Husay ng Pinoy! | |
Dahil sa kawalan ng katiwalian sa pamahalaan, napipilitan ang mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na lumikha at magtagni-tagni ng walang basehang mga reklamo, as in kung sinu-sino ang inaarkilang “script writer”, makaresbak lamang sa palasyo.
Hindi natin masisisi ang kanyang mga kalaban na gumawa ng walang kuwentang mga isyu mula sa kawalan lalo’t nararamdaman nila ang init ng matuwid na daan na nakabase sa matinong pamamahala at kampanya laban sa malawakang katiwalian.
Tinutukoy natin ang walang basehang banta na magsampa ng impeachment complaint laban kay PNoy na nag-ugat sa ibinigay na P5 milyon ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Katulad ng isinampang impeachment complaint ni Atty. Oliver Lozano laban kay PNoy sa pamamagitan ng registered mail dahil sa pagtanggi ng huli na mabigyan ng state honors ang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, inaasahan na sa basurahan din mapupunta ang panibagong reklamo.
Nag-ugat ang walang basehang plano ng isang kongresista sa P5 milyong pondo ng MILF para lumikha ng Bangsamoro Leadership and Management Institute.
Ang kawalan ng anumang alegasyon ng katiwalian sa kasalukuyang pamahalaan ang nagbibigay ng mataas na pagtingin ng publiko kay PNoy -- ito ang rason kung bakit nagtatahi ng kuwento ang mga kritiko.
Tunay na mas maramng importanteng bagay na dapat asikasuhin ang Kongreso sa halip na ubusin ang panahon sa pagtalakay sa walang basehang isyu. Kaduda-duda rin kung makakalusot sa pamantayan ng House committee on justice ang anumang reklamo.
Sa kabila ng malawak na sakop ng pagkakanulo sa tiwala ng publiko, hindi lubos maisip ng mga kurimaw kung saan pumapasok ang isyung ito kaugnay sa pagkakaloob ng P5 milyon sa MILF. Papaano na ang isang magandang mithiin na magkaroon ng wagas na kapayapaan sa bansa ay ikokonsiderang pagkakanulo sa tiwala ng publiko?”
***
Anyway, nakakatuwa ang pagkilala ng Malacañang sa nagawa ng mga batang Filipino math wizards na tinalo ang ibang mga kalahok sa international math competition na isinagawa sa China kamakailan.
Isang magandang balita na pagmumulan ng hindi matatawarang karangalan ang tagumpay ni Farrell Eldrian Wu kasama ang anim na iba pang mag-aaral sa elementarya nang manguna sa pangunahing dibisyon ng individual contests sa 2011 World Mathematics Team Championship na isinagawa sa Beijing, China mula Nobyembre 2 hanggang 6.
Isang Grade 6 na mag-aaral si Wu mula Taguig na nanalo ng gold medal at nasa ikaunang ranggo sa pangunahing dibisyon ng individual contests.
Sa pangkalahatan, nasa ikalawang puwesto ang grupong Philippine Team 1 ni Farrel kasama ang iba pang mag-aaral -- sina Clyde Wesley Ang, Miguel Lorenzo Ildesa, Andrea Jaba, Sedrick Scott Keh at John Aries Ceazar Hingan.
Ipinapakita ng matinding kompetisyon ng paligsahan na kayang-kaya ng mga Filipino na makipagpaligsahan sa larangan ng talino.
Nakakatuwa rin ang papuri ng Malacañang sa tagumpay na nakamit ni Miss Philippines candidate Gwendoline Ruais na naging first runner-up sa katatapos na 2011 Miss World beauty pageant sa Earls Court Two sa London, United Kingdom.
Sa kanyang opisyal na Twitter account (@PresidentNoy), pinuri ni PNoy ang tagumpay ng 21-anyos na Filipino-French -- si Ruais.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment