Wednesday, March 11, 2015

Malinaw ang tiwala!




                                                Malinaw ang tiwala!
                                                                      REY MARFIL



Malinaw sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na positibo ang pananaw ng mayorya ng mga Filipino sa maayos na kalidad ng buhay at magandang lagay ng ekonomiya sa susunod na 12 buwan.


Solidong indikasyon ito ng malaking suporta at pagtitiwala kung papaano pinatatakbo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang bansa sa tulong ng matuwid na daan.


Bagama’t sakop ng SWS survey ang huling quarter ng 2014, ipinapakita ang magandang pananaw ng maraming mga Filipino sa maayos na pagpapatakbo sa bansa ng administrasyong Aquino.


Base sa resulta ng SWS survey noong 2014, 41 porsiyento ng respondents ang umaasang bubuti pa ang kanilang kalagayan sa buhay habang anim na porsiyento lamang ang nagsabi ng kabaligtaran.


Lumabas na naitala ang net personal optimism score na “very high” na 35% mula sa 30% noong ikatlong quarter ng taon at 33% noong Disyembre 2013.


***


Sa SWS survey na isinagawa mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, 2014, nabatid rin na marami sa mga Filipino ang nakikitang bubuti ang lagay ng ekonomiya ng bansa sa susunod na 12 buwan.


Naitala ang iskor na 31% mula sa dating 30% noong Setyembre 2014 at 15% lamang ang naniniwalang hindi magiging maganda mula sa da­ting 19%.


Maaaring mayroong naging suliranin sa naganap na insidente sa Mamasapano, pero hindi nangangahulugang palpak ang administrasyong Aquino.


Nais rin ng karamihan ng mga Filipino na matapos ni PNoy ang kanyang termino.


Nagsasamantala lamang ang grupong nanawagan ng kanyang pagbibitiw para mawalan ng saysay ang magagandang mga nagawa ng pamahalaan.


Hindi naman kasi talaga tama na gamitin ang nangyaring insidente sa Mamasapano para kalimutan na ang mabubuting ginawa ni PNoy lalung-lalo na sa larangan ng pagsugpo sa katiwalian.


Kaya nga tumatag ang ekonomiya ng bansa dahil sa malinis na pamamahala ni PNoy at isa sa mayroong pinakamalakas na ekonomiya sa Asya ang Pilipinas.


Tinutukan rin kasi ni PNoy ang matalinong paggugol sa pondo kung saan naglaan ng mas malaking pondo sa mga programang direktang makikinabang ang pangkaraniwang mga tao katulad ng pagsugpo sa kahirapan, edukasyon, modernisasyon at pagpapabuti ng imprastraktura.



Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar1115/edit_spy.htm#.VP9vQI5c5dk

No comments: