Monday, April 13, 2015

May kalalagyan! REY MARFIL



May kalalagyan!
REY MARFIL


Magandang balita ang naging tagumpay sa isang kaso ng Social Security System (SSS) alinsunod sa kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na habulin at kasuhan ang mga employer na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.

Base ito sa naging desisyon ng San Fernando Regional Trial Court sa La Union kung saan hinatulang mabilanggo ng pinakamatagal na 20 taon ang manager ng isang security agency na nabigong bayaran ang kontribusyon ng kanyang security guards.

Dapat magsilbing aral ito sa mga abusadong employers na niyuyurakan ang karapatan ng kanilang mga kawani kaya naman patuloy ang pagsusumikap ni PNoy na maitaguyod ang karapatan ng mga manggagawa.

Sa 13-pahinang desisyong isinulat ni RTC Branch 66 Presiding Judge Victor O. Concepcion na ibinaba nitong nakalipas na Enero 15, 2015, kinilala ang akusadong napatunayang nagkasala na si Fred Ventura, operations manager ng Guardsman Security Agency and Detection Group sa San Fernando City.

Nalaman na nilabag ni Ventura ang Social Security Act of 1997 lalung-lalo na ang pagkakaltas sa mga suweldo ng security guards na hindi naman ibinabayad sa SSS.

Isinampa ng SSS ang kaso sa pamamagitan ng kanilang Account Officer na si Glynna A. Galito at Legal Counsel Russel L. Ma-ao na nagbigay ng libreng serbisyong legal para sa mga inaping mga kawani ng Guardsman.

Patuloy na magbabantay si PNoy sa pagsusulong ng mga kasong may kinalaman sa hindi pagbabayad ng kontribusyon ng pobreng mga kawani ng SSS.

***

Dagdag na trabaho na naman ang inaasahang malilikha ng patuloy na pagsusulong ni PNoy ng mga mahahalagang programa na kailangan ng bansa.

Isinalang ng pamahalaan sa Pre-qualification (PQ) conference ang mga proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Department of Justice (DOJ) ngayong buwan.

Dumalo ang maraming mamumuhunan sa pagtitipon kung saan isinagawa ang PQ conference ng limang Regional Airports (Bohol, Laguindingan, Davao, Bacolod, and Iloilo) nitong nakalipas na Abril 7, 2015 sa Crowne Plaza Manila Galleria.

Sa programa ng DOTC, ipatutupad nito ang Regional Airports PPP Projects para sa Development, Operations and Maintenance ng Bundle 1 at Bundle 2 airports.

Sa ilalim ng Bundle 1, kabilang dito ang Bacolod-Silay at Iloilo airports habang nasa Bundle 2 naman ang Laguindingan, Davao, at Bohol (Panglao) airports. Aabutin ang Regional Airport Projects ng kabuuang P108.19 bilyon.

Sa panig naman ng DOJ, isinusulong nito ang subasta para sa disenyo, financing, construction, at maintenance ng modernong kulungan sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija na nagkakahalaga ng P50.18 bilyon.

Sapul noong 2010, naipagkaloob na ng pamahalaan ang siyam na mga kontrata sa ilalim ng PPP na nagkakahalaga ng P136.37 bilyon.

Lumikha ito ng napakaraming trabaho para sa mga Pilipino kung saan mabusising inaral ni PNoy ang pagkakaloob ng mga kontrata para masigurong hindi magkakaroon ng katiwalian.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr1315/edit_spy.htm

No comments: