Monday, November 28, 2011

Sarili ang sisihin!
REY MARFIL


May katwiran si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagsasabi na tanging ang korte lalung-lalo na ang sala ni Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 ang meron pinal na desisyon kung dapat bang isailalim sa house o hospital arrest si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos makasuhan ng pananabotahe sa halalan.

Bagama’t hindi magiging maganda sa ngalan ng pagkakapantay-pantay at hustisya na ikulong si Mrs. Arroyo sa kanyang magarbong mansion sa La Vista, Quezon City, dapat ipaubaya ng publiko ang desisyon sa mga korte katulad ng ipinahayag ni PNoy.

Sa ngayon, tama munang dalhin ng kapulisan si Mrs. Arroyo sa isang lokal na kulungan sa Southern Police District (SPD) mula St. Luke’s Medical Center (SLMC) matapos tumestigo ang sariling doktor -- si Dr. Mario Ver, orthopedic spine surgeon ni Mrs. Arroyo, sa korte at nagsabing gumagaling na ang kongresista at maaaring gamutin bilang outpatient at magkakaroon ng ganap na kagalingan matapos ang ilang linggo.

Subukang i-flashback ang nakaraan, bago payagan ng Sandiganbayan ang house arrest ni dating President Joseph Ejercito Estrada, ito’y pansamantalang dinala sa Veterans Hospital at inilipat sa isang pasilidad ng militar sa Tanay, Rizal at kinalaunan sa kanyang rest house sa Rizal.

Sa ngayon habang wala pang desisyon ang korte, hindi tama at malinaw na pagkakaloob ng special treatment ang pananatili ni Mrs. Arroyo sa ospital. Maaaring mukhang may sakit si Mrs. Arroyo, ngunit ang hindi maganda dito, hindi naniniwala ang mga tao sa kanya na dumaranas siya ng seryosong karamdaman at nangangailangang komonsulta sa mga eskpertong medikal sa ibang bansa.

Dahil sa kanyang track record ng pag-iwas sa mga isyu, nagiging malaking problema nito ngayon ang kanyang kredibilidad. Hindi siya pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan ng mga tao. Ngunit, siya lamang naman ang dapat sisihin dahil sa hindi pagtupad sa kanyang mga pangako. Naaalala n’yo pa ba ang kanyang pangako sa national television na hindi tatakbo noong 2004 elections -- hindi ba’t nagsinungaling at tumakbo?

***

Sa ating naudlot na usapang APEC (Hawaii) at ASEAN (Bali, Indonesia), hindi lahat ng oras ay maaa­ring makukwenta sa aktuwal na halaga o numero ang mga kapakinabangang inaani ng bansa mula sa mga biyahe ng Pangulo upang dumalo sa mga diplomatikong pagpupulong.

Kung noo’y pawang pagsasang-ayon lamang sa mga ideya at payak na konseptong pangkaunlaran, sa ganitong okasyon naisasapinal at nasesemento ang mga detalyadong kasunduan.

Kagaya ngayon, napagkasunduan at pormal na napabilang ang bansa sa pandaigdigang inisyatibo sa climate change, terorismo, ekonomiya, proteksyon ng ating mga kababayan sa ibayong-dagat at mga kasunduan sa kalakalan. Meron ding impormal na pagpupulong, leveraging, negosasyon at pagpoposisyon sa interes ng ating bansa.

Sa kasalukuyan, isinusulong ng Pilipinas na makapag-upo ng isang hukom sa International Court of Justice sa ilalim ng United Nations (UN). Patunay sa pagiging epektibo ng mga okasyong ito ang pagkakapanalo natin ng isang seat sa Security Council at iba pang komite ng UN ilang taon na ang nakalipas.

Sa 19th ASEAN Summit and Related Summits naman sa Bali, Indonesia pagtutuunan ng pansin ng mga delegado ng Pilipinas sa pangunguna ni Pangulong Noy ang isyu sa kinikwestyong jurisdiction at pagmamay-ari ng mga teritoryo sa West Philippine Sea at Scarborough Shoals.

Sa isang may kaliitang bansa na nahaharap sa ganitong isyu, malaking bagay ang magkaroon ng solidong kaalyadong kapit-bahay. Bagama’t nagki-claim din ang ilang bansang kasapi sa ASEAN, hindi maipagpapalit ang mapasang-ayon ang mga ito na hanapin ang solusyon sa mahinahon at diplomatikong paraan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: