Friday, April 10, 2015

Suportahan ang turismo



Suportahan ang turismo
REY MARFIL




Panahon ng bakasyon kaya asahan na marami sa ating mga kababayan ang namamasyal.
Pero bago isipin ang pangingibang-bayan, huwag sana nating kalimutan na isama sa listahan ng mga pupuntahan ang magagandang tanawin sa ating sariling bayan.

Ngayong 2015, inaprubahan ni Pangulong PNoy Aquino III ang Proclamation No. 991, na pormal na nagdedeklara bilang “Visit the Philippines Year”. Nakapaloob dito ang kautusan sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan -- nasyunal at lokal -- na magtulungan at suportahan ang mga kampanya para mapalakas pa ang turismo sa bansa.

Sa totoo lang, malaki ang potensiyal ng industriya ng turismo upang mapalago ang ekonomiya ng bansa at magbigay ng maraming trabaho sa ating mga kababa­yan. Kahanga-hanga ang mga proyekto at programang isinasagawa ni Tourism Sec. Ramon Jimenez dahil patuloy na nagawa ng ahensiya na mapaangat ang turismo kahit may mga naging problema noong nakaraang mga taon.

Noong nakaraang 2014, ang mga dayuhang turista sa bansa ay umabot sa 4.833 milyon, na may mataas ng bahagya sa 4,681 milyon na naitala noong 2013. Ngayong 2015, 5.5. milyon hanggang anim na milyon ang target na maabot ng DOT na turista.

Hindi ito imposibleng makamit kapag nagtulungan nang husto ang mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor na rin. Ipagdasal din natin na wala sanang matinding kalamidad na mangyari na makapipinsala sa ating mga pasyalan gaya ng nangyaring lindol na nakaapekto sa Cebu at Bohol, o magkaroon ng mga krimen na ang magiging biktima ay mga dayuhang turista gaya ng nangyari sa hostage taking sa Luneta park noong 2010.

***

Ngayon pa lang buwan ng Enero, umabot na sa 479,149 ang mga turista sa bansa, na mas mataas sa 461,383 na naitala noong Enero 2014. Ang kita rito, umabot sa P22.48 bilyon, na mas mataas din sa P21.08 bilyon na kita noong Enero 2014. Magandang panimula ito para sa taong 2015.

Kahit nga bahagya lang ang nadagdag sa bilang mga turista sa kabuuan ng 2014 kumpara sa 2013, lumago pa rin ng 10 porsiyento ang iniangat ng kita sa turismo ng bansa na umabot sa kabuuang $4.84 bilyon o P214.88 bil­yon. Noong 2010, nagsimula ang pagbibilang sa kita sa turismo sa $3 bilyon kaya malaking bagay na mapalago ito sa kabila ng mga naging problema.

Ang mga Korean pa rin ang pinakamaraming turis­tang dumating sa Pilipinas noong nakaraang taon, sumunod ang mga Amerikano, Australian, Japanese, Canadia­n, at Chinese. Marami ring taga-Singapore ang bumisita sa Pilipinas, gayundin ang mga galing sa Taiwan, Malaysia, United Kingdom, at Hong Kong.

Sa mga numerong naitala tungkol sa turismo, makikita na malaki talaga ang potensiyal sa sektor na ito na dapat bigyan ng ibayong suporta. Kaya naman kasama sa direktiba sa proklamasyon ni PNoy ang pagkakaroon ng nagkakaisang aktibidad sa mga ahensiya ng gobyerno tungkol sa turismo sa bansa.

Kasama na rito ang pag-atas sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa buong mundo na tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon para ibenta ang magagandang tanawin natin. May papel din na gagampanan dito ang Postmaster General dahil inatasan silang magpalabas ng special stamp para sa kampanya ng Visit the Philippines 2015.

Ang suporta ng gobyerno para sa turismo ay dapat ding tapatan ng mga stakeholder gaya ng mga pribadong kompanya na nasa hotel, tour companies, restaurants at iba pa. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programa at magagandang packages upang makahikayat ng mas marami pang turista.

Ang karaniwang mamamayan, may maiaambag din upang dumami ang mga turista sa ating bansa. Ito’y sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng ating Filipino hospitality.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: