Wednesday, April 22, 2015

Labanan ang pagnanasa



Labanan ang pagnanasa
REY MARFIL



Nakababahala ang bagong impormasyon na inilabas ng Department of Health (DOH) kaugnay sa seryosong problema sa paglaganap ng nakamamatay na human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS) sa ating bansa.

Batay sa ulat ng National AIDS/Sexually Transmitted Infection Prevention and Control Program, may anim na lungsod sa bansa ang minarkahan ng pulang bandila dahil inabot na nila ang antas kung saan maituturing na mahirap nang kontrolin ang paglaganap ng HIV/AIDS.

Ang mga lungsod na ito ay ang Quezon City, ­Manila, Caloocan, Cebu, Davao at Cagayan de Oro.

Bakit nga naman hindi ikababahala ang datos na ito, ayon sa DOH, ang HIV/AIDS prevalence sa nabanggit na mga lungsod nitong 2013 ay higit sa pambansang prevalence na 3.5 percent.

Pinakamataas ang Cebu na 7.7 percent, magkapareho naman ang Manila at Quezon City na tig-6.7 percent, ang Davao ay nasa 5 percent, ang Caloocan City ay nasa 5.3 percent at ang Cagayan de Oro ay 4.7 percent.

Sa anim, higit na naalarma ang DOH sa Caloocan City dahil bigla ang pagtaas ng kaso nito sa HIV/AIDS.
Mantakin mo, noong 2009 ay 0.7 percent lang ang prevalence sa lungsod na ito.

Siya nga pala, ang datos na ito ay para sa mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki o MSM. At ang itinuturing na dahilan ng pagdami ng mga nahahawahan ng deadly virus ay ang pagpatol ng mga lalaki sa mga lalaking nagbebenta ng aliw, o iyong mga prostitute.

Ayon pa sa DOH, batay sa paniwala ng World Health Organization (WHO), kaya lumampas sa five percent ang prevalence sa magkasunod na dalawang taon, mahirap nang makontrol ang pagkalat ng nakakahawang virus.

***

Pero hindi porke “men to men” ang inilabas na datos ng DOH ay makakahinga na nang maluwag ang mga lalaki na bumibili rin ng aliw sa mga babaeng prostitute. Huwag nating alisin sa isip na ang mga male prostitute ay maaaring nakikipagtalik din sa ­female prostitutes, na makikipagtalik naman sa lalaking “straight” na kostumer. 

Kaya ang mga babae na nag-iisip ding kumuha ng serbisyo ng male prostitute, isip-isip din. Kahit pa sinasabing nakatutulong ang paggamit ng condom para hindi mahawahan ng HIV, aba’y makikipagsapalaran ka pa rin ba? Lalo na kung ikaw ay may asawa na, naku! Baka maipasa mo pa sa asawa mo ang virus.

Sabi nga ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko, ang pinakamabisang sandata laban sa HIV/AIDS ay maging tapat sa partner kung may asawa na, at kung wala pa, matutong magtiis hanggang magka-asawa.

Kung sadyang matigas ang ulo – sa itaas at sa ibaba – at hindi kayang labanan ang makamundong pagnanasa, isipin na lang na laging may “one time, big time” at ang pagsisisi ay nasa huli. 

Sadyang iba na ang panahon ngayon, kahit kaya mong magbayad ng “panandaliang ligaya,” may kasama namang peligro na pagsisisihan mo habambuhay.

Laging tandaan:
 “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: