Wednesday, November 9, 2011

Buti na lang!
REY MARFIL


Malinaw ang kahanga-hangang determinasyon ng administrasyong Aquino na pulbusin ang masasamang mga elemento sa Mindanao sa pamamagitan ng all-out justice policy sa kabila ng pagbasura sa all-out war na nag-ugat sa karahasang inihasik ng ilang pasaway na mga elemento ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagresulta sa kamatayan ng mga sundalo at pulis.

Tama si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa paninindigan nitong hulihin ang masasamang mga elemento sa Mindanao at nagbabalang mananagot sa hustisya ang sinumang magkakanlong sa mga ito.

Ipinapakita ng pamahalaan ang determinasyon na hulihin ang masasamang mga elemento, ngunit hindi bilang MILF. Dapat nating ilagay sa ating isipan na mangyayari lamang ang wagas na kapayapaan sa pamamagitan ng pag-uusap at hindi ng digmaan.

Sa ganitong bagay, importante sa magkabilang panig na magpatuloy ang pormal at hindi pormal na pag-uusap at laging maging bukas ang linya ng mga ito sa isa’t isa.

Makatwiran ang pag-obliga ng pamahalaan sa MILF na makiisa o hayaan na lamang ang kinauukulan na gawin ang kanilang trabaho na arestuhin ang masasamang mga elemento ng rebeldeng grupo.

Dapat ding papurihan ang administrasyong Aquino matapos tiyakin na hindi papayag na makialam ang banyagang mga bansa sa isinusulong na usapang pangkapayapaan sa MILF matapos ang balitang posibleng manghimasok ang Malaysia.

***

Napag-usapan ang all-out justice, hindi na tayo magmamagaling sa tunay na detalye ng engkuwentro dahil wala naman tayo roon. May bersyon ang mga sundalo, at may bersyon din ang MILF.

Ang malinaw dito, may naganap na bakbakan at may namatay, sa kabila ng umiiral na ceasefire dahil sa isinusulong na peace talks sa magkabilang panig.

Ngayon, may mga urot at mainit ang pamato na nag-uudyok sa gobyerno na itigil na ang peace talks at giyerahin na ang MILF… in short -- all-out war daw. Pero silang nang-uurot ng all-out war -- ito’y wala sa Mindanao at milya-milya ang layo sa pinangyayarihan ng bakbakan.

Silang mga nang-uurot na hindi naman pinagpapawisan ang kilikili dahil laging naka-aircon sa bahay, kotse at opisina. Mga hindi napuputukan ang paa dahil sementado ang bahay, ang kalsadang dinadaanan ng kotseng magara at pati na ang kanilang opisina ulit.

At habang nag-uurot ang mga urot, ang mga sundalo natin at mga mandirigma ng MILF ang gusto nilang magpang-abot ulit. Gusto ng mga urot na dumanak uli ang dugo at luha ng mga mauulila.

Bukod pa ang mga sibil­yan na madadamay at mapipilitang umalis ng kanilang bahay para hindi tamaan ng mga bala na may pasabi na, “to whom it may hit.”

Madaling mang-urot ng gulo pero mahirap mamagitan para mapagbati ang mga nag-aaway. Ilang dekada na ang giyera sa Mindanao pero magulo pa rin, kaya dapat na suportahan lang ang posisyon ng Pangulo na i­tuloy ang usapang pangkapayapaan habang naghahanap ng hustiya sa mga biktima ng karahasan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: