Monday, January 30, 2012


“Luneta Beach”
REY MARFIL
Bukod sa maayos at tapat na pamamahala, isa pang dapat abangan ng mga Pinoy na magiging pamana sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa 2016 -- ang muling pagbuhay sa tubig ng Manila Bay, na pwedeng pagmulan ng tatawaging “Luneta Beach”.

Habang abala ang marami sa pagtutok sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, wala namang tigil ang pamahalaang Aquino sa pagtatrabaho, kasama na ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran.

Patunay ito na mali ang akusasyon ng mga kritiko na pulitika lamang ang inaasikaso ng gobyerno, patunay ang personal pang pagbisita ni PNoy sa Iligan City at Cagayan de Oro upang alamin ang takbo ng proyektong pabahay para sa mga naging biktima ng bagyong Sendong.

Sa darating na Hunyo, tinatayang 1,700 bahay ang magsisilbing simbulo ng panibagong pag-asa sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo sa Iligan City at 2,000 bahay naman sa CDO.

Ang paglakas ng mga bagyo gaya ng Sendong ay sinabing may kaugnay sa lumalalang global warming at climate change. Kaya naman tumitindi rin ang kampanya ng iba’t ibang bansa tungo sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, kasama na riyan ang Pilipinas.

***

Napag-usapan ang climate change, sa pagtatapos ng Global Conference on Land-Ocean Connection na ginanap sa Pasig City nitong Biyernes, inilahad ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje ang direktiba ni PNoy na sikaping makamit ang kautusan ng Korte Suprema noong 2008, na ibalik ang antas ng tubig sa Manila Bay na tinatawag na “recreational water”.

Ibig sabihin, ibaba sa antas ng mga nakalalasong kemikal at bacteria sa tubig ng Manila Bay, hanggang sa maaari at maging ligtas na itong paliguan ng mga tao. At kapag nangyari ito, ang mga residente ng Metro Manila’y hindi na kailangan magpunta sa malayong lalawigan tuwing summer para makapag-beach dahil maaari silang maligo sa “Luneta Beach”.

Sa pinakahuling water sample na kinuha sa Manila Bay, lumitaw na ang fecal coliform level nito’y nasa 79,000 most probable number (MPN) per 100 milliliter. Samantalang ang standard level lamang dapat ay 200 MPN/100 ml.

Malayo pa ang tatahakin at marami pa ang dapat gawin para maganap ang tiyak na inaasam ng marami na muling makapaglublob sa Manila Bay nang walang kinatatakutang sakit na makukuha.

Ang misyon nga’y maisagawa ito sa pagtatapos ng termino ni Aquino sa 2016 o halos apat na taon mula ngayon.

Aminado si Paje na mahirap at tila imposible, pero sa tulong ng mga lokal na opisyal at maging ng mga mamamayan, maisasakatuparan ito.

Isang hakbang tungo sa katuparan ng pangarap ang pagpapatupad ng “plastic ban” ng iba’t ibang lungsod sa Metro Manila. Kumilos na ang mga lokal na pamahalaan ng Quezon City, Pasay, Las Piñas, Pasig, Mandaluyong at Muntinlupa, na nagpasa ng kanilang ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng plastic.

Nakabinbin at tinatalakay naman ang katulad na ordinansa sa Caloocan, Valenzuela, Marikina, Makati at Parañaque. Habang inihahanda na rin ang ordinansa sa Navotas, Taguig at Pateros.

Ang plastic ang isa sa mga malaking problema sa mga basura dahil hindi ito natutunaw. Malaking bahagi rin nito ang tinata­ngay patungo sa Manila Bay. Sa clean up drive na isinagawa sa naturang look ng Maynila, umabot sa halos 3,000 trak ng basura ang nahakot noong nakaraang taon.

Bukod sa pagkontrol sa basura sa Manila Bay, gumagawa rin ng hakbang ang lokal na pamahalaan na ilipat ng tirahan ang mga informal settlers sa paligid nito.

Inayos din ang mga daanan ng tubig at sewerage system para maging malinis ang mga tubig mula sa estero na pupunta sa Manila Bay.

Mission imposible kung tawagin pero may kasabihan din na walang imposible sa mga taong nagpupursige lalo na kung tayo’y nagkakaisa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: