.jpg)
Wag puro daldal! | |
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, napag-iiwanan ang mga mahihirap sa batas ng PhilHealth at halos 15-taong pinabayaan ng pamahalaan matapos maipasa ito.
Ang good news sa ilalim ng Aquino administration, masisiguro nating meron magandang pagkakataon ang mga mahihirap sa serbisyong kalusugan -- isang napaka-importanteng bagay na inabandona ng dating administrasyon.
Hindi rin kaila sa kaalaman ni PNoy ang katotohanang 50% lamang ng populasyon ang merong health insurance kaya tututukan ngayon ng gobyerno ang problema para mapalaki ang bilang ng mga taong makikinabang dito, kabilang ang hindi pormal na sektor.
Napaka-importante sa mahihirap na magkaroon ng sandata laban sa sakit, sa pamamagitan ng ayuda mula sa pamahalaan para matipid ang kanilang kaunting salapi.
‘Ika sa commercial “bawal magkasakit dahil ang perang naitatago, ito’y naglalaho.”
Kung walang PhilHealth card, paano na lang ang isang mahirap na kahit isang kusing walang naitago sa alkansya o tukador? Take note: Kayamanan ang kalusugan.
Hindi lang ‘yan, sa pamamagitan ng DOH, ginagawa rin ni PNoy ang lahat ng paraan upang labanan ang nakamamatay na human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS) lalo pa’t tumataas ang insidente ng impeksyon sa bansa.
***
Hindi lang kalokohan kundi isang malaking kasinungalingan ng mga kritiko ang pagsabing matamlay ang ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Aquino, maliban kung hindi naiintindihan ang pahayag ng World Bank (WB) dahil Ingles ang pagkakasulat sa report o sadyang “nagtanga-tangahan” para lang makapag-soundbite sa radyo at television lalo pa’t nangangarap mag-senador?
Take note: mismong World Bank (WB) ang nagsabing maganda ang hinaharap ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon, maging sa 2012 dahil sa kampanya laban sa katiwalian na inilunsad ng administrasyong Aquino.
Kinilala ng World Bank ang positibo at malaking pagbabago sa mga pundasyon ng ekonomiya ng Pilipinas kumpara sa nakalipas na mga taon lalo’t walang patid ang kampanya ni PNoy sa pagsugpo ng katiwalian.
Sa katunayan, inihayag pa ni Trade Sec. Gregory Domingo na talagang maganda ang hinaharap ng ekonomiya ng bansa lalo pa’t tumaas ang tiwala ng mga mamumuhunan sa merkado.
Sa estadistika ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at Bureau of Investment (BOI), umangat ng 189% ang pamumuhunan nitong Enero hanggang Mayo 2011 mula P90 bilyon noong 2010, ito’y pumalo sa P300 bilyon ngayong taon.
Kesa dumaldal at mag-forum shopping ang ilang “pumu-pormang senador”, mas makakabuting itikom ang mga bunganga kung hindi rin kayang suportahan ang magandang programa ni PNoy kung nais mapanatili ang mataas na tiwala ng mga negosyante sa gobyerno at makalikha ng maraming trabaho.
Sabagay, hindi nakakapagtakang magbulag-bulagan ang mga kritiko dahil wala itong maipukol na isyu kay PNoy.
Kaya’t makatwirang suportahan ang magandang balita ng WB para mas lalong dumami ang malilikhang trabaho. Isa lang ang malinaw sa WB report -- epektibong nalinis ni PNoy ang klima ng negosyo sa bansa para makumbinse ang mga lokal at banyagang mamumuhunan na maglagak ng kapital.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment