May pinatunguhan! | |
REY MARFIL |
Papaano natin masisisi si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa serye ng kanyang mga biyahe sa Estados Unidos (US) at Asya kung nagresulta ito sa paglago ng pamumuhunan ng bansa at nagsulong ng interes ng mga Filipino?
Pawang obligasyong internasyunal ang kanyang pinakahuling mga biyahe bitbit ang maliit na delegasyon, alinsunod sa programang pagtitipid ng kanyang pamahalaan.
Kabilang dito ang pagtungo sa Hawaii kung saan dumalo si PNoy sa 19th Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting at ASEAN Summit sa Bali, Indonesia na naglalayong patatagin ang ekonomiya at pulitikal na kalagayan ng bansa.
Take note: imbitasyon ng iba’t ibang mga bansa ang kanyang mga paglalakbay, isang magandang indikasyon ng pagkilala ng banyagang mga lider sa maayos at magandang pamamalakad ng liderato nito para repormahin ang bansa.
Isang halimbawa ang imbitasyon ni Prime Minister Julia Eileen Gillard kay PNoy na bisitahin ang Australia sa kalagitnaan ng 2012, maging si United States President Barack Obama ipinaabot ang imbitasyon sa pamamagitan ni Secretary of State Hillary Clinton nang bumisita sa Pilipinas, pinaka-latest ang harapang imbitasyon ni Barack sa APEC summit sa Hawaii at ASEAN summit.
Malinaw ang paghanga ng makapangyarihang mga lider ng bansa kay PNoy base sa mga imbitasyon dahil sa mga magaganda at makatotohanang repormang ipinapatupad nito, kabaliktaran sa “ex-occupant” ng Malacañang kung saan halos ipagduldulan ang sarili at mag-amazing race sa paghahabol para maimbitahan, as in “invite me”.
Sa kaalaman ng publiko, napaka-importante ang mga biyahe ng sinumang Pangulo -- ito’y isang paraan upang maiparating nito sa iba’t ibang mga bansa ang matinong pagbabago na inilatag ng kanyang pamahalaan para isulong ang kagalingan ng mga Filipino at maging ang mga ipatutupad pang mga programa.
At hindi rin naman kaila sa publiko ang matinding pagtitipid ni PNoy at tanging “working staff” ang bitbit. Higit sa lahat, mabibilang sa daliri ang biyahe kada taon, kabaliktaran sa nagdaang panahon kung saan dalawang (2) foreign trip kada buwan ang average ng nakaupo sa Palasyo.
Kung walang kuwentang lider si PNoy at isang tiwali, sa tingin ba ninyo iimbitahan nina President Obama, Prime Minister Gillard at iba pang mga lider na magpunta sa kanilang mga bansa? Natural hindi ang kasagutan.
Malaking katibayan ang mga imbitasyon na nasa tamang landas ang bansa sa ilalim ng pamumuno ni PNoy at ipinapakita rin ng mga pagbatikos sa biyahe ng Pangulo na walang maibatong isyu ng katiwalian ang mga kalaban o kritikong hindi matanggap ang resulta ng 2010 presidential election.
***
Napag-usapan ang foreign trip, bilib ang international community sa nakamit ni PNoy sa usapin ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas sa unang tatlong (3) buwan ng taong 2011 nang hindi mangangailangan ng pag-aangkat ng bigas.
Sa katunayan, iprinisinta ni PNoy ang magandang balita sa isang diskusyon kasama ang chief executive officers (CEO) ng malalaking mga kompanya sa ika-19th APEC Leaders’ Meeting sa Hawaii kamakailan -- ito’y resulta ng pro-farmers campaign ng pamahalaan para makamit ang sapat na suplay ng bigas, bagay na hindi nagawa ng dating administrasyon dahil ginawang pambansang polisiya ang pag-aangkat ng bigas.
Ibig sabihin, makatwirang papurihan ang administrasyong Aquino sa pagkakaloob ng mga binhi, kailangang inputs, pagtulong sa marketing campaign sa mga magsasaka at pagtataguyod ng pagtatanim bilang mura at kapaki-pakinabang na paraan kumpara sa pag-aangkat ng bigas.
Sa ganitong polisiya ni PNoy, matitiyak natin na hindi na mangyayari muli ang nasayang at nabubulok na tone-toneladang bigas sa ilalim ng dating administrasyon.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment