Friday, November 4, 2011

Common sense!
REY MARFIL


Malinaw ang pagsuporta ni World Bank Group Pre­sident Robert Zoellick sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o Conditional Cash Transfer (CCT) prog­ram ng administrasyon -- isang patunay na epektibo at matagumpay ang kampanya ng gobyerno sa pagtulong sa mga mahihirap.

Dahil sa “daang matuwid” ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, meron inilaang $100-milyong pasilidad ang World Bank sakaling mangailangan ng pondo ang gobyerno para sa programang CCT na kinukuwestyon ng mga kritiko subalit wala namang mailatag na solusyon upang tapyasan ang bilang ng mga nagugutom.

Isang napakagandang bagay ang pagsuporta ni Zoellick sa kampanya ng administrasyong Aquino laban sa katiwalian. Kailangan natin ngayon na suportahan ang anti-poverty at anti-corruption campaign ng pamahalaan upang maramdaman ang kaunlaran maging sa ilang mga lugar sa bansa.

***

Kapuri-puri rin ang pagtiyak ni PNoy sa malakas na bilateral relations ng Pilipinas at Vietnam sa kabila ng kontra-alyansa ng superpowers noong Cold War, as in pinalalim sa pagbisita ni President Truong Tan Sang ng Socialist Republic of Vietnam ang pagkakaibigan, ekonomiya, negosyo at bilateral relations ng dalawang (2) bansa.

Positibong bagay ang presensya sa Pilipinas ni President Sang sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea dahil sa pinag-aagawang mga isla. Higit na kailangan nga­yon ng bansa ang malakas na samahang pulitikal, ekonomikal at seguridad para sa kapayapaan at kaunlaran -- ito’y pagmumulan ng matinding kasiyahan sa pagsusulong natin ng kaunlaran at mga hamon sa iba’t ibang nasyon.

Dahil sa magandang pangyayaring ito, umaasa ta­yong matatamasa ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kapayapaan, kaunlaran at kooperasyon.

Manatili sana tayong nakatindig para sa pagsusulong ng magandang kinabukasan ng mga nasyon sa Asya.

Sa pagbisita ni President Sang, lumagda ang Pilipinas at Vietnam sa bilateral agreements na naglalayong pa­lakasin ang kooperasyon sa karagatan, coast guard at turismo at maging ang kasunduan sa bilateral projects na ipatutupad sa 2016.

***

Napag-usapan ang biyahe, hindi masisisi ang Malacañang kung pagdudahan ang tunay na motibo sa pla­nong pagpapagamot ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa sandamakmak na destinasyong nais puntahan, katulad ng Singapore, Spain, Germany, Italy at US.

‘Ika nga ng mga kurimaw, “sentido kumon” lamang ang kailangan para malaman na nakakapagod kahit sa isang taong malusog ang bumiyahe sa iba’t ibang bansa sa loob lamang ng maikling panahon.

Mas lalo na kung isang maysakit ang bibiyahe, maliban kung sadyang walang “common sense” ang mga “taga-tahol” nito?

Hindi rin masisisi ang mga anti-Gloria na ilutang ang senaryong tatakas ang dating pangulo lalo pa’t kaliwa’t kanan ang mga iskandalong nagsisingawan. Alangang magpikit-mata na lamang ang mga dating nasagasaan o kaya’y magbulag-bulagan sa kanyang pananagutan?

Dapat lamang balansehin ng pamahalaan ang kanyang karapatan na makapagpagamot sa ibang bansa para mai­salba ang kanyang buhay at ang obligasyon nito sa batas na harapin ang mga imbestigasyon at prosekusyon.

Ang suggestion ni “Boy G”, bakit hindi na lamang papuntahin sa Pilipinas ang mga doktor na gusto nitong sumuri sa kanyang kalusugan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: