Friday, November 11, 2011

“Like Ramona”
REY MARFIL


Nagsalita na ang Department of Justice (DOJ) na hindi papayagan si ex-President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na mangibang-bansa para raw magpagamot ng kanyang sakit sa gulugod.

Hindi natin masisisi si Justice Sec. Leila de Lima na magduda sa tunay na pakay ni Mrs. Arroyo na mag-abroad dahil na rin sa mga nangyari noon at sa update sa tunay na lagay ng kanyang kalusugan.

Hindi pa rin nakakalimutan ng mga Pinoy ang sinabi noon ni Mrs. Arroyo sa Baguio na hindi siya tatakbong Pangulo sa 2004 elections pero tumakbo. Ang malupit, naging kontrobersyal ang resulta ng halalan dahil sa alegasyon ng mga dayaan.

At pagkatapos manalo, naglabasan ang mga whistleblo­wer tungkol sa Hello Garci scandal at ginawa na nga ni Mrs. A­rroyo ang pamosong anunsyo niya sa television na, “I am sorry.”

Kung tutuusin, ang pinagbatayan ng desisyon ni Sec. De Lima na pagbawalan si Arroyo na lumabas ng bansa dahil sa kinakaharap nitong mga kaso ay resolusyon na ginawa ng DOJ noong panahon mismo ni Mrs. Arroyo -- at nagamit din noon sa mga kritiko ng Arroyo government para hindi makabiyahe gaya ng ilang militanteng kongresista.

Ibig sabihin, biktima si Mrs. Arroyo ng patakaran na nabuo sa panahon ng kanyang administrasyon. Kaya tama lang na dalhin ng mga Arroyo sa korte ang usapin para malaman kung illegal o hindi ang naging desisyon ni Sec. De Lima.

***

Napag-usapan ang pagtabla ng DOJ sa request ni Mrs. Arroyo, hindi lang plunder at electoral sabotage ang isyu bagkus meron pagdududang nakikita si Sec. De Lima sa tunay na lagay ng kalusugan ng dating pangulo, maging sa mga bansang pupuntahan nito.

Makailang ulit inanunsyo ng mga inarkilang spokesman ang gumagandang kalagayan ni Mrs. Arroyo at mismong mga doktor ng dating pangulo sa Saint Luke’s Medical Center ang nagsabing bumubuti ang kalusugan nito.

At kung pagbabatayan ang mga litratong lumabas ni Mrs. Arroyo, hindi naman siya pumayat nang husto. Nagmukhang kahabag-habag lamang si Mrs. Arroyo dahil hindi siya inayusan, as in hindi sinuklay ang buhok. Sinadya kaya iyon para magmukha siyang kawawa at makakuha ng simpatiya sa publiko?

Iyon ang hindi natin alam, maliban sa mga miron sa photo op!

Nagduda rin ang DOJ dahil sa dami ng makakasama ni Mrs. Arroyo sa biyahe. Bukod pa sa dami ng bansa na balak puntahan na aabot sa tatlo (3) hanggang lima (5). At sa nabanggit na mga bansa, isa lang ang may extradition treaty ang Pilipinas -- ito’y sa Amerika na wala sa prayoridad ng kampo ni Mrs. Arroyo.

Ibig sabihin, kung magpunta si Mrs. Arroyo sa bansa na wala tayong tratado at naisin nitong magtago na roon, walang habol ang Pilipinas. Tingnan na lang natin ang nangyari sa kaso ni Ramona Bautista na idinadawit sa pagpatay sa kapatid niyang si Ramgen Revilla, as in tali ang kamay ng pamahalaan na ibalik si Ramona sa bansa dahil walang extradition treaty ang Pilipinas sa Turkey na bansang kinaroroonan daw ni Ramona.

Dagdag pa sa pagdududa na nagsimulang lumakas ang suwestiyon na mag-abroad si Mrs. Arroyo mula nang ianunsyo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na sisimulan ng pamahalaan ang pagsasampa ng kaso ngayong Nobyembre.

Kung tutuusin, suwerte pa rin si Mrs. Arroyo, aba’y handa naman si PNoy na gastusan ng pamahalaan ang pagbiyahe ng mga dayuhang doktor na mapipili at dadalhin sa Pilipinas para dito siya magamot.

Dapat balanse ang lahat, as in kailangan ding pangalagaan ni PNoy ang tungkulin niya sa bansa na papanagutin ang mga nagkasala sa bayan -- dahil ‘yan ay ipinangako niya sa mga mamamayan.

At kay Mrs. Arroyo, ito’y pinayuhan ni Delfin Pasaway na habang hinihintay ang magiging desisyon ng korte, mabuting basahin muna niya ang pambatang kuwento na may titulong, “The Boy Who Cried Wolf”.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: