Friday, November 25, 2011

Patas lang!
REY MARFIL

Isang malaking tagumpay sa ngalan ng hustisya ang kautusan ng Pasay City na arestuhin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa kasong pananabotahe sa halalan dahil napigilan itong makalabas ng bansa at maiwasan ang posibleng pagtakas.

Malinaw na tagumpay sa ngalan ng hustisya at pananagutan ang pangyayaring ito dahil ipinapakita ng pamahalaan na seryoso sa kampanya na habulin ang malalaking mga isda na sangkot sa umano’y malawakang maanomal­yang transaksyon at malakihang katiwalian sa nakalipas na administrasyon.

Dapat ding purihin ang ipinapakitang parehas at maka­taong pagtrato ng administrasyong Aquino kay Mrs. Arroyo. Kung tutuusin, napakabait ng kasalukuyang admi­nistrasyon nang hindi tumutol sa desisyon ng kapulisan na isailalim si Mrs. Arroyo sa hospital arrest sa St. Luke’s Me­dical Center bago pa man ito payagan ni Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112.

Dapat din nating bigyang pagkilala ang pagtiyak ng pamahalaan na magkaroon ng parehas at walang kinikili­ngang paggalang sa bawat karapatan ng dating pangulo bilang akusado na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.

Kumpara sa nakalipas na gobyerno, naniniwala akong maghahari ang paggalang sa karapatan ni Mrs. Arroyo sa due process sa panahon ng palilitis.

Ang masamang balita lamang para sa mga Arroyo, solido ang suporta ng publiko sa hakbang ng pamahalaan na isulong ang prosekusyon at nananawagan ng kanyang conviction.

***

Anyway, nakakatuwang makita ang patuloy na tagumpay ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagtanggap ng ma­laking paghanga at respeto ng makapangyarihang mga lider sa mundo dahil sa kanyang itinataguyod na makatotohanang reporma tungo sa matuwid na daan.

Kamakailan lang, mismong si United States President Barack Obama ang pumuri kay PNoy sa isang bahagi ng 19th Association of Southeast Nations (ASEAN) Summit sa Bali, Indonesia dahil sa malawakang reporma na ipinapatupad ng kanyang pamahalaan.

Sa pagbisita naman ni Republic of Korea President Lee Myung Bak, ipinaabot nito ang kanyang malalim na pagha­nga kay Pangulong Aquino dahil sa mga polisiya nitong ipinatupad para manatili ang pag-asenso ng ekonomiya sa bansa habang nagaganap ang pandaigdigang krisis.

Dahil sa paghanga ni President Obama, lalong maigting ang paniniyak ng US na magpapatuloy ang suporta ng kanilang pamahalaan sa mga repormang itinataguyod ni Pangulong Aquino sa buong bansa.

Malinaw na lubhang epektibo ang malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino sa pagsugpo ng kahirapan na isa sa kanyang mga pangako noong nakalipas na kampanya. Binigyang puntos ni President Lee ang 7.6% paglago ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Aquino na kanyang tinitingnan na “outstanding number” na labis na inaasam ng ibang mga bansa.

Pinuntuhan din ni President Lee ang malaking tagum­pay ni PNoy, base sa maigting nitong pananaw at kagustuhan na maisulong ang kaunlaran sa lahat ng mga tao at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Take note: panlima sa pinakamalaking trading partner ng Pilipinas ang Republic of Korea na merong $6.08 bilyong pamumuhunan at ikatlo sa nangungunang mamumuhunan ng nakaraang taon na umabot sa $693.1 milyon.

Dahil sa magandang lideratong ipinapakita ni PNoy, inaasahan nating lalago pa nang husto ang bilateral relations ng Pilipinas at Republic of Korea sa larangan ng negosyo matapos lagdaan ang ilang mga kasunduang mayroong kinalaman sa agrikultura at enerhiya ng dalawang bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: