Wednesday, November 16, 2011

Buhos sa edukasyon!
REY MARFIL

Lalo pang ipinakita ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang paninindigan nitong isulong ang magandang kalidad na edukasyon, patunay ang kautusang ipalabas ang karagdagang P1.15-bilyon para pondohan ang iba’t ibang proyekto ng Department of Education (DepEd).

Malinaw na layunin ng karagdagang pondo na mapabuti ang pagkakaloob ng pangunahing serbisyo sa mga estudyanteng Filipino upang makamtan ang mithiin ng pamahalaan na magkaroon ng tinatawag na “Education for All” at maabot ang Millennium Development Goals (MDG) sa sektor ng edukasyon sa 2015.

Gagamitin ang pondo sa pagpapalakas ng non-tea­ching personnel at iba pang national English proficiency program, kabilang ang pagkumpuni at rehabilitasyon sa elementary at secondary school buildings sa iba’t ibang lokasyon na labis na mahalaga sa pag-aaral ng mga estudyante.

Sa kabuuang P1.15 bilyong ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM), P500 milyon ang mapupunta sa maintenance and other operating expen­ses, kabilang ang pagbili sa school supplies na kaila­ngan sa pagtuturo.

Mapupunta naman ang P483.8 milyon sa pagsasanay ng mga guro, scholarship at fellowship grants, pagpapa­lakas ng non-teaching personnel at iba pang human resourced development activities.

Kukunin ang ilalabas na pondo sa P1.157-bilyong badyet ng Human Resources Training and Development.

Sa kabuuang P483.8 milyon, mapupunta ang P179 milyon sa National English Proficiency Program habang P74.7 milyon ang ilalabas para sa Madrasah E­ducation Program ng DepEd sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Gagamitin naman ang P104 milyon sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng mga gusali sa elementary at high school sa iba’t ibang lokasyon.

Ilalaan naman ang P60 milyon sa pagbili ng 52,630 upuan at 1,169 na lamesa ng mga guro at 1,169 silid-aralan o 725 para sa elementarya at 444 sa sekondarya mula sa kabuuang 1,430 kuwarto na itatayo mula sa P1-bil­yong pondo ng DepEd School Building Program nga­yong taon.

Mula naman sa P192-bilyong regular na badyet ng DepEd para sa 2011, P171.2 bilyon na ang nailabas ng DBM sa ahensya sapul noong Setyembre 30, 2011.

***

Anyway, binabati natin ang administrasyon sa pakikiisa nito sa paggunita ng mga Filipinong Muslim sa E­idul Adha o pista ng sakripisyo, isa sa kapita-pitagang pista ng Islamic community.

Ipinakita ni PNoy ang tahimik nitong pagrespeto sa kagawian ng mga Filipinong Muslim para palakasin ang pananampalataya sa pagsusulong ng tunay na Islam na kinabibilangan ng kapayapaan at pagkakaisa.

Ipinapaalala ng Eidul Adha sa mga Filipinong Muslim na magsakripisyo bilang pagsubok sa prinsipyo sa gitna ng mapanghamong buhay.

Ipinapakita rin ng okasyon ang aral ng katapangan at pagtanggap sa mga pagsubok bilang bahagi ng kaliwanagan ng kaisipan. Isang magandang senyales kaugnay sa pagrespeto ng mga Muslim ang ipinakitang pakikiisa ni Pangulong Aquino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: