May mga magandang nangyayari
REY MARFIL
Dahil puro
balita tungkol sa Mamasapano tragedy at all-out war ng militar laban sa
Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang madalas na mabigyan ng malaking
importansya sa nakaraang mga araw, hindi na natin masyadong namamalayan na
mayroong mga magagandang nangyayari sa ating bansa.
Kahit wala
pa ang resulta ng imbestigasyon na ginawa ng iba’t ibang sangay ng gobyerno
tungkol sa Mamasapano encounter, kapuna-puna na sadyang may ilang sektor na
nais na ibato ang sisi kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang sinapit ng mga
nasawing SAF troopers. Kaduda-duda rin ang intensyon ng ilan kung bakit
pinipilit nila ang Pangulo na mag-sorry gayung hindi naman siya ang namuno at
nagsagawa ng plano sa naging misyon sa Mamasapano.
Pero dahil
nga sa mainit na usapin na may kaugnayan sa Mamasapano, Bangsamoro Basic Law
at BIFF all-out war, may mga pangyayaring positibo na hindi natin lubos na
nabigyan ng pansin. Gaya na lang ng pandaigdigang paggunita sa Araw ng mga
Kababaihan na ang ilang pagtitipon tungkol dito ay nabahiran at idinikit pa rin
sa Mamasapano tragedy.
Kung
tutuusin, napakahalagang mabigyan ng sapat na pagkilala ang ating mga
kababaihan dahil sa malaking kontribusyon nila sa lipunan at sa kani-kanilang
pamilya.
Katunayan,
base sa ulat ng International Organization for Migration, bagaman mas maliit
ang kinikita ng mga kababaihang nagtatrabaho sa ibang bansa, mas malaki, kung
hindi man kapantay sila ng mga kalalakihan kung magpadala ng kita sa kanilang
kaanak na naiwan sa Pilipinas.
Maliban pa
dito, mas regular at sa mas mahabang panahon kung magpadala ng pera ang mga
babaeng nasa abroad kaya itinuturing mas maaasahan sila ng kanilang pamilya.
***
Samantala,
magandang malaman din na tuloy ang trabaho ng gobyernong Aquino at hindi
nagpapatali sa usapin ng BBL, all-out war at Mamasapano tragedy. Gaya halimbawa
ng pagpapalabas ng pondo na aabot sa P3.45 bilyon para sa mga tobacco-producing
local government units, gaya ng nasa Ilocos region.
Tiyak na malaki
ang maitutulong ng pondo sa mga magsasaka ng tobacco para masuportahan ang
kanilang mga programa at proyekto na makadaragdag sa kanilang kita. Ang P3.45
bilyon ay parte ng tobacco-producing local government units sa kita ng gobyerno
mula sa buwis ng mga produktong tobacco, alinsunod sa itinatakda ng bansa.
Gaya ng mga
magsasaka ng tobacco, may magandang balita rin sa mga nasalanta ng bagyong
Yolanda dahil sa may 700 proyektong pabahay na ipinagkaloob ng Prince and Grand
Master ng Sovereign Order of Malta na si Fra’ Matthew Festing.
Bumisita
kamakailan si Fra’ Festing sa bansa para sa 50th anniversary ng diplomatikong
relasyon ng Sovereign Order of Malta at Pilipinas kung saan isinagawa ang
symbolic handover sa mga bahay para sa Yolanda victims.
Maging ang
mga naapektuhan at nawalan ng tirahan sa nangyaring Zamboanga siege noong 2013
ay nakatanggap din ng magandang balita. Naipagkaloob na kasi ng National
Housing Authority sa mahigit ng 100 pamilya ang pabahay para sa kanila na
bahagi ng Zamboanga Roadmap to Recovery and Reconstruction ng gobyernong Aquino
sa mga naapektuhan ng kaguluhan.
Makatatanggap
din ang mga benepisyaryo ng pabahay ng ayudang pinansyal mula sa gobyerno para
may magamit silang pantustos sa kanilang pangangailangan sa pagsisimula ng
panibago nilang buhay sa bago nilang tahanan.
Panibagong
sigla rin ang maidudulot sa bansa at ekonomiya ng iba pang proyekto at programa
ng pamahalaang Aquino gaya ng planong pagpapaganda sa pasilidad at pagpapalawak
ng operasyon ng Clark International Airport. Sa proyektong ito, inaasahang
mababawasan ang pagsisiksikan ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International
Airport.
Bukod pa
diyan ay nakalinya rin sa public-private partnership (PPP) program ang unang
subway system na Mass Transit System Loop Project (MTSL), na inaasahang
makababawas sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Nandiyan din
ang Integrated Transport System-Southwest Terminal project, ang LRT Line 1
Cavite Extension, ang Daang Hari-South Luzon Expressway Link Road, ang Ninoy
Aquino International Airport Expressway, ang Mactan-Cebu International Airport
Project, at iba pa.
Laging
tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar1315/edit_spy.htm#.VQIM1I5c5dk
No comments:
Post a Comment