‘Wag puro ngakngak! | |
Walang makakapigil pa sa repormang inilatag ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), kasabay ang pagsabatas ng Republic Act No. 10153 na naglalayong ipagpaliban ang halalan sa rehiyon ngayong Agosto at isabay sa 2013 mid-term elections.
Walang ibang dahilan ng pagpapaliban kundi ang maibahagi ang magandang plano ni PNoy na maisulong ang mabuting pamamahala sa pamamagitan ng pagtatalaga ng officer-in-charge (OIC) sa ARMM. Sa ganitong paraan, mabubura sa isipan ng publiko ang pagiging “Cheating capital” ng ilang bayan o lungsod tuwing eleksyon.
Maaari na nating masabi na mababawasan kung hindi man ganap na mawala ang masamang sistema sa ARMM katulad ng talamak na katiwalian, nalagay sa alanganing serbisyong pang-edukasyon at pang-kalusugan at dehadong buhay ng mga residente sa rehiyon.
Kabaligtaran sa tirada ng mga kritiko, nais lamang ni PNoy na maisulong ang interes at kagalingan ng mayorya ng mga tao sa ARMM sa pamamagitan ng pagpili sa OIC na walang intensyong tumakbo sa halalan sa 2013.
Maliban sa postponement ng ARMM election, malaking “achievement” na naman ni PNoy ang pagbabalik-operasyon ng train ng Philippine National Railways (PNR) sa rutang Manila at Naga.
Siguradong positibo sa ekonomiya ang agarang resulta ng pagpapahusay ng sistema ng transportasyon.
Sa kaalaman ng publiko, magkakaroon din ng alternatibong pagpipilian sa murang transportasyon sa “soft opening” ng tinaguriang “Bicol Express”. Sa inisyal na pagbubukas, makukuha ng PNR ang iba’t ibang komento ng mga tao bago tuluyang isagawa ang normal na operasyon.
***
Napag-usapan ang good news, isang positibong aksyon ang pagpapalabas ni PNoy ng P104 milyon para “aregluhin” ang hindi nabayarang umento sa suweldo ng 1,465 huwes at mahistrado.
Ang kautusan ni PNoy, makakatulong sa pagnanais ng gobyerno na isulong ang hustisya sa bawat Filipino nang walang takot at pabor, as in ipinapakita ang malinaw na kooperasyon at pagkakaisa ng administrasyong Aquino at hudikatura na paghariin ang katarungan sa buong bansa.
Tama ang posisyon ng Malacañang na maging bukas para makatrabaho ang Supreme Court (SC) sa pagtataguyod ng reporma sa katarungan sa kabila ng naunang mga banggaan.
Hindi lang ‘yan, dapat lamang purihin ang administrasyon sa magandang nagawa sa pandaigdigang kampanya laban sa human trafficking.
Take note: mismong si United States (US) Secretary of State Hillary Clinton ang nakapansin sa positibong ginagawa ng Pilipinas sa pagresolba ng pandaigdigang problema.
Tunay na nasa tuwid na daan ang Pilipinas matapos ang isang taong panunungkulan ni PNoy.
Ibig sabihin, anumang ingay at ngakngak ng mga kritiko, hindi matatawaran ang magandang nagawa ni PNoy at dapat ipagbunyi ang positibong balitang ito na nanggaling mismo sa US State Department -- ito’y hindi nangyari sa halos isang dekadang pamumuno ng pinalitan sa trono.
Sa report ng US State Department kaugnay sa Trafficking in Persons Report, napunta ang Pilipinas, Singapore at Laos mula Tier 3 tungong Tier 2, ibig sabihin gumagawa ang tatlong (3) bansa ng paraan para labanan ang human trafficking bagama’t hindi sapat ang mga aksiyon.
Asahang mas lalo pang pagbubutihin ng administrasyon ang kampanya laban sa nasabing problema para mas mapabuti ang estado ng Pilipinas.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment