Wednesday, April 1, 2015
Peace be with you
Peace be with you
REY MARFIL
Sa banal na misa ng Simbahang Katolika, laging bahagi ang pagbati ng kapayapaan sa isa’t isa ng mga taong nasa simbahan. At sa simpleng ngiti at pagbigkas ng katagang “peace be with you”, umaapaw ang pagkakaisa ng lahat ng nandoon.
At ngayong Semana Santa, may panahon muli ang mga tao ng pagninilay. Ngunit hindi lang dapat sa ating sariling buhay tayo magnilay, kung hindi maging sa ating lipunan. Gaya na lang ng isang mahalagang usapin ang nakabitin ngayon sa Kongreso na may kinalaman sa kapayapaan sa Mindanao -- ang Bangsamoro Basic Law.
Ang kapayapaang ito sa Mindanao na inaasam ng napakarami nating kababayan ay hindi isusuko ng administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino. Sa kabila ng nangyari sa Mamasapano, Maguindanao, nakikita ng pamahalaan ang katapatan at determinasyon ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na wakasan ang armado nilang pakikibaka.
Mahirap timbangin kapag ipinasok sa argumento ng peace negotiation ang naging papel ng ilang tauhan ng MILF sa naganap na trahedya sa Mamasapano kung saan 44 na police commandos ang nasawi. Kaya lang, lagi itong mauuwi sa turuan at sisihan na para bang tanong sa kung ano ang nauna, itlog ba o manok?
Laging may maninisi sa MILF sa pagkamatay ng 44 SAF troopers, samantalang ikakatwiran naman ng MILF ang walang koordinasyon, at ang mga pulis ang unang nagpaputok at nakapatay sa kanilang tauhan. Kapag nagpatuloy ito, ang pag-asa ng kapayapaan sa Mindanao at hinahangad na tahimik na pamumuhay ng mga sibilyan ang maiiwan.
***
Dahil sa mga isinagawang pagdinig at imbestigasyon ng Kongreso sa Mamasapano tragedy, lumabas ang ilang pagdududa at nasira ang kumpiyansa ng ilang mambabatas sa tinatalakay nilang BBL, na mahalagang bahagi ng peace negotiation ng pamahalaan at MILF.
At kung paniniwalaan ang isang survey, lumilitaw na marami rin sa ating mga kababayan ang nagkaroon na rin ng pag-aalinlangan sa BBL. Ang ilang mga mambabatas, iginiit na dapat magkaroon ng lubos pang pag-aaral sa BBL, na naglalayong magkaloob ng bagong awtonomiya sa rehiyon na ipapalit sa ARMM.
Kung panibagong pagsusuri sa BBL ang pag-uusapan, nararapat at tama ang naging pasya ni Pangulong Aquino na bumuo ng citizen’s o leaders’ council na magpapatawag ng national summit na tatalakay sa BBL.
Ang citizen’s council na kabibilangan ng mga respetadong lider gaya nina Manila Archbishop Luis Antonio Tagle, businessman Jaime Augusto Zobel de Ayala, civil society leader Howard Dee, at peace advocate Bai Rohaniza Sumndad-Usman, ang magsisilbing “third party” na pag-aaral sa BBL.
Magbibigay ang lupon ng kanilang obserbasyon kung makakasama ba talaga o makabubuti sa Mindanao at sa buong bansa ang BBL.
Ang problema nga lang, hindi pa nagsisimulang kumilos ang citizen’s council ay may mga patutsada na agad at agam-agam ang mga kritiko ni PNoy at mga tutol sa BBL. Ano kaya ang kinatatakutan nila samantalang hindi pa naman nila alam ang magiging rekomendasyon ng lupon at wala pang isinasagawang summit? Ayaw ba talaga nilang bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan sa Mindanao kahit man lang mapag-usapan?
Kung tutuusin, hindi lang naman ang mga kapatid nating Muslim ang makikinabang sakaling magkaroon ng ganap na kapayapaan sa Mindanao. Marami na ring mga Kristiyano ang naninirahan doon; at higit sa lahat, tayo ay pare-parehong peace loving Filipino.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr0115/edit_spy.htm#.VRselY5c5dk
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment