Friday, April 17, 2015

Sino ang makapipigil sa China?



Sino ang makapipigil sa China?
REY MARFIL



Hindi lang katahimikan sa rehiyon ng Asya ang inilalagay ng China sa peligro kung hindi maging ang biodiversity at ecological balance sa West Philippine Sea o South China Sea dahil sa ginagawa nitong reclamation o paggawa ng mga artipisyal na isla sa ilang lugar sa pinagtatalunang teritoryo.

Batay sa ipinalabas na impormasyon ng ating Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 121.4 ektarya (na katumbas ng dalawang Rizal Park) na ang nasirang coral reefs sa WPS dahil sa ginagawang mga isla ng China na pinaniniwalaang gagamitin nila para palakasin ang kanilang puwersang militar.

Pilit na itinatanggi ito ng China pero kahit yata ang batang nakaupo sa dulong linya ng row four ay hindi maniniwala sa kanilang palusot. Mga bahura at batuhan na itlugan at binabahayan ng mga isda ang tinatambakan nila ng buhangin para gawing isla at nilalagyan nila ng mga gusali at paliparan. 

Ang tone-toneladang buhangin na ginagawa nilang pangtambak sa mga bahura at batuhan ay galing din sa ilalim ng dagat. Natural lang na kapag ginalaw mo ang isang lugar, mabubulabog ang mga yamang-dagat na nasa lugar at tiyak na makakaapekto sa kung anumang mga bagay na may buhay na narooon.

Kung pagbabatayan daw ang United Nations Environment Program, ang pinsalang idinulot ng reclamation ng China sa WPS ay tinatayang aabot sa P4.45 bilyon. Pero maliban sa presyo, nakapanghihinayang ang buhay ng mga yamang-dagat tulad ng mga coral at mga isda na kanilang pinapatay at inaalisan ng tirahan.

***

Sabagay, ano nga ba naman ang pakialam ng China sa kalikasan at halagang binanggit ng DFA, gayung kung totoo na mayaman sa mineral ang WPS -- gaya ng langis at natural gas -- kaya nila inaangkin ang halos buong WPS, aba’y higit pa roon ang kanilang makakamkam. Kaya wala silang paki­alam kung hindi nila sinusunod ang nilagdaan nilang obligasyon sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), gayundin ang Convention on Biological Diversity, at Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).

Sa dami ng mga nilalabag na kasunduan ng China, tama lang ang naging babala si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dapat matakot ang mundo sa ginagawang ito ng mga Tsino. Pangunahing daanan ng mga cargo ship para sa pandaigdigang komersiyo ang WPS at walang makapagsasabi kung ano ang puwedeng gawin ng China kapag nakontrol nila nang tuluyan ang karagatang ito.

Kung makikita ng China na walang sinuman ang kayang makapigil sa ginagawa nila ngayon, sinong hahadlang sa kung ano ang pwede nilang gawin sa susunod?

At dahil mukhang pumasok na sa utak ng China na isa na silang bansa na kabilang sa tinatawag na “super power”­, mukhang wala na ring epekto ang mga paalal­a ng lider sa United Nations at maging ng Amerika na dapat itigil ang mga hakbang na makapagpapalala sa tensiyon sa WPS at resolbahin ang isyu ng agawan sa teritoryo sa mapayapang paraan.

Kahit pinuna na rin ni US President Barack Obama ang ginagawang pambabarako ng China sa mas maliliit na bansa sa Asya gaya ng kaalyado nilang Pilipinas, ang tanong ng marami -- ano ang kayang gawin ng Amerika laban sa China?

Ang pinakamabuting gawin ng US, sumama sa panawagan na dinggin at resolbahin na ng UN ang kasong idinulog ng Pilipinas tungkol sa ginagawang pag-angkin ng China sa teritoryo ng mga Pinoy. 

At kapag umayon sa atin ang pasya ng UN, dapat sundin ito ng China at lisanin ang mga isla na kanilang pinaggagawa sa WPS. Kung hindi naman susunod ang China, dito natin malalaman kung nagkakaisa nga ang mga bansang kasapi ng UN.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: