Wednesday, April 15, 2015

Pinalawak pa!





Pinalawak pa!
REY MARFIL


Magandang balita na naman ang makasaysayang pagtatapos sa high school ng 333,673 mag-aaral na benepisyunaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o Conditional Cash Transfer (CCT) program ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Alinsunod sa kautusan ni PNoy na makatulong sa edukasyon ng mahihirap na mag-aaral, nakinabang sa programang ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ilang daang-libong mag-aaral.

Sa 333,673 na nagsipagtapos, nanggaling ang 153,470 sa Luzon habang 74,182 naman sa Visayas at 106,021 sa Mindanao at umabot sa 21,844 sa National Capital Region (NCR).

Kitang-kita ang pagmamalasakit ni Pangulong Aquino sa edukasyon ng mga mahihirap na mag-aaral kaya naman naging prayoridad nito ang paglalaan ng pinansyal na suporta sa mga ito.

Nagsagawa rin ang DSWD ng tinatawag na post-graduation event na tatawaging “Pagtatapos N’yo, Tagumpay ng Pilipino” para sa unang batch ng mga nagsipagtapos na pawang mga benepisyunaryo ng CCT.

Ginawa ito sa Philippine International Convention Center (PICC) nitong Abril 9 kung saan tinatayang 4,000 high school graduates mula sa NCR ang dumalo sa selebrasyon.

***

Isasagawa naman ang ikalawang event sa Araneta Coliseum sa Abril 23 na dadaluhan ng tinatayang 14,000 na mga mag-aaral.

Layunin ng okasyon na kilalanin ang pagsusumikap ng mga nagsipagtapos na panibagong bahagi ng kanilang buhay.

Sa pagtitipon, ibabahagi ng mga nanguna sa pagtatapos ang kanilang karanasan upang lalong pahalagahan ng kanilang mga kasamahan ang edukasyon.

Magsisilbi rin ang pagtatapos na lugar para magtuloy ang mga mag-aaral sa pag-aaral katulad ng vocational courses at college scholarships.

Hiniling kasi ni PNoy na dumalo ang mga opisyal ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Commission on Higher Education (CHED), National Youth Commission (NYC) at maging mga kinatawan ng pribado at mga negosyanteng grupo para matulungan ang mga nagsipagtapos at makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay.

Sa ilalim ng CCT, tinutulungan ang mga bata mula sa mahihirap na pamilya na nasa edad 0 hanggang 18 taon para malampasan ang hamon sa kanilang kalusugan at edukasyon.

Nagbibigay ang programa ng cash grants sa mga benepisyunaryong nakakasunod sa mga kondisyon na magpatuloy ang kanilang mga anak sa pag-aaral, madala sa health centers para sa pagsusuri, at dumalo sa buwanang Family Development Sessions (FDS).

Noong 2013, pinalawak ng DSWD ang sakop ng Pantawid Pamilya para makinabang ang mga batang nasa edad na 15-18 para matiyak na makapagtatapos pa rin ang mga ito ng high school at magkaroon ng malaking tiyansa na makapaghanapbuhay at malampasan ang kahirapan.

Mula sa mahigit sa 7,000 mahihirap na pamilya na naka-rehistro noong 2007 nang simulan ang programa, umabot na ngayon sa 4.4 milyong pamilya ang benepisyunaryo mula Marso 2015 dahil sa malasakit ni PNoy na nagtataguyod ng matuwid na daan.

Laging tandaan:
 “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: