Mahalaga ang mga bata! | |
Makatwirang suportahan ang panawagan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga kabataang Filipino na magkaisa, tumulong sa pagsusulong ng matinong pamamahala at magpakita ng sinseridad bilang epektibong sandata para magtagumpay kontra kahirapan.
Dahil sa kanilang potensyal sa pagbuo ng bansa, tama lamang na tugunan ng mga kabataan na kumakatawan sa 30% ng populasyon ng bansa ang hamon ni PNoy na mabuhay sa mga katangiang nabanggit na likas naman sa mga Filipino kesa gamitin ang pagiging malikhain sa paggawa ng kabulastugan o makakasira sa buhay.
Kailangan ang kooperasyon para makamit ang tuluy-tuloy na progreso at malaki ang magiging kontribusyon dito ng mga kabataan. Ibig sabihin dapat tayong makilahok sa magandang ginagawa ng gobyerno sa pamamagitan ng iba’t ibang social projects na nagpapalakas hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa ilang mga kasapi ng lipunan.
***
Napag-usapan ang mga kabataan, hindi ba’t nakakabilib ang pagpapahalaga ni PNoy sa promosyon ng interes at karapatan ng mga bata, patunay ang pangunguna ng Pangulo sa paggawad ngayong taon ng Child Friendly Municipalities and Cities.
Sa kaalaman ng publiko, tumanggap ang limang (5) nanalo ng Presidential Trophy at tig-P300,000 cash prize -- kinabibilangan ng mga munisipalidad ng Villaverde, Nueva Vizcaya; Mariveles, Bataan; Vigan City, Ilocos Sur; Santiago City, Isabela; at Mandaluyong City, isang patunay na ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat ng paraan upang protektahan ang buhay at karapatan ng mga bata na siyang kinabukasan ng bansa.
Kabilang sa tulong ng pamahalaan sa mga bata ang kampanya laban sa kahirapan katulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at pambansang programa sa kalusugan sa pamamagitan ng PhilHealth na nakakatanggap ng mas malaking pondo para maparami ang mga benepisyunaryo.
Nakaraang Setyembre, tinatayang 2.23 milyong pamilyang Filipino ang nakinabang na sa 4Ps habang 5.2 milyong pamilya naman sa serbisyong kalusugan. At pangunahing prayoridad ni PNoy ang edukasyon na pinatingkad ng Counter-Parting for Classroom Construction Program na gagawa ng 1,300 silid-aralan sa buong bansa.
Hindi lang ‘yan, lumahok din ang Pangulo sa UNICEF Philippines at Department of Social Welfare and Development para sa paglulunsad ng libro tungkol sa mga batang lansangan ng nakaraang linggo.
Tinatalakay ng librong A Journey with Children: Living and Working on the Streets of the Philippines ang mga kuwento ng 45-batang kalye, kalakip ang mga larawang kuha ni UNICEF photographer Giacomo Pirozzi.
Ipinakita ng libro ang kalagayan ng mga batang lansangan at ang pag-asang maaayos ang kanilang kalagayan na siyang pinagsusumikapang isulong ng administrasyon.
At nanawagan si PNoy sa pribadong mga kumpanya na ipagpatuloy ang pagsuporta sa mga programa ng pamahalaan upang protektahan ang mga bata.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment