Ipasa ang BBL at kasaysayan ang
humusga!
REY MARFIL
Masaya ang lahat nang walang dugong dumanak sa unang
rebolusyon ng mamamayan sa EDSA noong 1986 na nagpatalsik sa isang diktaduryang
rehimen. Kaya nararapat lang na isulong ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang
diwa ng EDSA 1 revolt ang kapayapaan.
Ngunit sa pagkakataong ito, ang kapayapaan na nais makamit
ng pamahalaang Aquino ay malayo sa EDSA, malayo sa Metro Manila nasa Mindanao.
Sa kabila ng matinding emosyon na nilikha ng madugong sagupaan sa Mamasapano,
Maguindanao kung saan nasawi ang 44 na magiting na SAF troopers, gayundin ang
16 na tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at tatlong sibilyan,
pursigido si PNoy na maisakatuparan ang peace agreement sa MILF.
Naniniwala ang Pangulo na ang isinusulong na Bangsamoro
Basic Law (BBL) na nakabinbin sa Kongreso na bubuo ng bagong political entity
na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM ang magiging susi
para sa matagal nang hinihintay na kapayapaan sa rehiyon.
Marahil, may ibang tutol na ipagpatuloy ang peace talks sa
MILF at mas nais nilang giyerahin na lang ang mga ito hanggang maubos.
Siguro ay iniisip nila na hindi naman sila apektado dahil
malayo ang Mindanao sa Metro Manila. Pero tandaan natin na ilang dekada na ang
bakbakan sa Mindanao pero nananatiling nandiyan pa rin ang mga rebeldeng Moro,
patuloy na ipinaglalaban ang kanilang ideolohiya.
Mali rin kung iisipin na hindi maaapektuhan ng giyera ang
mga nasa kalunsuran gaya ng Metro Manila dahil malayo ang Mindanao. Ang totoo,
apektado ang buong bansa ng rebelyon sa Mindanao.
Sa giyera, kailangang gastusan ang bombang ibabagsak sa
kalaban, mga balang gagamitin ng mga sundalo at pagkain na ilalaan sa mga
sibilyang mawawalan ng tirahan.
Ang pondo o gastos dito ay maaari sanang magamit sa mas
makabuluhang bagay tulad ng tulay, kalsada, paaralan o ospital.
Hindi lang iyon, higit na mahalaga ang buhay na nawawala ng
dahil sa digmaan. Ang mga sundalong ipinapadala sa Mindanao ay hindi lang taga-Mindanao
kung hindi mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
***
Ngayong handa at desidido ang MILF na makipag-usap sa
pamahalaan at isulong ang kapayapaan sa Mindanao para matigil ang putok ng mga
baril at bomba, hahayaan ba natin itong lumampas?
May paraan upang hanapan ng hustisya ang mga bayaning SAF 44
sa Mamasapano, pero hindi marahil natin ito makakamit sa pagtigil ng pag-usad
ng kapayapaan sa Mindanao.
May bagong grupo na umuusbong sa Mindanao na nais maghasik
ng kaguluhan, at mayroon pang mga terorista sa rehiyon na kailangang mahuli
para hindi sila makapaghasik ng takot sa bansa.
Kailangan ng pamahalaan ang kasangga sa mithiing masugpo ang
mga banta sa kaligtasan ng mga mamamayan, at dito ay handang tumulong sa
gobyerno ang MILF.
Kung susundin ang mungkahi ng ilan na itigil ang negosasyon
sa MILF at muli silang ituring na kalaban ng gobyerno, parang itinaboy natin
sila sa posisyon na muling makipagtutukan ng baril sa ating mga sundalo. Ang
resulta niyan, mga dugong ididilig muli sa lupa ng Mindanao.
Sa talumpati ni PNoy sa EDSA 1 revolt anniversary, sinabi
niya na ginintuang pagkakataon kung maituturing ang hangarin ng MILF na pumasok
sa usapang pangkapayapaan.
Abot-kamay na ang katahimikan sa Mindanao kaya dapat lang na
hindi palampasin at dapat na ipasa na ng Kongreso ang Bangsamoro Basic Law.
Bigyan natin ng pagkakataon ang kapayapaan sa Mindanao, at
kasabay nito, hayaan natin ang kasaysayan ang humusga kay PNoy kung tama o mali
ang kanyang desisyon sa hangarin niyang magkaroon ng katahimikan sa buong
bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:
follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment