Kumonti ang gutom! | |
Hindi ba’t nakakatuwang marinig ang kahandaan ng administrasyong Aquino na harapin ang “Saudization program” ng Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanilang contingency measures?
Ibig sabihin, tagilid nga naman ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa bagong polisiya.
Sa bagong polisiya ng Saudi government, ititigil na ang pagproseso sa permiso sa trabaho ng mga kasambahay mula sa Asya para mabigyan ng prayoridad ang lokal na mga residente -- ito’y malaking problema lalo pa’t malaking bulto ang nagmumula sa Pilipinas at “favorite destination” ng mga overseas workers ang naturang bansa.
Kung susuriin ang pambihirang abilidad ng OFWs, naniniwala tayong mapupunta sa ibang destinasyon ang mga maaapektuhan ng “Saudization policy” kaya’t kapuri-puri ang ‘Balik-Pinay, Balik-Hanap-buhay Project’ ng gobyerno -- ito’y pang-kabuhayang pagsasanay na programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan ituturo ang food processing, garments, beauty shops o computer shops para sa mga magbabalik na OFWs.
Tama rin ang pamahalaan na agarang linawin sa Saudi Arabia ang kabuuan ng polisiya para maisaayos ang mga programang dapat gawin. Malinaw na ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat ng paraan upang matulungan ang kalagayan ng 1.3 milyong OFWs sa Saudi Arabia -- isang pangunahing merkado sa tinatayang siyam (9) na milyong OFWs sa buong mundo, as in 120 libo hanggang 150 libo ang mga nagtatrabahong kasambahay dito.
***
Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, marapat lamang bigyan natin ng kredito ang “matuwid na daan” ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagsisilbi sa kagalingan at interes ng mahihirap.
Aminin o hindi ng mga kritiko, maganda ang programa ng gobyerno, isang patunay ang resulta ng “hunger survey”.
Sa pinakahuling “hunger survey”, lumiit ang bilang ng mga Filipino na nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong (3) buwan. Take note: pinakamababang antas na naitala sa nakalipas na apat (4) na taon, as in ngayon lamang bumaba ng ganito kadami ang bilang ng mga nagsasabing walang makain at nagdidildil ng asin pagsapit ng dapit-hapon.
Sa national survey ng Social Weather Stations (SWS), may petsang June 3-6, lumabas na 15.1% o tatlong (3) milyong pamilya na lamang ang nakaranas ng gutom, isang beses sa nakalipas na tatlong (3) buwan.
Ipinapakita ng survey ang 5.4% pagbaba kumpara sa 20.5% naitala nitong nakalipas na Marso o tinatayang 4.1 milyong pamilya. Sa katunayan, pinakamaliit ang bagong naitalang “self-rated hunger”, simula nang makuha ang pinakamababang 14.7% noong Hunyo 2007.
Kitang-kita ang ebidensyang nararamdaman na ng mga tao ang programa para sa mga mahihirap ni PNoy, katulad ng conditional cash transfer (CCT), subsidiya sa gasolina at iba pa, maliban kung sadyang bulag o mutain ang mga kritiko ng Pangulo at “no work, no pay” sa kanilang amo kung hindi “makapag-ngakngak” sa mikropono.
Maganda ang ipinapakita ng survey at nakakasiguro tayong ipagpapatuloy ng pamahalaan para lalong mapababa ang bilang ng nagugutom na mga Filipino.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment