Friday, July 29, 2011

Sa totoo lang!
REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang sinseridad ng administrasyong Aquino sa pagresolba ng ilang dekadang armadong pakikibaka ng mga komunista at iba pang rebeldeng grupo, aba’y isang taon pa lamang sa kapangyarihan, nakumbinse ng gobyerno ang Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) na lumagda sa pinal na usapang-pangkapayapaan. Take note: siyam (9) na buwan lamang ang pag-uusap.

Mula sa pagiging kalaban, katuwang na ngayon ng pamahalaan ang CPLA sa pagsulong ng kapayapaan at progreso sa Northern Luzon. At maganda rin naman ang resulta ng mga negosasyon sa mga komunista at rebeldeng Muslim.

Base sa ulat ng Department of National Defense (DND), bumaba ang bilang ng mga insidente ng pag­lusob na isinasagawa ng New People’s Army (NPA) dahil sa isinusulong na usapang-pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa parehong ulat, bumaba rin ang bilang ng mga pag-atake ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula 97 sa unang semestre ng 2010 tungong 42 sa parehong panahon ngayong taon. Kitang-kita naman ang masigasig na pagpupursige ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagkakaroon ng wagas na kapa­yapaan sa ating bansa.

***

Anyway, walang katotohanan ang alegasyong pinababayaan ng administrasyong Aquino ang problema sa extra-judicial killings (EJKs).

Sa katunayan, maigting ang pagpupursige ng gobyerno sa pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima sa pamamagitan ng pagtatag sa espesyal na Task Force na rerebyu at magpapabilis sa imbestigasyon at resolusyon ng mga kaso -- ito’y bahagi ng pagtupad sa pangako nitong tapusin ang karahasan sa bansa.

Simula nang ito’y itatag, sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) noong Disyembre 2010, umabot sa kabuuang 187 kaso ng EJKs ang narebyu ng Special Task Force on Extrajudicial Killings and Enforced Disappearances.

Kasalukuyang hinahawakan nito ang 69 kaso kung saan 63 dito ang naisampa na sa korte habang preli­minary investigation naman ang nalalabing anim (6). Base sa DOJ, merong 178 napaulat na kaso ng hindi maipaliwanag na pagpatay bago pumasok ang admi­nistrasyong Aquino.

Mula Hulyo 1, 2010 hanggang Mayo 31, 2011, uma­bot sa kabuuang 15 kaso ng EJKs ang naitala.

Sa nasabing bilang, naisampa ang mga kaso laban sa mga salarin sa walong (8) insidente ng EJKs habang pito (7) ang iniimbestigahan ng Task Force. Habang hinahawakan naman ng Task Force Usig ng Philippine National Police (PNP) ang 162 kaso -- ito ang inatasang magrebyu sa mga kaso, simula noong 2001.

Nabatid na 102 kaso dito ang naisampa na sa korte at 59 naman ang sumasailalim sa imbestigasyon at isang kaso ang ikinokonsiderang sarado na. Ibig sabihin, hindi nagpabaya si PNoy, sa pangunguna ng kapulisan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, July 27, 2011

‘Kuwentas-claras’
REY MARFIL


Kung tutuusin, dapat magpasalamat ang mga kritiko sa matalinong paggugol ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kaban ng bayan, aba’y nakapagtipid ang gobyerno ng P12 bilyon na nagamit para pondohan ang iba pang mga proyektong hindi kasama sa nabigyan ng alokasyon sa ilalim ng pambansang badyet ngayong taon.

Tinukoy at ibinasura ng administrasyong Aquino ang mga programang hindi na pakikinabangan at inilaan na lamang ang pondo sa mga proyektong higit na kailangan ng mga Filipino ka­tulad ng ayuda sa sektor ng edukasyon at kalusugan.

Ibig sabihin, malayo sa nakagawian ng mga dating nakaupo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na “na­ngalumata” sa kaka-kape.

Malinaw ang ebidensya, napunta ang P12 bilyong natipid sa mga sumusunod:

•P2 bilyon sa National Power Corporation (NAPOCOR) para sa pangangailangan sa gasolina ng Small Power Utilities Group upang maiwasan ang kakapusan sa gasolina sa mga isla sa buong bansa;

•P450 milyon para sa fuel subsidy ng public utility jeepneys at tricycles upang bawasan ang epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo;

•P850 milyon para sa suweldo ng 10,000 rehistradong nur­ses na nagsisilbi sa mga malalayong lugar sa bansa;

•P4.2 bilyon para sa paggawa ng 20,000 mga bahay ng mga sundalo at pulis;

•P727 milyon para sa transportasyon ng 86 rail carriages na ibinigay ng pamahalaang Japan sa Philippine National Railways (PNR) Corporation at rehabilitasyon ng PNR line mula Maynila hanggang Naga City;

•P423 milyon para sa pagbili ng US Hamilton class cutter na magpapalakas sa depensa ng bansa sa Malampaya area;

•P2.8 bilyon para sa implementasyon ng third tranche ng Sa­lary Standardization III (SSL 3) ng mga kawani ng pamahalaan.

•P99.92 milyon bilang bayad sa suweldo ng mga huwes bilang resulta ng SSL 3;

•P568 milyon para sa implementasyon ng PAMANA prog­ram na pakikinabangan ng mga lugar na mayroong kaguluhan.

Ipinapakita lamang ng administrasyong Aquino ang ma­tinong pamamahala na pakikinabangan ng mga Filipino. Ang tanong ng mga kurimaw: ito ba’y nangyari sa halos isang dekadang administrasyon o kaya’y naging “kuwentas-claras” ang mga dating nakaupo sa trono?

***

Napag-usapan ang “good news”, hindi ba nakikita ng mga kritiko ang matinding determinasyon ni PNoy na makamit ang rice self-sufficiency, maliban kung sadyang “mutain” at hindi nakikita ang pag-ukol ng panahon ng administrasyong Aquino sa Food Staples Self-Sufficiency Roadmap (FSSR) para sa mga taong 2011 hanggang 2016 -- ito’y magsisilbing pangunahing programa para sa seguridad ng bansa.

Hindi ba kabilib-bilib ang ulat ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa umasensong ani ng sektor ng agrikultura na dahilan kaya hindi na masyadong umangkat ang bansa ng bigas sa ibang mga nasyon?

Take note: umangat ng 4.2% ang sektor ng agrikultura mula sa first quarter ng 2011.

Naitala naman ang negative growth na 1.08% sa first quarter ng 2010.

Sa report ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), ang 4.04 milyong metric ton (MT) ng produksyon ng palay nitong Enero hanggang Marso 2011, mas mataas sa 3.49 milyong MT na naani noong nakalipas na taon, katumbas ang 15.6% increase -- ito’y nag-ugat sa malawakang programa sa irigasyon at maigting na implementasyon ng DA ng kanilang Rapid Seed Supply Financing Project na nagkakaloob ng magandang klase ng buto sa mga kuwalipikadong mga magsasaka ng palay.

Hindi lang ‘yan, bumaba ng 80% ang importasyon ng bigas, as in mula 2.02 milyong MT mula Hulyo 2009 hanggang Hunyo 2010, ito’y naging 386,243 MT mula Hulyo 2010 hanggang 2011.

Noong 2010, umabot lamang sa 2.38 milyong MT ang inangkat na bigas. Sa taong 2012, inaasahang lalo pang bababa ang pag-angkat ng bigas, puntirya ang 500,000 MT.

Laging tandan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


Monday, July 25, 2011

Good news sa SONA!
Rey Marfil
Hindi ba’t maganda ang ginagawang pagsusumikap ng administrasyong Aquino para pagkalooban ng trabaho ang mga Filipino bilang bahagi ng mga repormang ipinapatupad ng pamahalaan -- ito’y positibong balita ng ibinunyag ng Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES) kaugnay sa pagtaas ng 4% ng employment rate nang malikha ang mahigit isang (1) milyong bagong trabaho sa sektor ng agrikultura at industry sector noong 2010.

Dahil dito, bumaba ang kakulangan sa trabaho ng 0.8% mula 8% noong Abril 2010, naging 7.2% ngayong Abril 2011, as in lumalabas na nagkaroon ng 1.4 milyong bagong trabaho, malinaw ang ebidensyang mula 35.4 milyon, ito’y naging 36.8 milyon. Nalikha ang 302 libong bagong trabaho sa pamahalaan kaya naman kitang-kita ang pagbawi ng merkado.

Hindi lang ‘yan, siguradong malaki ang asensong tatamasahin ng mga manggagawa sa ilalim ng administrasyong Aquino dahil sa isinusulong ni Labor and Employment Sec. Rosalinda Baldoz ang pag-amyenda sa Labor Code. Take note: 36 years old ang kasalukuyang batas at kung nagkataong “tao”, ito’y marami ng anak lalo pa’t ayaw ng kaparian sa Reproductive Health (RH) bill.

Tamang baguhin ang Labor Code para makatugon sa kasalukuyang hamon at pangangailangan ng mga manggagawa at merkado -- isang paraan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino para masolusyunan ang mga seksyon hinggil sa tenure, contracting at subcontracting ng mga serbisyo na kontra, ito’y pabor sa interes ng manggagawa. Sa katunayan, suportado ng tripartite sector ang mga reporma na isinusulong ng departamento.

***

Napag-usapan ang mga “good news” na isa sa magiging laman ng 2nd State of the Nation Address (SONA) ni PNoy ngayong hapon sa joint session ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso sa Batasan Complex, nakakatuwang marinig na malaki ang naitutulong ng conditional cash transfer (CCT) program para tumaas ang bilang ng mga estudyanteng pumapasok sa mga eskuwelahan.

Sa ganitong paraan, nakasisiguro tayo sa magandang kinabukasan ng bansa dahil sa pagsusumikap ng pamahalaan na maibalik ang maraming mga estudyante sa sektor ng edukasyon. Mula sa isang (1) milyong estudyante noong 2010, umabot sa tatlong (3) milyon ang benepisyunaryo ng CCT nitong nakalipas na Hunyo 2011.

Talaga namang nakakatulong ang desisyon ni PNoy na pa­lawakin ang benepisyunaryo ng programa matapos aprubahan ng Kongreso ang P21 bilyong badyet para sa CCT ngayong taon. Nabibigyan kasi ng buwanang allowances bilang insentibo ang mga pamilyang mahihirap, kapalit ang pagtiyak na malusog at mananatili sa mga eskuwelahan ang kanilang mga anak.

Tama si PNoy -- kailangang nasa paaralan ang mga bata para magtagumpay ang maigting na kampanya sa paglaban sa kahirapan gamit ang karunungan.

Higit sa lahat, tama ang desisyon ni PNoy na isama sa prayoridad ang pagsasaayos sa financial ng Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) para tiyaking magpapatuloy ang ayuda sa mga mahihirap sa halip na pag-ukulan ng panahon ang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersya ng paggamit sa pondo para sa public relations.

Ang nakakalungkot lamang, hinayaan ng dating admi­nistrasyon ang malaking pagkakautang nito sa pampublikong mga ospital na umabot ng P3 bilyon -- ito ang malaking rason kung bakit ayaw nang tanggapin ang guarantee letters ng PCSO sa mga pampublikong ospital.



Friday, July 22, 2011

Reporma sa NFA!
Rey Marfil

Umani ng P1.56 bilyong kita at P1.32 bilyong “savings” ang National Food Authority (NFA) -- ito’y nangyari sa loob ng isang taong panunungkulan ni administrator Lito Banayo, malinaw ang epektibong repormang ipinatutupad sa ahensya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Sa unang linggo pa lamang nito sa pwesto, sa pagnanais na ilabas ang katotohanan sa likod ng mga anomalyang bumalot sa nakalipas na administrasyon, sinimulan nitong isagawa ang system’s audit kasama ang pribadong sektor at mga sektor sa larangan ng pagsasaka upang malalimang suriin ang napakalaki at irregular na pag-angkat ng bigas kasama na rito ang mga iniwang problema sa industriya ng butil.

Layon din ng naturang inisyatibo sa pamumumuno ni Banayo ang pagsasagawa ng mga agarang aksyon upang lunasan ang lumolobong utang at pagkalugi ng ahensya at pa­lakasin ang suportang dapat ibigay nito sa mga magsasaka maging ang pagtiyak sa supply ng pagkain ng bansa.

Sa tulong ng malawakang system’s audit na isinagawa noong isang taon, agad na nagsagawa ng reporma sa mga polisiya sa pag-aangkat ng bigas. Mula sa halos 2.5 mil­yong metriko toneladang importasyon, naibaba ang pag-angkat natin ng bigas sa wala pang isang milyong tonelada. At ngayong taon, 200 libong tonelada lamang ang inangkat ng pamahalaan at 600,000 metriko tonelada lamang ang binili sa ibang bansa ng pribadong sektor.

Kung noo’y 92% ng importasyon ang inaangkat ng pamahalaan at 8% sa pribadong mamumuhunan, binaliktad ng NFA ang suma para bigyan ng mas malaking bahagi ng industriya ang mga mamumuhunan, as in 24% na lamang ang inangkat ng pamahalaan sa pamamagitan ng NFA at 77% sa pribadong sektor.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, ang kasaysayan ng importasyon ng NFA -- ito’y hitik ng overpricing o bukol sa presyo sa karaniwang halagang $630 bawat metriko toneladang bigas samantalang nakukuha ng NFA sa nakalipas na isang taon sa halagang $480 lamang. Kasama na sa halagang nabanggit ang interes, ang halaga ng pagbiyahe nito mula sa ibang bansa. Take note: nakuha pa ng pamunuan (NFA) na palawigin ang termino ng pagbabayad nito sa loob ng 9-buwan.

***

Kung kita naman ang pag-uusapan, tanging P25.00 ang kinikita ng NFA noon sa bawat kaban na inangkat mula sa pribadong sektor. Sa ilalim ng administrasyong Aquino, halos P130.00 ang kita ng NFA. Kung susumahin, malinaw ang P1.5 bilyong kita ng pamahalaan mula sa pag-aangkat ng bigas ng pribadong sektor sa kasalukuyang taon lamang -- ito’y resulta ng reporma sa proseso ng bidding.

Ang lahat ng ito’y kabaligtaran sa umiral na sistema sa importasyon ng bigas sa ilalim ng nakaraang administras­yon kung saan iniakma lamang sa iilang negosyante ang mga proseso kung saan naging isang malaking monopoly o cartel ang industriya ng rice importation sa pamamagitan ng pa­nanamantala sa maliliit na kooperatiba para makaiwas lamang sa pagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.

Hindi lang ‘yan, sa pamamagitan ng napapanahon, akma at malakas na polisiya sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na sakahan, naitaas ng pamahalaan ang “farmgate price” ng palay sa 2.9% sa loob ng maikling panahon na pinasa­lamatan ng mga magsasaka dahil sa paglobo ng kanilang kita. Sa loob din ng nasabing panahon mula nang maupo si Banayo, pinagsikapang maging kalakaran ang maayos na istratehiya at mga kaparaanan na naging sanhi ng matatag at murang bentahan ng bigas sa mga pamilihan, malayo sa animo’y salawahang presyo ng ibang pangunahing bilihin.

Dahil dito, naging instrumento ang matatag na presyo ng bigas sa merkado upang maiwasan ang mataas at agarang inflation na isang basehan sa antas ng ekonomiya ng bansa -- ito’y hindi nangyari sa nagdaang halos isang dekadang administrasyon. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)




Wednesday, July 20, 2011

Katuwang ang Simbahan!
REY MARFIL



Walang dapat ipangamba ang publiko, sa anumang kaguluhang ipinipinta ng ilang sulsol, malinaw ang deklarasyon ng Malacañang kung paano reresolbahin ang problema sa pinagtatalunang isla o teritoryo sa West Philippine Sea -- ito’y dadaanin sa mapayapang pamamaraan.

Dapat ikatuwa ang pagkakaroon ng gobyernong nagtatrabaho nang husto sa pamamagitan ng Department of Fo­reign Affairs (DFA) sa pagtiyak ng maayos na resolusyon ng gusot sa tulong ng “diplomatic channels” alang-alang sa pinakamainam na interes ng maraming partido.

Sa katunayan, makatwirang bigyan ng kredito ang admi­nistrasyong Aquino dahil sa kasalukuyang posisyon nito sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) sa pagsuporta sa posisyon ng Pilipinas na isulong ang paghahabol sa Spratly Group of Islands, gamit ang multi-lateral na diskusyon at diplomatikong pamamaraan.

Ang suhestyon ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, gamitin ang tinatawag na “rules-based regime” sa usapin ng paghahabol ng mga teritoryo sa West Philippine Sea at maaaring talakayin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang isyu sakaling matuloy ang pagbiyahe sa China -- ito’y inaasahan sa katapusan ng Agosto o kaya’y unang linggo ng Setyembre.

Magandang balita ang pagkakasundo ng Pilipinas at China na panatilihin ang malawak na relasyon, sa pamamagitan ng pagtiyak na hindi ito maaapektuhan ng gusot na nangyayari sa West Philippine Sea.

Nagkasundo rin sina Del Rosario at Chinese counterpart/Foreign Minister Yang Jiechi na mag-usap sa lahat ng pagkakataon, alang-alang sa katatagan ng katubigan na namamagitan sa dalawang (2) bansa.

***

Napag-usapan ang kredito, malinaw ang pagkakaroon ng “political will” ni PNoy kaya’t nangyayari ang reporma sa gobyerno sa kabila ng matinding pagtutol ng mga nasasagasaang kritiko.

Walang kuwestiyon, desidido si PNoy na tulungan ang pinaka-mahihirap na mga tao, paunlarin ang ekonomiya at ipatupad ang maayos na pamahalaan sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2016.

Isa sa konkretong reporma ni PNoy ang halos dalawang (2) milyong pamilyang nakinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Conditional Cash Transfer (CCT) na ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), simula noong Hunyo.

Bilang patunay kung gaano kadeterminado ang “Simpleng Pangulo” -- palawakin ang programa at pataasin ang mga rehistradong benepisyunaryo hanggang 2.7 milyong pamilya sa unang tatlong (3) buwan ng 2012.

Kaya’t hindi nakakapagtakang batuhin ng walang basehang kritisismo ang mga kalaban na naaapektuhan ng reporma lalo pa’t allergic sa transparency policy ng pamahalaan.

Nakaraang Hulyo 12, muling ipinamalas ni PNoy ang malasakit sa mga mahihirap nang manguna sa distribusyon ng pa­ngunahing serbisyo sa nangangailangang residente ng Kalibo, Aklan.

Tama ang Pangulo sa pagsasabing dapat mabigyan ng parehas na oportunidad sa pagpapabuti ng kanilang buhay ang lahat ng Filipino at walang sinuman ang dapat na maiwanan.

Kabilang sa ipinamahaging social services ni PNoy ang supplementary feeding program checks, PhilHealth cards, at sertipikasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, social pension para sa indigent senior citizens checks, sertipikasyon ng land ownership awards (CLOAs) at ayuda para sa sektor ng agrikultura.

Nasa tamang direksyon ang Pangulo sa pagsasampa ng malakas na kasong katiwalian laban sa mga tiwaling opis­yal ng nakalipas na administrasyon, base sa mga ebidensya. Dapat magkaroon ng hustisya para sa inagrabyadong Filipino.

***

Magandang senyales ang positibong pagtingin ng Malacañang na makakatuwang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa ilalim ng liderato ng bagong presidente na si Cebu Archbishop Jose Palma.

Tama ang paninindigan at posisyong kasangga ng pamahalaan ang Simbahang Katoliko sa pagsusulong ng kagali­ngan at interes ng mga Filipino.

Ibig sabihin, hindi dapat maapektuhan ng walang basehang intriga na ikinakalat ng mga kritiko upang sirain ang magandang relasyon ng pamahalaan at Simbahang Katoliko, partikular ang mabubuting layunin at adhikain na matulungan ang mga mahihirap, as in tamang manatili ang pagkakaibi­gan ng pamahalaan at Simbahan alang-alang sa interes ng mga Filipino at transparency sa gobyerno.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


Monday, July 18, 2011

Dito lang masusumpungan!
REY MARFIL

Dati-rati’y pangarap lamang ng ordinaryong kasapi at kagawad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang magkaroon ng mura at disenteng taha­nan subalit ngayo’y isang katotohanan -- ito’y nangyari lamang sa administrasyong Aquino.

Nakaraang Hulyo 15 (Biyernes), pinangunahan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang distribusyon ng housing units sa mga kapulisan at kasundaluhan. Naglaan ng P4.2 bilyon ang gobyerno para sa konstruksyon ng 21,000 housing units sa pamamagitan ng National Housing Authority (NHA) -- ito’y sumasakop sa 12 lokasyon ngayong taon -- malinaw ang hindi matatawarang malasakit ni PNoy sa kalagayan ng mga pulis at sundalo.

Bilang simbolo at pagsimula ng proyekto, ipinamahagi ni PNoy ang Certificate of Entitlement to Lot Allocations (CELAs) para sa AFP-PNP personnel sa Bocaue Hills, Barangay Batia, Bocaue, Bulacan kung saan ipinagkaloob ang susi ng housing unit sa 20 benepisyunaryo. Take note: babayaran lamang ng P200.00 kada buwan, aba’y kahit 50-taon ka pang maglakad, ‘di masusumpungan ang ganitong kapalaran.

Sa video footage, nakakaiyak ang kuwento ng ilang sundalo at hindi maiwasang maluha ng mga ito habang kinukunan ng sound bite at tinatanong sa programang pabahay ni PNoy.

Mantakin n’yo nga naman, ngayon lamang nagkaroon ng disenteng bahay sa halagang P200.00 gayong multi-bilyon ang nababalitaang ninanakaw ng mga dating opisyal ng gobyerno.

Namahagi rin ng CELAs si PNoy sa mga kuwalipikadong benepisyunaryo ng housing units sa Lake Breeze Residences sa Calamba, Laguna kung saan 30 susi ang ipinagkaloob, patunay kung gaano kaseryoso ang Pangulo na iangat ang kalidad ng pamumuhay ng kapulisan at kasundaluhan -- ito’y paraan upang mabawasan ang katiwalian at pagtupad sa pangakong “walang maiiwan” sa ibaba.

Hindi lang ‘yan, makatwiran ding batiin si PNoy sa paghahain ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 298 kaso laban sa illegal loggers -- ito’y kinasasangkutan ng mga local officials sa iba’t ibang korte sa bansa.

Makikita ang determinasyon ni PNoy na protektahan ang kalikasan para sa magandang kinabukasan ng mga Filipino matapos magdeklara ng giyera laban sa illegal loggers.

Dapat ding kilalanin ang magandang trabaho ni Environment and Natural Resources Sec. Ramon Paje sa pagsugpo ng illegal logging activities sa bansa. Hindi ba’t nakakabilib ang seryosong pagsunod ng DENR sa kautusan ni PNoy na kanselahin ang lahat ng logging concessions sa mga kagubatan at ito ba’y hindi nangyari sa nagdaang ilang dekada?

***

Pag-usapan ang “good news”, gumaganda ang ekonomiya dahil sa mga repormang inilalatag ni PNoy laban sa katiwalian, patunay ang inagurasyon ng nakaraang Hulyo 11 ng Nokia Siemens Network’s (NSN) sa Quezon City -- ito’y kauna-unahan at bagong research development facility sa Timog Silangang Asya, sa larangan ng telecommunications firm.

Pambihirang tiwala ang ibinigay ng kumpanya matapos mapili ang Pilipinas para sa kanilang negosyo gayong 37 bansa ang pinagpilian para pagtayuan ng kanilang research and development facility sa Timog Silangang Asya.

Malaking karangalan sa Pilipinas ang pasilidad na binuksan kung saan pagpapakita rin ito ng tiwala sa kakayahan ng mga manggagawang Filipino.

Mismong si PNoy ang nanguna sa inagurasyon ng NSN’s NetworkLabs sa UP-Ayala Land, Incorporated Technohub na panibagong “milestone” sa pagtungo sa kaunlaran, maliban kung sadyang mutain at sandamakmak ang tutuli ng mga kritiko ng “Simpleng Pangulo” kaya’t hindi makita at marinig ang dalang good news ng Nokia management sa mga Filipino?

***

Anyway, ginagawang lahat ng Bureau of Animal Industry (BAI), lokal na pamahalaan ng Maynila at ibang ahensya ang kinauukulang hakbang para mapabuti at maitaas ang pamantayan ng mga pasilidad sa Manila Zoo.

Sa kabatiran ng nakakarami, matatagpuan ang Manila Zoological and Botanical Garden sa 5.5 ektaryang lupain sa Lungsod ng Maynila -- ito’y binuksan sa publiko noong Hulyo 25, 1959.

Kaya’t suportahan natin ang pagsali ng pamahalaan sa kampan­ya ng publiko na maghanap ng donasyon para sa zoo kung saan maaaring tumawag ang donors sa mga numerong 468-9498 at 383-6862.

Take note: ang Manila Zoo ang kauna-una­han, pinaka-popular at pinaka-matandang zoo sa bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, July 15, 2011

Wag puro daldal!
REY MARFIL
Malinaw ang ebidensyang inaalagaan ng kasalukuyang gobyerno ang kalusugan ng maralitang Filipino, patunay ang desisyon ng Department of Health (DOH) na isama ang hindi pormal na sektor sa universal health program -- dito kitang-kita na sensitibo at alam na alam ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na kabilang ang usaping pang-kalusugan sa pinakamalaking problema ng bansa.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, napag-iiwanan ang mga mahihirap sa batas ng PhilHealth at halos 15-taong pinabayaan ng pamahalaan matapos maipasa ito.

Ang good news sa ilalim ng Aquino administration, masisiguro nating meron magandang pagkakataon ang mga mahihirap sa serbisyong kalusugan -- isang napaka-importanteng bagay na inabandona ng dating administrasyon.

Hindi rin kaila sa kaalaman ni PNoy ang katotohanang 50% lamang ng populasyon ang merong health insurance kaya tututukan ngayon ng gobyerno ang problema para mapalaki ang bilang ng mga taong makikinabang dito, kabilang ang hindi pormal na sektor.

Napaka-importante sa mahihirap na magkaroon ng sandata laban sa sakit, sa pamamagitan ng ayuda mula sa pamahalaan para matipid ang kanilang kaunting salapi.

‘Ika sa commercial “bawal magkasakit dahil ang perang naitatago, ito’y naglalaho.”

Kung walang PhilHealth card, paano na lang ang isang mahirap na kahit isang kusing walang naitago sa alkansya o tukador? Take note: Kayamanan ang kalusugan.

Hindi lang ‘yan, sa pamamagitan ng DOH, ginagawa rin ni PNoy ang lahat ng paraan upang labanan ang nakamamatay na human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS) lalo pa’t tumataas ang insidente ng impeksyon sa bansa.

***

Hindi lang kalokohan kundi isang malaking kasinunga­lingan ng mga kritiko ang pagsabing matamlay ang ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Aquino, maliban kung hindi naiintindihan ang pahayag ng World Bank (WB) dahil Ingles ang pagkakasulat sa report o sadyang “nagtanga-tangahan” para lang makapag-soundbite sa radyo at television lalo pa’t nangangarap mag-senador?

Take note: mismong World Bank (WB) ang nagsabing maganda ang hinaharap ng ekonomiya ng Pilipinas nga­yong taon, maging sa 2012 dahil sa kampanya laban sa katiwalian na inilunsad ng administrasyong Aquino.

Kinilala ng World Bank ang positibo at malaking pagbabago sa mga pundasyon ng ekonomiya ng Pilipinas kumpara sa nakalipas na mga t­aon lalo’t walang patid ang kampanya ni PNoy sa pagsugpo ng katiwalian.

Sa katunayan, inihayag pa ni Trade Sec. Gregory Domingo na talagang maganda ang hinaharap ng ekonomiya ng bansa lalo pa’t tumaas ang tiwala ng mga mamumuhunan sa merkado.

Sa estadistika ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at Bureau of Investment (BOI), umangat ng 189% ang pamumuhunan nitong Enero hanggang Mayo 2011 mula P90 bilyon noong 2010, ito’y pumalo sa P300 bil­yon ngayong taon.

Kesa dumaldal at mag-forum shopping ang ilang “pumu-pormang senador”, mas makakabuting itikom ang mga bu­nganga kung hindi rin kayang suportahan ang magandang prog­rama ni PNoy kung nais mapanatili ang mataas na tiwala ng mga negosyante sa gobyerno at makalikha ng maraming trabaho.

Sabagay, hindi nakakapagtakang magbulag-bulagan ang mga kritiko dahil wala itong maipukol na isyu kay PNoy.

Kaya’t makatwirang suportahan ang magandang balita ng WB para mas lalong dumami ang malilikhang trabaho. Isa lang ang malinaw sa WB report -- epektibong nalinis ni PNoy ang klima ng negosyo sa bansa para makumbinse ang mga lokal at banyagang mamumuhunan na maglagak ng ka­pital.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)



Wednesday, July 13, 2011

Walang lusot!
REY MARFIL


Determinado si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na isulong ang reporma sa mga batas sa paggawa para matiyak na mapapangalagaan ang karapatan ng bawat Filipino -- isang magandang indikasyon sa katangian ng isang lider ang pagkakaroon ng malasakit sa kapakanan ng mga manggagawa.

Sa 3rd Regional Conference of the Union Network International (UNI) Asia-Pacific Regional Organization (APRO) ng nakaraang Hulyo 5 -- ito’y ginanap sa Century Park Hotel Grand Ballroom, tiniyak ni PNoy ang pagtataguyod ng gobyerno sa karapatan at interes ng labor sector.

Ang gustong mangyari ni PNoy, magiging isang kagustuhan na lamang at hindi pangangailangan ang pagha­hanap ng trabaho sa ibang bansa.

Kaya’t makatwirang kila­lanin ang magandang mga nagawa ng Pangulo, katulad ang pag-utos sa regional wage boards na ipatupad ang umento sa suweldo, paglikha sa trabaho, pagsusulong ng mga progra­mang pang-kabuhayan sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na naglaan ng P700 milyon para sa Training for Work Scholarship Program.

Tanging kritiko ang hindi nakakapansin na bumaba sa 7.2% ang kawalan ng trabaho ngayong 2011 kumpara sa 8% noong Abril 2010, maging credit ratings ng Pilipinas, ma­laki ang ipinagbago -- ito’y magsisilbing instrumento upang lalong magsumikap ang pamahalaan sa paglikha ng trabaho.

Hindi lang ‘yan, hindi ba’t kahanga-hanga rin ang pagtiyak ni PNoy sa banyagang mga negosyante na tanging parehas at walang “tongpats” na mga proyekto lamang na pakikinabangan ng mga Filipino ang matutuloy -- ito’y sa harap ng pangamba ng European Chamber of Commerce hinggil sa pabagu-bagong polisiya ng gobyerno.

Inutusan ni PNoy si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert Del Rosario na tawagan ang banyagang mga negosyante para tiyakin ang parehas na laban sa kanyang administrasyon at tama naman ang Pangulo sa pahayag na hindi dapat magpatuloy ang palpak at lihis na mga proyekto.

Inihalimbawa ni PNoy ang paghuhukay sa Laguna Lake kung saan gugugol ang gobyerno ng P18 bilyon para sa proyekto kahit wala naman itong malaking benepisyo sa mga tao -- ito’y mariing tinutulan ng Pangulo at makatwiran lamang ang ginawa nitong pagkansela sa kontrata na naunang napasakamay ng isang dayuhang kumpanya, sa panahong tigmak sa anomalya at eskandalo ang gobyerno.

***

Napag-usapan ang kapakanan at interes ng nakakarami, isang magandang balita ang paglagda ni PNoy sa apat (4) na batas na naglalayong isulong ang interes at benepis­yo ng pangkaraniwang mamamayan sa larangan ng enerhiya, trabaho at serbisyong pang-kalusugan -- ito’y kabahagi sa kanyang social reform agenda.

Isa sa apat na batas ang Republic Act (RA) 10150 -- ito’y magbibigay ng 10-taong ekstensyon sa lifeline rate o electric subsidy sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para makinabang ang mahihirap na pamilya.

Nilagdaan din ang Joint Resolution No. 1, partikular ang pagkakaloob ng 10-taong ekstensyon ng Joint Congressional Power Commission (JCPC) para magpatuloy ang oversight function nito sa pagtiyak na naipatutupad ng tama ang EPIRA at Renewable Energy Act.

Ang Republic Act No. 10151 -- ito’y magkakaloob ng karagdagang karapatan at benepisyo sa mga babaing nagtatrabaho sa gabi na nagbasura sa articles 130 at 131 ng Presidential Decree (PD) Number 442 o Labor Code of the Philippines. Take note: ang RA No. 10151 na kabilang sa mga panukalang tinalakay sa Legislative Executive Deve­lopment Advisory Council (LEDAC).

Nilagdaan din ni PNoy ang Republic Act No. 10152 kaya’t awtomatikong libre ang pagbakuna sa napakamahal na anti-Hepatitis B sa mga sanggol, ilang minutong mailu­wal ng ina at naamyendahan ang Presidential Decree No. 996 para matiyak ang kalusugan ng mga bata. ‘Ika nga ni PNoy -- “hindi tamang ang may mga pera lamang ang maaaring makapag-bakuna ng Hepatitis B”.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, July 11, 2011

May tiwala ngayon!
REY MARFIL

Makatwirang bigyan ng kredito si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa nilagdaan sa pagitan ng gobyerno at Cordillera Bodong Administration-Cordillera Peoples Liberation Army (CBA-CPLA) -- isang senyales sa pagtatapos ng dalawang (2) dekadang armadong pakikibaka sa Cordillera.

Kilalanin o hindi ng mga kritiko ang aksyon ni PNoy, hindi maitatanggi ang pagsisikap ng pamahalaan at taga-Cordillera na maisakatuparan ang kapayapaan tungo sa progreso ng rehiyon na naunang isinulong ni dating Pa­ngulong Corazon “Tita Cory” Aquino.

Isang positibong bagay ang pagkakalagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ng pamahalaan at CBA-­CPLA -- ito’y may titulong Towards the CPLA’s Final Disposition of Arms and Forces and its Transformation into a Potent Socio-Economic Unarmed Force.

Take note: si Tita Cory ang lumagda sa “Mt. Data Peace Accord” ng dalawang (2) partido, halos 25-taon ang nakakalipas at isa sa konkretong nagawa ng kanyang administrasyon.

Hindi ba’t masuwerte ang mga Filipino sa pagkakaroon ng isang lider na nagsusumikap sa pagsusulong ng mapayapang pag-uusap para makamit ang tunay na kapayapaan sa rehiyon, as in hindi kailangan pang dumanak ang dugo. At sa mga taga-Cordillera, mahalagang tugunan ng pakikiisa ang apela ni PNoy na magtulungan sa pagpapanatili ng kapayapaan tungo sa progreso ng rehiyon.

At hindi rin kailangan pang mag-alala ng pamilyang mahihirap dahil tuloy ang pagkakaloob ni PNoy ng ayuda o subsidiya, sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Kapuri-puri ang deklarasyon ni PNoy na ipagpatuloy ang pagkakaloob ng conditio­nal cash transfer (CCT) sa ilalim ng 4Ps para matulungan ang pamilyang mahihirap.

Inihalimbawa ni PNoy ang kaso ng pagtulong kay Sharon Hassan Dabbang -- ito’y meron limang (5) anak at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Bangkal sa Patikul sa Sulu, na iprinisinta ni Social Welfare Sec. Corazon Soliman bilang ika-2 milyong benepisyunaryo ng 4Ps.

Sa taong 2012, nais ni PNoy na madagdagan ng 700 libong benepisyunaryo ang kasalukuyang dalawang (2) milyong nakikinabang sa subsidiya -- ipinapakita lamang ng Pangulo ang kanyang malasakit sa kalagayan ng mga mahihirap at tinitiyak nitong pakikinabangan ng publiko ang pampublikong pondo na nauuwi lamang noon sa katiwalian sa ilalim ng dating administrasyon.

***

Napag-usapan ang “good news”, pinakikinabangan ngayon ang malakas na pundasyon ng prinsipyado at ma­tinong pamahalaan ni PNoy, patunay ang naitalang pinakamataas na stock exchange index, maging ang pa­tuloy na pagtaas ng credit rating ng Pilipinas mula sa iba’t ibang international rating institutions -- ito’y kauna-una­hang nangyari sa bansa.

Sa kaalaman ng publiko, umabot ang local stocks sa 3,900 ng nakaraang Huwebes (Hunyo 30) -- ito’y epekto ng magandang pamamahala ni PNoy. Ibig sabihin, mala­kas ang pagtitiwala ng mga lokal at banyagang mamumuhunan sa liderato ni PNoy dahil sa kanyang magandang polisiya sa ekonomiya, pananalapi at sosyal.

Bagama’t hindi agarang mararamdaman ng mga mahihirap ang positibong epekto ng positibong balita, inaa­sahang lilikha ng trabaho sa hinaharap at magandang oportunidad sa negosyo.

Kaya’t hindi dapat mainip ang publiko lalo pa’t hindi nakukuha sa isang tulugan ang pagsasaa­yos ng mga bitak sa gobyerno.

‘Ika nga ng mga kurimaw: kung napagtiyagaan ang halos isang dekadang lugmok sa kontrobersya at eskandalo, bakit hindi makapaghintay ng dalawa (2) hanggang tatlong (3) taon?

Ang malinaw ngayon, natapos na ang “wait and see attitude” ng mga negosyante sa bagong pamahalaan dahil sa seryosong kampanya ni PNoy na ibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, July 8, 2011

Kumonti ang gutom!
REY MARFIL

Hindi ba’t nakakatuwang marinig ang kahandaan ng administrasyong Aquino na harapin ang “Saudization program” ng Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanilang contingency measures?

Ibig sabihin, tagilid nga naman ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa bagong polisiya.

Sa bagong polisiya ng Saudi government, ititigil na ang pagproseso sa permiso sa trabaho ng mga kasambahay mula sa Asya para mabigyan ng prayoridad ang lokal na mga residente -- ito’y malaking problema lalo pa’t ma­laking bulto ang nagmumula sa Pilipinas at “favorite destination” ng mga overseas workers ang naturang bansa.

Kung susuriin ang pambihirang abilidad ng OFWs, naniniwala tayong mapupunta sa ibang destinasyon ang mga maaapektuhan ng “Saudization policy” kaya’t kapuri-puri ang ‘Balik-Pinay, Balik-Hanap-buhay Project’ ng gobyerno -- ito’y pang-kabuhayang pagsasanay na prog­rama ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan ituturo ang food processing, garments, beauty shops o computer shops para sa mga magbabalik na OFWs.

Tama rin ang pamahalaan na agarang linawin sa Saudi Arabia ang kabuuan ng polisiya para maisaayos ang mga programang dapat gawin. Malinaw na ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat ng paraan upang matulungan ang kalagayan ng 1.3 milyong OFWs sa Saudi Arabia -- isang pangunahing merkado sa tinatayang siyam (9) na milyong OFWs sa buong mundo, as in 120 libo hanggang 150 libo ang mga nagtatrabahong kasambahay dito.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, marapat lamang bigyan natin ng kredito ang “matuwid na daan” ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagsisilbi sa ka­galingan at interes ng mahihirap.

Aminin o hindi ng mga kritiko, maganda ang programa ng gobyerno, isang patunay ang resulta ng “hunger survey”.

Sa pinakahuling “hunger survey”, lumiit ang bilang ng mga Filipino na nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong (3) buwan. Take note: pinakamababang antas na naitala sa nakalipas na apat (4) na taon, as in ngayon lamang bumaba ng ganito kadami ang bilang ng mga nagsasabing walang makain at nagdidildil ng asin pagsapit ng dapit-hapon.

Sa national survey ng Social Weather Stations (SWS), may petsang June 3-6, lumabas na 15.1% o tatlong (3) mil­yong pamilya na lamang ang nakaranas ng gutom, isang beses sa nakalipas na tatlong (3) buwan.

Ipinapakita ng survey ang 5.4% pagbaba kumpara sa 20.5% naitala nitong nakalipas na Marso o tinatayang 4.1 milyong pamilya. Sa katunayan, pinakamaliit ang bagong naitalang “self-rated hunger”, simula nang makuha ang pinakamababang 14.7% noong Hunyo 2007.

Kitang-kita ang ebidensyang nararamdaman na ng mga tao ang programa para sa mga mahihirap ni PNoy, katulad ng conditional cash transfer (CCT), subsidiya sa gasolina at iba pa, maliban kung sadyang bulag o mutain ang mga kritiko ng Pangulo at “no work, no pay” sa kanilang amo kung hindi “makapag-ngakngak” sa mikropono.

Maganda ang ipinapakita ng survey at nakakasi­guro tayong ipagpapatuloy ng pamahalaan para lalong mapababa ang bilang ng nagugutom na mga Filipino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, July 6, 2011

‘Wag puro ngakngak!
REY MARFIL

Walang makakapigil pa sa repormang inilatag ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), kasabay ang pag­sabatas ng Republic Act No. 10153 na naglalayong ipagpaliban ang halalan sa rehiyon ngayong Agosto at isabay sa 2013 mid-term elections.

Walang ibang dahilan ng pagpapaliban kundi ang maibahagi ang magandang plano ni PNoy na maisulong ang mabuting pamamahala sa pamamagitan ng pagta­talaga ng officer-in-charge (OIC) sa ARMM. Sa ganitong paraan, mabubura sa isipan ng publiko ang pagi­ging “Cheating capital” ng ilang bayan o lungsod tuwing eleksyon.

Maaari na nating masabi na mababawasan kung hindi man ganap na mawala ang masamang sistema sa ARMM katulad ng talamak na katiwalian, nalagay sa alanganing serbisyong pang-edukasyon at pang-kalusugan at dehadong buhay ng mga residente sa rehiyon.

Kabaligtaran sa tirada ng mga kritiko, nais lamang ni PNoy na maisulong ang interes at kagalingan ng mayor­ya ng mga tao sa ARMM sa pamamagitan ng pagpili sa OIC na walang intensyong tumakbo sa halalan sa 2013.

Maliban sa postponement ng ARMM election, ma­laking “achievement” na naman ni PNoy ang pagbabalik-operasyon ng train ng Philippine National Railways (PNR) sa rutang Manila at Naga.

Siguradong positibo sa ekonomiya ang agarang resulta ng pagpapahusay ng sistema ng transportasyon.

Sa kaalaman ng publiko, magkakaroon din ng alternatibong pagpipilian sa murang transportasyon sa “soft opening” ng tinaguriang “Bicol Express”. Sa inisyal na pagbubukas, makukuha ng PNR ang iba’t ibang komento ng mga tao bago tuluyang isagawa ang normal na ope­rasyon.

***

Napag-usapan ang good news, isang positibong aksyon ang pagpapalabas ni PNoy ng P104 milyon para “aregluhin” ang hindi nabayarang umento sa suweldo ng 1,465 huwes at mahistrado.

Ang kautusan ni PNoy, makakatulong sa pagnanais ng gobyerno na isulong ang hustisya sa bawat Filipino nang walang takot at pabor, as in ipinapakita ang malinaw na kooperasyon at pagkakaisa ng administrasyong Aquino at hudikatura na paghariin ang katarungan sa buong bansa.

Tama ang posisyon ng Malacañang na ma­ging bukas para makatrabaho ang Supreme Court (SC) sa pagtataguyod ng reporma sa katarungan sa kabila ng naunang mga banggaan.

Hindi lang ‘yan, dapat lamang purihin ang administrasyon sa magandang nagawa sa pandaigdigang kampanya laban sa human trafficking.

Take note: mismong si United States (US) Secretary of State Hillary Clinton ang nakapansin sa positibong ginagawa ng Pilipinas sa pagresolba ng pandaigdigang problema.

Tunay na nasa tuwid na daan ang Pilipinas matapos ang isang taong panunungkulan ni PNoy.

Ibig sabihin, anumang ingay at ngakngak ng mga kritiko, hindi matatawaran ang magandang nagawa ni PNoy at dapat ipagbunyi ang positibong balitang ito na nanggaling mismo sa US State Department -- ito’y hindi nangyari sa halos isang dekadang pamumuno ng pinalitan sa trono.

Sa report ng US State Department kaugnay sa Trafficking in Persons Report, napunta ang Pilipinas, Singapore at Laos mula Tier 3 tungong Tier 2, ibig sabihin gumagawa ang tatlong (3) bansa ng paraan para labanan ang human trafficking bagama’t hindi sapat ang mga aksiyon.

Asahang mas lalo pang pagbubutihin ng administrasyon ang kampanya laban sa nasabing problema para mas mapabuti ang estado ng Pilipinas.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, July 4, 2011

1 vs 9!
REY MARFIL

Matindi ang hamon sa mga problemang ipinamana ni da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngunit nakahanda si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na tumugon dito at nasa tamang posisyon din ang Pangulo na mapagtagumpayan ang laban dahil sa mga matibay na pundasyong inilatag para maisulong ang mga reporma at pagbabago.

Mabuting pamamahala at pagbabalik sa tiwala ng publiko sa gobyerno sa pamamagitan ng integridad, ka­tapatan, transparency at pananagutan ang panguna­hing mga nagawa ng administrasyon sa loob lamang ng isang taon sa kapangyarihan kaya’t hindi nakakapagtakang marating natin ang rurok ng tagumpay sa ekonomiya dahil sa maigting na pagnanais ni PNoy na ipatupad ang makatotohanang reporma.

Sa nakalipas na mga panahon, nawalan na ng interes ang mga Filipino na aktibong makisangkot sa mga nangyayari sa lipunan dahil sa nabubunyag na mga katiwalian sa nakaraang admi­nistrasyon na malaking rason sa pagkawala ng kanilang pag-asa at tiwala sa gobyerno. Kahit itanong n’yo pa kay Little Mike!

Maraming positibong indikasyong nakita sa gobyerno, katulad ng pag-angat ng credit ratings ng bansa, pagkakaroon ng mahahalagang mga panukala at batas na magrereporma sa ekonomiya at pulitika, paglaki ng halaga ng pamumuhunan mula sa mga lokal na negosyante at paglikha ng trabaho, pinaka-latest ang pagkabawas sa bilang ng mga gutom, patunay ang pagbaba ng 5%, maliban kung mutain ang mga kritiko ni PNoy? Take note: nakaka-isang taon pa lang ‘yan (PNoy) na hindi nagawa sa halos isang dekada!

Pinatunayan ng mga ito ang patuloy na positibong pananaw ng mga Filipino sa kakayahan ni PNoy na isulong ang mga reporma. Naniniwala ang mga kurimaw, na hindi magtatagumpay ang negatibong pananaw ng mga kritiko lalo’t mahusay ang pundasyon na inilatag ng Pangulo para isulong ang magandang kinabukasan ng mga ito. Alin ba ang mas nakakahiyang pag-usapan -- iyung kabarilan o iyung mag-appoint ng manikurista?

Hindi tayo dapat magpaloko sa ingay ng mangilan-ngilang minorya na nagnanais makabalik sa kapangyarihan at tumututol sa repormang inilalatag ng pamahaan para sa magandang kinabukasan ng mga Filipino, as in hindi dapat magkaroon ng pagkaka­bati-bati nang walang kaukulang hustisyang mangyayari para papanagutin ang mga taong dahilan ng paghihirap ng mga Filipino ngayon.

***

Napag-usapan ang 1st year anniversary ni PNoy ng nakaraang Hunyo 30, kasabay ding inaprubahan ang panukalang P1.816-trilyong 2012 pambansang badyet para isulong ang interes at ka­galingan ng mga Filipino sa pamamagitan ng paglalaan sa konsentrasyon ng pondo sa 16-point social contract -- ito’y mas mataas ng 10.12% sa kasalukuyang P1.645 tril­yong budget ngayong taon upang matiyak na maipagkakaloob ang mga pangunahing serbisyo sa mga taong higit na nangangailangan.

Limang (5) panguna­hing aspeto ang tinutukan ni PNoy -- kinabibilangan ng kampanya kontra katiwalian at pagsusulong ng mabu­ting pamamahala, pagsugpo sa kahirapan, pagsulong ng ekonomiya, makataru­ngan at wagas na kapa­yapaan, at pagsunod sa mga batas at pagmamahal sa kalikasan.

Dahil sandamukal ang problema sa sektor ng edukasyon, tatanggap ang Department of Education (DepEd) ng P237 bilyon o mas mataas ng 14.4 porsyento kumpara sa P207.3 bilyon ngayong taon para tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, guro at instructional materials, katulad ng mga lib­ro at iba pa.

Tatanggap din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P53.6 bilyon o mas ma­laki ng 56% mula sa kasalukuyang P34.3 bilyon para suportahan ang tatlong (3) mil­yong pamilya mula sa kasalukuyang 2.3 milyon na nakikinabang sa conditional cash transfer (CCT) program.

Tumaas din ng 13.8% ang budget ng DPWH sa 2012 mula P110.6 bil­yon ngayong taon, ito’y na­ging P125.9 bilyon para ipagawa ang pangunahin at sekondaryong mga kalsada at tulay sa buong bansa. Tatanggap naman ang Department of Agriculture ng P52.9 bilyon sa 2012 o mas mataas ng 50.4% mula sa kasalukuyang P35.2 bilyon.

Hindi lang ‘yan, kapuri-puri ang hindi matatawarang trabaho ni PNoy na resolbahin ang kakula­ngan sa mga silid-aralan sa buong bansa. Sa katuna­yan, sinaksihan ni PNoy ang pag­lagda sa memorandum of agreement (MOA) ng Department of Education, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Gawad Kalinga para sa kons­truksyon ng 1,000 bagong silid-aralan.

Sa ilalim ng MOA, tutulong ang PAGCOR sa pag­lalaan ng pera para sa paggawa ng 1,000 silid-aralan na agarang ipagkakaloob sa DepEd at magbibigay naman ang Gawad Kalinga ng mga tao para tumulong sa paggawa ng mga gusali, as in walang duda, maibibigay ni PNoy ang mga pagbabagong kailangan lalo’t sumusuporta ang publiko sa magagandang plano tungo sa pagbabago.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, July 1, 2011

Ang inyong reklamador!
REY MARFIL

Ni sa panaginip, ayokong isiping nagka-amnesia ang isang dating top official, aba’y binabatikos si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga krisis na nararanasan ng Pilipinas gayong nagsimula ang lahat ng problema sa panahong nagrereyna at nagsasabwatan ang mga alagaing kawatan.

Hindi lang walang basehan kundi napakalaking kasinungalingan ang tirada ni ex-official.

Mabuti na lang, hindi humaba ang ilong at pumantay sa kanyang sukat.

Take note: Si ex-official ang malaking rason ng sandamukal na hinagpis at paghihirap ng maraming mga Filipino nga­yon, as in tama si Technical Education and Skills Deve­lopment Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva sa pagsasalarawan na “Nothing Left at Home” matapos ang siyam na taon.

Ang nakakalungkot, habang nagsisikap si PNoy na maibigay sa publiko ang kanilang pangangailangan, umek­sena si ex-official para maghasik ng intriga mula sa mga basurang kanyang ikinalat sa loob ng 9-taong pa­nunungkulan. Hindi ba’t iniwan ng nakaraang administrasyon ang masamang imahe, masamang gawi sa sistema at bangkaroteng pamahalaan?

Kung meron mang nakikitang kabagalan si ex-official, sampu ng mga inarkilang attack dogs, ito’y dahil sa pagi­ging abala ng administrasyong Aquino sa paglilinis ng mga kalat at dumi na kanilang iniwanan habang ginagawa ang tungkulin na paglingkuran ang publiko.

Lumabas ang mukha ng maruming pamumulitika ni ex-official lalo’t walang positibong sinabi sa magandang balitang hatid ng upgrading ng Fitch Ratings, Standard and Poor at Moody’s Investors Service sa credit rating ng bansa na nag-ugat sa magandang klima ng pamumuhunan at pagbaba rin ngayon ng unemployment rate -- ito ba’y nagawa o nangyari sa nagdaang 9-taon?

Nakakalungkot lamang na humirit si ex-official ng walang basehang batikos kay PNoy habang maraming Pi­lipino ang naaapektuhan ng matinding pagbaha, lalung-lalo na sa Mindanao, maging sariling lalawigan nito.

Kesa sayangin ni ex-official ang laway sa walang kapararakang salita, mas makakabuting maging handa sa pagharap sa mga kontrobersya na kanyang kinasasangkutan sa ngalan ng accountability.

Kung hindi takot sumagot, bakit isang linggong pinaghahandaan ang tanong sa press conference, kabalikataran kay PNoy na walang ina­atrasan, saan mang event maharang ng media.

***

Napag-uusapan ang mga reklamador, mismong si Maguindanao at Cotabato City Rep. Bai Sandra Sema ang nagsabing agarang tumugon si PNoy para tulungan ang binahang Cotabato City at Maguindanao, kabaliktaran sa gustong palabasin ng isang local official.

Nakakalungkot na merong local official, katulad ng isang mayor na pinulitika ang pagtulong ng pamahalaan sa panahong mayroong matinding panawagan sa pagkakaisa para saklolohan ang ating mga kababayan sa Mindanao.

Ika nga ni Mang Gusting, mas makakatulong si ma­yor kung titigilan ang pagngangakngak dahil nakakadagdag lamang sa baha ang kanyang laway lalo pa’t walang katotohanang hindi tumulong ang pamahalaan sa pagkakaloob ng ayuda sa Cotabato.

Kung tutuusin, hindi ba’t nakakahiya ang magreklamo na walang dinalang relief goods si PNoy kahit kitang-kita ang pamimigay ng tulong matapos personal nitong bisitahin ang lugar, maliban kung may diperensya sa mata si mayor?

Sa lugar pa lamang ng nagrereklamong alkalde, nagbigay kaagad ang DSWD ng P7,799,260 halaga ng relief goods sa apektadong mga residente kaya nakakapagtaka ang mga tirada ng opisyal.

Pinabuksan din ng Department of Education (DepEd) ang mga eskwelahan para lumuwag ang iba’t ibang evacua­tion centers habang ipinamahagi rin ang donasyong mga damit, mats at pagkain.

Sa mga wala naman sa evacua­tion centers, ipinamahagi ng Civil Society Organizations (CSOs) sa ilalim ng tanggapan ni Cotabato City Vice Mayor Muslimin Sema ang relief goods.

Iniulat din ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na nakapagbigay ang Department of Health (DOH) ng P70,000 halaga ng gamot.

Ibig sabihin, mala-Claro M. Recto sa linaw ang pagtugon ni PNoy sa tawag ng pangangailangan sa Mindanao.

Pagkakaisa at hindi ang pagiging bida sa sarili ang dapat na maghari sa panahon ng natural na mga kalamidad.

Mala­king kasalanan ang ginawa ni mayor sa kanyang constituents dahil sa kanyang pamumulitika.

Laging tandaan: “Bata niyo ako at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com).