Monday, November 21, 2011

Sa kauna-unahang pagkakataon, inilabas ng mga kritiko ang linyang benggatibo si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III at ginagantihan ang dating inaakusahang “kapit-tuko” sa palasyo. Hindi Marcos ang middlename ng mga Arroyo. Lalong hindi Marcos si Mrs. Arroyo.

Walang motibo si PNoy na paghigantihan ang mga dating namayagpag sa palasyo.

Kung gumaganti man ang kasalukuyang administras­yon, tanging para sa mamamayang Filipino ang maaaring motibasyon sa posisyon ng Pangulo na pursigihin sa tamang proseso’t paraan ang mga taong minsa’y pinag­laanan ng tiwala ng bayan ngunit siya namang nagkait sa mga ito ng matuwid na pamamahala at marangal na buhay.

Hindi natin papakialaman ang mga bagay na legal at nararapat lamang pagdebatehan ng mga eksperto sa batas at hukuman. Ang malinaw sa publiko, sila mismo ang gumawa ng kapahirapang nangyari sa kanila -- ito ang namutawi kay MIAA Chief Angel Honrado.

Ang naka-fax na request, ito’y hindi gawa-gawa lang. Ang pirmadong hiling, ito’y hindi nagmula sa Malacañang. Noong Martes, saktong 7:19 ng gabi ang request ng mga Arroyo na gamitin ang ramp ng NAIA kasama ang mga pasilidad na nauukol lamang sa mga dignitaryo at VIPs, ito’y natanggap ng MIAA public affairs office at agad na naaprubahan. Katunayan nito, isang liaison ng mga Arroyo ang personal na nag-ayos upang hindi sila mahirapang dumaan sa proseso.

Sa planong inilatag ng pamunuan ng MIAA, papasok ang mag-asawang Arroyo sa ramp gate kung saan may lagusan diretso sa isang lounge para sa mga VIP. Dito, kumportable silang maghihintay habang pinuproseso ang kanilang mga dokumento sa pag-alis ng bansa.

Ngunit dahil nga ang nakatagong misyon ay ang kumalap ng habag, pinili o pinilit nilang sa passenger entrance dumaan. Doon, libre ang publisidad. Sabayan pa ng linyang, “maawa naman kayo”, hindi ba’ “Ayos talaga ang buto-buto”?

***

Napag-usapan ang biyahe, pabagu-bago ang travel plan, pabagu-bago ang pupuntahan. Limang bansa ang nakaiskedyul sa loob ng iilang linggo. Sa isipan ng taumbayan, kakayanin kaya ng merong dinaramdam na katawan? Ang totoong may sakit, ito’y namamahinga at nagpapagamot, hindi lamang nagpapaospital at “tuma-timing” na makasakay ng eroplano!

Hindi lang pabagu-bagong travel plan. Pati ang totoong kondisyon, ito’y pabagu-bago rin. Kapag ganito ang humihiling ng permisong umalis, inyo bang papayagan? Take note: “binomba” ang publiko ng paulit-ulit na mga katagang ‘di mahagip ng ating kamalayan.

Mula “spondylosis” hanggang “cervical arthritis”. Mula. “bone mineral disorder” hanggang.

“hypoparathyroidism”. Mula “bone degeneration”, ang pinakabago’y “glandular disease”. Ano ba talaga, Ma’am?

Pinalululon sa atin ang mga termino ng mga dalubhasa’t aral sa siyensya’t medisina upang hindi natin maintindihan ang totoong kalagayan at ibaling ng masa ang atensyon sa nais ng kanilang kampong pagtuunan, walang ibang misyon kundi sila’y kahabagan na hindi ipinaramdam sa sambayan sa nagdaang 9-taon habang naghahari sa Malacañang.

Puwede ba talagang mangyari ito sa gitna ng ginawa nilang walang habas na pagpapahirap sa bayan at mga kaaway ng kanilang pamumuno?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Ayos na ang buto-buto!
REY MARFIL

No comments: