Wednesday, April 8, 2015

May ginagawa ang mas mahalaga




                                  May ginagawa ang mas mahalaga
                                                                  REY MARFIL


Sa tindi ng emosyon na nilikha sa nangyaring trahedya sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, at samahan pa ng paggatong mula sa mga kritiko ng administrasyon, hindi na kataka-taka kung bumaba rin ang satisfaction ratings ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa bagong survey ng Social Weather Station (SWS).


Ang resulta ng SWS survey na sinasabing ginawa noong Marso 20-23, na mayroong 1,200 tao na tinanong, ay hindi nalalayo sa nauna nang survey na inilabas ng Pulse Asia, na ginawa naman noong Marso 1-7, na mayroon ding 1,200 tao na tinanong.


Kung susuriin ang dalawang survey, ginawa ng Pulse Asia ang kanilang pagtatanong bago mailabas ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP) noong Marso 13 ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa naganap na trahedya sa Mamasapano.


Samantala, bagama’t ginawa ng SWS ang kanilang survey isang linggo lang matapos mailabas ang BOI report, halos katatapos pa rin lang nito ang ginawang pagbibigay naman ni PNoy ng kanyang panig tungkol sa nalalaman niya sa operasyon na naganap noong Marso 18.


Ibig sabihin, maaaring hindi pa lubos na laganap sa ibang kababayan natin ang buong resulta ng BOI report at ang paglabas din ng paliwanag ng Pangulo tungkol pa rin sa nasabing resulta ng imbestigasyon.


Maliban sa pagbaba ng satisfaction ratings ni PNoy sa dalawang survey, bunga ng pagtaas ng bilang ng mga “dissatisfied”, dapat ding bigyang-pansin ang mataas pa ring “satisfaction” ratings ng Pangulo, pati na ang bilang ng mga “undecided”.


Kaya naman kahit bumaba ang net ratings ni PNoy, hindi na kataka-taka na mayorya pa rin sa mga tinanong sa survey ang tutol na bumaba siya sa puwesto. Indikasyon marahil ito na ang mga nadagdag sa listahan ng “dissatisfied” ay maaaring “nagdaramdam” o “nagtatampo” sa kinahantungan ng operasyon sa Mamasapano.


***


Maaaring mas naging matindi rin ang pagpapakalat ng negatibong impormasyon tungkol sa partisipasyon ni PNoy sa naturang operasyon sa Mamasapano para hulihin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman. Gaya na lang ng maling paniwala na may pahintulot ng Pangulo ang tinatawag sa operasyon na “time on target” at ang paglilihim kina PNP-OIC Leonardo Espina, DILG Sec. Mar Roxas, at sa militar sa ginawang misyon ng SAF.


Matapos lumabas ang BOI report at magpaliwanag si PNoy, nalinawan na hindi sinunod nina dating PNP Chief Alan Purisima at dating SAF chief Getulio Napeñas ang importanteng direktiba ng Pangulo na dapat sabihin kaagad kay Espina ang misyon, at dapat may koordinasyon sa mi­litar ang lahat. Ibig sabihin, mayroon pang mga paliwa­nag alinsunod sa nangyaring trahedya ang hindi pa lubos na naipapaalam sa publiko bago ginawa ang dalawang survey.


Hindi man natin masabi kung makababawi si PNoy sa kanyang ratings, mahalaga sigurong malaman din natin ang pananaw ng publiko sa Pangulo pagdating sa ibang aspeto ng kanyang pamamahala -- gaya sa ekonomiya, paghahanap ng trabaho sa mga tao, paglaban sa katiwalian, paglaban sa kriminalidad, at iba pa.


Mahigit isang taon pa sa puwesto si PNoy, o marahil mayroon pang hanggang limang survey bago matapos ang kanyang termino sa June 2016. Hindi natin masabi kung maka­babawi pa ang marka niya.

Ito’y sa kabila ng mga survey record sa nagdaang mga lider na sadyang pababa ang marka nila habang patapos na ang kanilang pamamalagi sa puwesto.


Hindi natin hangad na kalimutan ng publiko ang trahedyang nangyari sa Mamasapano, pero huwag din nating kalimutan na naging matagumpay ang misyon ng mga bayaning pulis na mapatay ang kanilang target na tero­ristang si Marwan. Kasabay nito, huwag ding natin kalimutan ang iba pang magagandang nangyayari sa ating bansa sa ilalim ng pamamahala ni PNoy.


Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr0815/edit_spy.htm

No comments: