Monday, March 30, 2015

Kinakalinga ng gobyerno



                                                               Kinakalinga ng gobyerno
                                                                      REY MARFIL



Mayorya pa rin o 42 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwala sa tuwid na daang liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa nitong Marso 1 hanggang 7, higit na nakakaraming Pilipino ang nais na manatili sa kapangyarihan si Pa­ngulong Aquino sa kabila ng kontrobersyang dala ng insidente sa Mamasapano.

Nagsalita na ang taumbayan at mahalagang tumi­gil na ang mga namumulitika dahil siguradong hindi sila magtatagumpay sa kanilang masamang hanga­ring pabagsakin ang pamahalaan.

Asahan nating lalong magsusumikap si Pangulong Aquino na isulong ang kagalingan at interes ng kanyang mga boss.

Patuloy ang paghahanap ni Pangulong Aquino ng hustisya sa mga namatay sa Mamasapano, kabilang ang mga sibilyang nadamay sa bakbakan.

Mahalaga ring hindi isuko ang usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil lamang sa naganap na malagim na insidente.

Naging madugo man, matagumpay naman ang ope­rasyon o Oplan Exodus sa Mamasapano noong Enero 25 matapos mapatay si Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.

***

Kapuri-puti ang personal na pagbisita ni PNoy para personal na pasalamatan at alamin ang kondisyon ng mga nasugatang sundalo sa nakalipas na bakbakan sa mga rebelde at bandidong grupo sa Maguinda­nao, Sulu at Basilan.

Kinabiliban ng Pangulo ang tapang ng mga sundalo na laging itinataya ang buhay sa ngalan ng serbisyo sa bansa.

Nagbigay rin ng tulong pinansiyal si Pangulong Aquino sa kanyang pagbisita kasama si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang, Jr.

Nanggaling sa Presidential Social Fund ang pondo kung saan nakatanggap ng P100,000 na tulong ang bawat sundalong malubhang nasugatan habang P50,000 naman sa bahagyang nasugatan.

Matapos bisitahin ang unang grupo ng mga sundalo sa V. Luna Hospital sa Quezon City, agarang nagtungo rin ang Pangulo sa Army General Hospital sa Fort Bonifacio, Taguig City kung saan nakaratay ang iba pang sugatang mga sundalo.

Nakipagbakbakan ang mga sundalo sa mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao, Abu Sayyaf Group sa Sulu at Ba­silan alinsunod sa inilunsad na opensibang militar laban sa mga kalaban ng pamahalaan.

Kinausap rin ng Pangulo ang sugatang mga sundalo at ipinagdasal ang kanilang agarang paggaling.

Tumuloy rin si Pangulong Aquino sa Fort Bonifacio Naval Station para makiramay at kilalanin ang katapangan ng dalawang sundalo na namatay matapos makalaban ang mga rebeldeng BIFF.

Personal na nakiramay ang Punong Ehekutibo sa kamag-anak ng napaslang na sina Marine Corporal Josen Mias, 29, at Sergeant Francis Jeffel Flores, 31, sa naval station’s mortuary at nagbigay rin ng P250,000 tulong sa bawat pamilya.

Asahan nating hindi lulubayan ng administrasyong Aquino ang paghuli sa mga kalaban ng gobyerno para makamit ang hustisya at kaunlaran.

Lagi ring naka-alalay ang Pangulo para sa mga sundalo at kapulisan sa kanilang pagtugon sa tungkulin.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

 http://www.abante-tonite.com/issue/mar3015/edit_spy.htm#.VRlBzOG4TzM

No comments: