Friday, April 24, 2015

Kalma lang



Kalma lang
REY MARFIL


Marami sa mga kababayan natin ang kumukulo ang dugo dahil sa ginagawang pambabarako ng China sa ating bansa. Pinakahuling insidente nito ang pagtataboy sa ating mga kababayang mangingisda sa Panatag Shoal.

Masakit man aminin, hindi natin kayang tapatan ng puwersa sa puwersa ang dambuhalang China, na para bang wala nang kinabukasan sa bilis ng ginawa nilang reclamation sa ilang bahagi ng West Philippine o South China Sea, upang gawing isla ang mga dating batuhan at bahura. 

Batay sa pag-analisa ng ilang eksperto, pinapaspasan ng China na gawing isla ang mga batuhan at bahura sa mga teritoryong malapit sa ating bansa para sirain daw ang mga katibayan na nakapaloob sa isinampa nating kaso sa arbitration panel ng United Nations.

Para bang kung ang nakalagay na katibayan natin sa reklamo ay mga bahura at batuhan pa lamang, ipapakita naman ng China na isla na ang mga iyon at nasa kanilang teritoryo na. Pero mukhang hindi naman siguro magpapaloko ang mga didinig sa reklamo natin sa UN pagdating sa paksang ito.

Kahit pa kasi gawin nilang shopping mall ang mga isla, hindi nila maitatago ang katotohanan sa mapa na mas malapit sa ating bansa ang mga islang ito kaysa sa China, na gustong kamkamin ang halos buong WPS.

Sa harap ng ginawang paspas-marinong reclamation ng China, at pagtataboy sa mga mangingisdang Pinoy, may mga kababayan tayo na gigil nang makita na gumawa ng hakbang ang ating pamahalaan at militar na magpapakita ng komprontasyon.

Pero ang tanong, pagkatapos ay ano ang mangyayari?  

***

Sa ganitong sitwasyon, higit na dapat pairalin ang malinaw na pag-analisa sa sitwasyon na hindi hahantong sa karahasan. Bagaman kalayaan at teritoryo ng bansa ang nakataya sa usaping ito, hindi naman ito pinababayaan ng pamahalaang Aquino.

Kaya nga idinulog niya ang usaping ito sa UN, at ina­asahan nating maglalabas ng kanilang makatwirang desisyon ang samahan ng nagkakaisang bansa. Tandaan natin na hindi nakikiisa ang China sa protestang isinampa natin sa UN dahil nais nilang lutasin ang usapin sa teritoryo ng bansa sa bansa.

Bukod sa nakabinbin nating protesta sa UN, patuloy na kumukuha ng suporta si Pangulong Aquino mula sa iba pang lider ng iba’t ibang bansa. Susunod niyang tatalakayin ang usapin ng China at WPS sa pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gagawin sa Malaysia.

Tiyak na hindi magugustuhan ng China ang gagawing ito ni PNoy dahil lalo pang dadami ang mga bansang hindi sang-ayon sa ginagawa nilang pagpapataas sa tensiyon sa Asya.

Bilang mga bansa sa Asya, mahalagang makuha ni PNoy ang nagkakaisang suporta ng ASEAN, at ipamukha sa China na hindi tamang binabalya nito ang maliliit na bansang kapatid nila sa Asya gaya ng Pilipinas. 

Gaya nga ng sinabi ni PNoy, ang ginagawa ng China ay hindi lang problema ng Pilipinas kung hindi ng buong mundo. 

Aba’y kapag pinabayaan ang China na makalusot sa ginagawa nito sa WPS, lalakas ang loob nito at puwede nitong gawin sa iba pang nilang maisipan. 

Sa ngayon, suportahan natin si PNoy na gamitin nito ang lahat ng diplomatikong paraan upang maresolba ang usapin sa China at WPS nang hindi tayo ang gumagamit ng karahasan. Malay natin, makuha natin ang suporta ng buong mundo at magkaroon ng “people power” upang mapalayas ang China sa WPS.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/apr2415/edit_spy.htm

No comments: