Monday, March 23, 2015
Sino ang dapat mag-sorry?
Sino ang dapat mag-sorry?
nilabas na rin ng Senado ang resulta ng kanilang imbestigasyon tungkol sa Mamasapano encounter, at sinasabing halos hindi ito naiiba sa resulta ng imbestigasyon na ginawa ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP).
Kung paglabag daw sa chain of command ng PNP ang birada ng BOI kay Pangulong Noynoy Aquino, aba’y sa Senate committee report, si PNoy naman daw ang may “ultimate responsibility” sa nangyaring sagupaan na ikinasawi ng may 60 katao kabilang ang 44 kasapi ng Special Action Force (SAF).
Sa totoo lang, hindi na dapat maging isyu ang “responsibilidad” sa nangyaring trahedya sa Mamasapano dahil kung babalikan ang televised national address ni PNoy noong Pebrero, inako na niya ang responsibilidad sa nangyari bilang “lider ng bansa.”
Pero kung dapat bang mag-sorry si PNoy sa nangyari mukhang ibang usapan iyan. Kahit ang karaniwang tao, hindi mo mapipilit na mag-sorry kung hindi naman ikaw ang nagkasala.
Hindi naman yata tama na dahil alam mo ang nangyaring kasalanan, ikaw na ang dapat mag-sorry dahil ayaw umamin ng tunay na may kasalanan.
Kung babalikan natin ang kuwento sa mga pangyayari batay sa mga lumabas sa media, inamin naman ni PNoy na batid niya ang operasyon ng SAF troopers sa Mamasapano para hulihin ang mga mapanganib na terorista. Hindi ba’t lumabas na rin naman sa mga ulat na ilang beses at ilang taon nang binalak na isagawa ang pagdakip kina Marwan at Basit Usman?
Pero kahit alam ni PNoy ang misyon na gagawin ng SAF, hindi naman siya ang nagplano kung kailan, papaano, saan at sinu-sino ang huhuli sa mga wanted na terorista. Sino ang may kakayahan at katungkulan na gawin ang mga planong ito at ipatupad?
Bakit hindi natin itanong kina ex-PNP chief Alan Purisima at ex-SAF chief Director Getulio Napeñas Jr., na silang nagpresinta ng plano kay PNoy?
Natanong na rin ba kina Purisima at Napeñas kung bakit hindi nila sinunod ang utos ni PNoy na ipaalam kay OIC-PNP Chief Leonardo Espina ang misyon sa Mamasapano? Dito ay makikita na hindi talaga nais ng Pangulo na paglihiman ng impormasyon tungkol sa misyon ang PNP-OIC.
***
Isa pang dapat na tandaan na base sa mga ulat, si Purisima ang nagsabi kay Napeñas na siya na ang bahala kay Espina at maging sa militar. Dahil pinaniwalaan ni Napeñas si Purisima kahit batid niyang suspendido ito, sino ang may kasalanan?
Bukod diyan, lumalabas din na hindi rin nasunod ang utos ni PNoy kay Napeñas na makipag-ugnayan sa militar sa gagawing misyon ng SAF sa Mamasapano. Kaya naman nang mapa-engkuwentro na ang SAF, nahirapan at hindi kaagad nakasaklolo ang militar dahil wala silang kamalay-malay sa nangyayari dahil sa ginawang paglilihim sa kanila.
Bilang lider ng bansa, karapatan ni PNoy na makakuha ng pinakamabilis na impormasyon sa sinumang maiisip niyang tauhan o opisyal ng mga sangay ng pamahalaan na makatutulong sa kanya, lalo na kung kailangang-kailangan.
Mahalagang misyon ang pagtugis sa mga kilabot na teroristang sina Marwan at Usman kaya marahil ay naisip niya na tanungin ang mga taong may pinaka-nalalaman sa plano; mga tao na silang dapat na umako ng responsibilidad at kung kinakailangan ay mag-sorry sa kinahantungan ng misyon.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar2315/edit_spy.htm#.VQ8_i45c5dk
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment