Monday, November 7, 2011

Tamang proteksyon!
REY MARFIL

Dapat suportahan ang desisyon ng administrasyon na ipagbawal ang mga Filipino na magtrabaho sa 41-bansa dahil sa kabiguan ng mga ito na maging kaaya-aya ang kanilang mga nasyon para sa interes ng banyagang mga manggagawa.

Sa kabila ng deployment ban na ipinalabas ng Phi­lippine Overseas Employment Administration (POEA), nakapaloob sa Amended Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 na dapat payagan naman ng pamahalaan ang pagpapadala ng OFWs sa mga kompanyang merong international operation na sumusunod sa pandaigdigang pamantayan na itinataguyod ng POEA sa panga­ngalaga ng mga manggagawa.

Dapat nating balansehin ang pagkakaloob ng seguridad at kabuhayan sa ating OFWs dahil hindi natin sila ipinapadala sa isang bansa para gahasain, saktan o abusuhin ng kanilang mga amo. Ipinapakita dito ang matinding pagmamalasakit ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa ka­galingan at interes ng overseas Filipino workers (OFWs).

Dapat tingnan ang pagbabawal bilang oportunidad sa 41-bansa na amyendahan nila ang kanilang batas sa paggawa para protektahan ang interes ng banyagang mga manggagawa, lalung-lalo na ang OFWs.

Mismong Department of Labor and Employment (DOLE) ang nagsabing 200 OFWs lamang ang maaapek­tuhan ng pagbabawal at tutulungan ng mga programa ng pamahalaan ang mga boluntaryong uuwi na lamang ng bansa. Higit sa lahat, hindi paboritong puntahan o destinasyon ng manggagawang mga Filipino ang 41 bansa.

Sa kasalukuyan, merong pagbabawal ang Pilipinas sa pagpapadala ng OFWs sa mga bansang Somalia, Syria, Nigeria, Lebanon at bahagyang pagbabawal sa Iraq at Afgha­nistan. Dapat nating tandaan na higit na mas mahalaga ang pagpapanatili ng buhay ng mga tao na siyang panguna­hing obligasyon ng pamahalaan sa ilalim ng Konstitusyon.

***

Napag-usapan ang aksyon at proteksyong ipinagkakaloob ng gobyerno, kapuri-puri ang pagsuporta ng administrasyong Aquino sa paninindigan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization’s (UNESCO) kaugnay sa promosyon ng kalayaan sa pamamahayag.

Indikasyon ng malaking pagmamahal at malasakit ng pamahalaan ang pahayag ng suporta ni Communications Sec. Herminio Coloma, Jr. sa opening ceremonies sa pulong ng CI (Communication and Information) Commission -- isinagawa ang 36th UNESCO Conference sa Pa­ris, France ng nakaraang linggo.

Ipinakita rito na nakahanda ang pamahalaan na protektahan ang mga tao, partikular ang mga mamamaha­yag sa paggampan ng kanilang tungkulin. Tama ang pamahalaan sa posisyon na palakasin ang promosyon ng kala­yaan sa pamamahayag at impormasyon na bahagi ng tinatawag na Social Contract ng gobyerno sa mga Filipino sa ilalim ng liderato ni PNoy.

Ipinapaliwanag din ng suporta ang paninindigan ng pamahalaan na isulong ang pagsasabatas ng Witness Protection, Security and Benefit Act na naglalayong palakasin ang karapatan ng mga nagbubunyag ng katiwalian sa pamahalaan.

Inaasahang lilikha ang pahayag ng suporta ni Coloma kaugnay sa paggamit ng pamahalaan sa UNESCO-ins­pired communication for development (C4D) framework ng aktibong partisipasyon ng mamamayan sa gawain ng gobyerno.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: