pangangailangan ng ordinaryong mga tao na mapalakas ang kanilang kakayahan at magkaroon ng trabaho.
Upang makamit ito, tututukan ng TESDA ang pagpapalakas sa technical and vocational education and training (TVET) sa bansa kung saan target na punuan ang mga kakayahang mayroong siguradong trabaho.
Sa 7 programa, may kinalaman ang lima dito sa tinatawag na training at retooling programs habang partnership ng pamahalaan sa mga pribadong kumpanya sa pagkakaloob ng sertipikasyon para sa public utility drivers at empowering women retailers naman ang dalawa. Ika nga ni Sec. Joel “Sa TESDA, May Choice ka”.
***
Napag-uusapan ang magandang programa, makatwirang suportahan natin ang aksyon ng pamahalaan na tapusin ang bus boundary system sa mga tsuper at konduktor upang mapabuti ang kanilang kita, magkaroon ng mas magandang disiplina sa trapiko at mas maging ligtas ang mga kalsada.
Inilabas ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Rosalinda Baldoz ang Department Order 118-12 na nagbabasura sa dating sistema kung saan nakabase lamang sa komisyon ang kita ng mga tsuper at konduktor kaya naman laging nagmamadali ang mga ito sa kalsada na siyang ugat ng mga aksidente.
Ibig sabihin, magkakaroon na ng siguradong kita ang mga tsuper at konduktor base sa performance-based wage system.
Sa ilalim ng sistema, makakakuha ng pinakamababang minimum wage ang mga kinauukulan at ibang statutory wage-related benefits habang nakabase ang incentive system sa safety performance, business performance at iba pang bagay.
Naging epektibo ang bagong sistema sa Metro Manila noong nakaraang linggo at inaasahang maipapatupad sa buong bansa sa Hulyo.
Anyway, ginagawa ni PNoy ang lahat para matulungan ang sektor ng transportasyon na makasalba sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kabilang dito ang pagkakaroon ng 30-araw na buffer supply ng mga produktong petrolyo.
Tinatrabaho rin ng pamahalaan ang paglikha ng mekanismo upang magkaroon ng linya ang mga tsuper at transport operators sa manufacturers at suppliers upang makakuha ng mas mababang halaga ng spare parts ng mga sasakyan.
Meron ring pautang sa transport cooperatives para magkaroon sila ng sariling gasolinahan. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment