Monday, April 20, 2015

May malasakit!





May malasakit!
REY MARFIL





Hindi ba’t kapuri-puri ang nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) ng Philippine National Police (PNP) at Department of Energy (DOE) para makatipid at pagyamanin ang paggamit ng renewable energy resources sa bansa sa pamamagitan ng pagkakabit ng Solar Generation System?

Nilagdaan ang kasunduan nina PNP Officer-In-Charge Police Deputy Director General Leonardo Espina at DOE Sec. Carlos Jericho Petilla.

Sa tulong ng ilang pamantayan, tinukoy ng DOE sa tulong ng Japan International Corporation System (JICS) at NEWJEC Inc., tumatayong consultant ng proyekto, ang PNP Sports Center at Center for Law Enforcement Studies (CLES) na mga lugar para sa Renewable Energy generating facility.

Nabatid sa DOE na aabot sa 600,000 kilowatt hour (kWh) kada taon ang makukuha sa dalawang solar power sites na pakikinabangan sa loob ng 10 taon simula sa umpisa ng programa at maaaring ipagpatuloy alinsunod sa kapasyahan ng PNP at DOE.

Sa ngayon kasi, umaabot ang buwanang konsumo ng PNP National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City ng P12,398,096.72 base sa P8.88 kada kWh na presyo ng Manila Electric Company (Meralco).

Sa tulong ng Solar Generation System, tinatayang aabot ang taunang matitipid ng PNP sa P5,330,309.33 o buwanang matitipid na P444,192.44.

Bahagi ang paglalagay ng Solar Generation System ng Republic Act (RA) No. 9513 o “Renewable Energy Act of 2008” kung saan iniuutos ang pagtuklas at paggamit ng alternatibong pagkukunan ng kuryente.

***

At dapat ding papurihan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagiging ganap na batas ng isang panukala na naglalayong itaas ang tax exemptions ceiling sa mga bonus ng mga kawani ng pamahalaan at pribadong sektor para lumaki ang kanilang kita.

Mula sa P30,000, magiging P82,000 na ang halaga ng bonus na hindi maaaring buwisan ng pamahalaan para tulungan ang mga tao na mapalakas ang kanilang kakayahang bumili ng mga produkto at serbisyo para sa kanilang mga pamilya.

Sakop nito ang iba’t ibang bonus, kabilang ang 13th-month pay at Christmas bonus. Bahagi ang batas ng pinalawak na reporma sa buwis para makinabang ang mga kawani.

Nakita ng Pangulo ang kahalagahan ng panukala na pakikinabangan ng ordinaryong mga tao.

Asahan natin ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng mga opisyal nito sa pananalapi na agarang maipalabas ang mga alituntunin sa bagong batas upang maipatupad ito sa lalong madaling panahon.

Kitang-kita naman ang pagmamalasakit ni PNoy upang matulungan ang mga kawani sa pamahalaan na magkaroon sila ng karagdagang kita at mapakinaba­ngan ang kanilang pinaghirapan.

Laging tandaan: 
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr2015/edit_spy.htm#.VTT2-iFViko

No comments: