Friday, November 18, 2011

Teleserye!
REY MARFIL

Mala-soap opera ang mga pangyayari ng lumipas na mga araw -- kumpleto ang elemento, as in alta-sociedad ang bida, may pansamantalang tagumpay, may trahedya, may pagkalugmok sa masaklap na kinasapitan.

Kung hindi mag-iisip, siguradong tutulo ang luha. Kung hindi magmamatyag, pihadong madudurog ang puso. Lahat ay dramang idinerehe ng mga “spin doctors” ng dating “kapit-tuko” sa MalacaƱang.

Suriin ang mga eksena -- dalawang (2) linggo bago ang nasabing media blitz, trabahong kalabaw na umikot ang mga handlers ng mga ito sa lahat ng istasyon, mapa-radyo at telebisyon, as in “Operation Mercy” ang arrive. Ang target, umani ng habag sa publiko sa sinapit na kalagayan ng dating pangulo.

Bago pa maisampa sa Kataas-taasang Hukuman ang petisyong pigilan ang implementasyon ng Circular No. 41 na nagbibigay ng kapangyarihan sa kalihim ng DOJ na mag­lagay ng mga taong nasasakdal o masasakdal sa batas sa immigration Watchlist Order, naglabasan ang mga picture ni Mrs. Gloria Arroyo sa lahat ng media outlets -- maging print o broadcast.

Ang nakakatawa, noong una’y bawal kunan ang da­ting pangulo’t “bising-bisi” ang mga “Hawi boys”, mapigilan lamang ang mga cameraman na kumu-cover sa mga ito, ngayo’y halos mag-iyakan at ipagdikdikan ang mukha, maipalabas lamang ang kunwari’y kalunus-lunos na kalaga­yan ng kanilang amo.

Nakaraang Martes, hindi pa man lumalabas ang TRO ay nakaumang na ang “bookings” sa eroplano.

Una’y sa Clark lulan ng Tiger Airways papunta raw ng Singapore, anunsyo ng inupahang tagapagsalita. Alam naman ng mga nagmamasid na dibersyon lamang ito. ‘Yun nga at kinahapuna’y sa NAIA pala at PAL na ang sasakyan patungong bayan ni Lee Kuan Yew.

***

Napag-usapan din lang ang pagmamadali ng kampo ni Mrs. Arroyo na makalabas ng bansa, aba’y nang hindi umub­ra ang unang plano, hayun at lumabas na ang totoo -- Dra­gon Air ang eroplano at Hong Kong pala ang punta.

Ibang klase rin itong “malubha ang kalagayan”. Lamyerda at shopping ang unang nakaprograma sa adyenda.

Paiba-iba ngunit hindi na bago sa uri ng plot ng tele­seryeng pang-uga ng puso.

Alam naman nilang matatag ang paninindigan ng kalihim ng katarungan. Hindi patitinag sa modus ad hominem. Alam na alam naman ng mga ito na hindi papayag ang pamahalaan na ganun-ganun na lang at hahayaang kuma­ripas ang matagal na nagliwaliw sa ligayang dulot ng pandarambong sa bayan.

Gayunpaman, itinuloy ang drama. Libre nga naman ang co­verage, e ‘di sagarin na lang. ‘Yun nga ang nangyari. Convoy ng magagarang SUV at dahil ipinagbawal ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang sirena sa kalsada -- ang kumumpleto sa drama ang ambulansyang “de-wangwang”. Pansinin ang mga eksena, animo’y hinintay na magsidati­ngan ang mga camera, sabay baba na walang kulang sa nakaplanong costume at props.

Ayos nga ang butu-buto, hindi iilang mata ang naglawa. Meron ang nangilid ang luha at tila nakalimutan ang katiwaliang ipinupukol sa pamilya. Gagawin ng pamahalaan ang lahat hindi lamang masuway ang marubdob na pagnanais ng lipunan na panagutin ang may kagagawan ng halos isang dekadang pagpapahirap sa bayan.

Bago pa natin tuluyang makalimutan, sana’y sariwa pa sa alaala ni Mrs. Arroyo, maging sa sambayanang Filipino na nagoyo sa resulta ng 2004 elections ang katotohanang -- ang inihingi nilang TRO ay ang mismong Circular na sila rin mismo ang may likha nito -- ito’y inilimbag at inisyu sa panahong si Mrs. Arroyo ang may hawak ng timon at gi­namit upang ipitin ang mga kaaway o taga-oposisyon.

Ang pangyayaring ito ang buhay na patotoo sa kasabihang “kung anong itinanim, siya rin ang aanihin.”

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: