Friday, July 1, 2011

Ang inyong reklamador!
REY MARFIL

Ni sa panaginip, ayokong isiping nagka-amnesia ang isang dating top official, aba’y binabatikos si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga krisis na nararanasan ng Pilipinas gayong nagsimula ang lahat ng problema sa panahong nagrereyna at nagsasabwatan ang mga alagaing kawatan.

Hindi lang walang basehan kundi napakalaking kasinungalingan ang tirada ni ex-official.

Mabuti na lang, hindi humaba ang ilong at pumantay sa kanyang sukat.

Take note: Si ex-official ang malaking rason ng sandamukal na hinagpis at paghihirap ng maraming mga Filipino nga­yon, as in tama si Technical Education and Skills Deve­lopment Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva sa pagsasalarawan na “Nothing Left at Home” matapos ang siyam na taon.

Ang nakakalungkot, habang nagsisikap si PNoy na maibigay sa publiko ang kanilang pangangailangan, umek­sena si ex-official para maghasik ng intriga mula sa mga basurang kanyang ikinalat sa loob ng 9-taong pa­nunungkulan. Hindi ba’t iniwan ng nakaraang administrasyon ang masamang imahe, masamang gawi sa sistema at bangkaroteng pamahalaan?

Kung meron mang nakikitang kabagalan si ex-official, sampu ng mga inarkilang attack dogs, ito’y dahil sa pagi­ging abala ng administrasyong Aquino sa paglilinis ng mga kalat at dumi na kanilang iniwanan habang ginagawa ang tungkulin na paglingkuran ang publiko.

Lumabas ang mukha ng maruming pamumulitika ni ex-official lalo’t walang positibong sinabi sa magandang balitang hatid ng upgrading ng Fitch Ratings, Standard and Poor at Moody’s Investors Service sa credit rating ng bansa na nag-ugat sa magandang klima ng pamumuhunan at pagbaba rin ngayon ng unemployment rate -- ito ba’y nagawa o nangyari sa nagdaang 9-taon?

Nakakalungkot lamang na humirit si ex-official ng walang basehang batikos kay PNoy habang maraming Pi­lipino ang naaapektuhan ng matinding pagbaha, lalung-lalo na sa Mindanao, maging sariling lalawigan nito.

Kesa sayangin ni ex-official ang laway sa walang kapararakang salita, mas makakabuting maging handa sa pagharap sa mga kontrobersya na kanyang kinasasangkutan sa ngalan ng accountability.

Kung hindi takot sumagot, bakit isang linggong pinaghahandaan ang tanong sa press conference, kabalikataran kay PNoy na walang ina­atrasan, saan mang event maharang ng media.

***

Napag-uusapan ang mga reklamador, mismong si Maguindanao at Cotabato City Rep. Bai Sandra Sema ang nagsabing agarang tumugon si PNoy para tulungan ang binahang Cotabato City at Maguindanao, kabaliktaran sa gustong palabasin ng isang local official.

Nakakalungkot na merong local official, katulad ng isang mayor na pinulitika ang pagtulong ng pamahalaan sa panahong mayroong matinding panawagan sa pagkakaisa para saklolohan ang ating mga kababayan sa Mindanao.

Ika nga ni Mang Gusting, mas makakatulong si ma­yor kung titigilan ang pagngangakngak dahil nakakadagdag lamang sa baha ang kanyang laway lalo pa’t walang katotohanang hindi tumulong ang pamahalaan sa pagkakaloob ng ayuda sa Cotabato.

Kung tutuusin, hindi ba’t nakakahiya ang magreklamo na walang dinalang relief goods si PNoy kahit kitang-kita ang pamimigay ng tulong matapos personal nitong bisitahin ang lugar, maliban kung may diperensya sa mata si mayor?

Sa lugar pa lamang ng nagrereklamong alkalde, nagbigay kaagad ang DSWD ng P7,799,260 halaga ng relief goods sa apektadong mga residente kaya nakakapagtaka ang mga tirada ng opisyal.

Pinabuksan din ng Department of Education (DepEd) ang mga eskwelahan para lumuwag ang iba’t ibang evacua­tion centers habang ipinamahagi rin ang donasyong mga damit, mats at pagkain.

Sa mga wala naman sa evacua­tion centers, ipinamahagi ng Civil Society Organizations (CSOs) sa ilalim ng tanggapan ni Cotabato City Vice Mayor Muslimin Sema ang relief goods.

Iniulat din ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na nakapagbigay ang Department of Health (DOH) ng P70,000 halaga ng gamot.

Ibig sabihin, mala-Claro M. Recto sa linaw ang pagtugon ni PNoy sa tawag ng pangangailangan sa Mindanao.

Pagkakaisa at hindi ang pagiging bida sa sarili ang dapat na maghari sa panahon ng natural na mga kalamidad.

Mala­king kasalanan ang ginawa ni mayor sa kanyang constituents dahil sa kanyang pamumulitika.

Laging tandaan: “Bata niyo ako at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com).

No comments: