Wednesday, March 25, 2015

Ang tiwala ng Pangulo



                                                                 Ang tiwala ng Pangulo 
                                                                   REY MARFIL


“Trust and confidence.” Ito ang dalawang mahalagang salita na kabilang sa mga basehan ng Pangulo ng bansa sa pagtalaga sa isang tao na nais niyang humawak ng posisyon sa pamahalaan. Kaya naman magiging masakit para sa kanya kapag lumitaw na binigo siya ng tao na kanyang pinagkatiwalaan.

Kaya naman hindi siguro nakapagtataka kung ma­balitaan nating sakaling sumama ang loob ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kay dating PNP Chief, Gen. Alan Purisima dahil sa kinalabasan ng Mamasapano mission kung saan mahigit 60 katao ang nasawi, kabilang ang 44 na kasapi ng Special Action Force.

Bukod kasi sa tiwala at kumpiyansa, malalim ang na­ging samahan nina Aquino at Purisima, na nagsi­mula pa noong panahon na inaatake ng kudeta ang administrasyon ng kanyang namayapang ina na dating pangulong Cory Aquino.

Si PNoy na rin naman ang nagkuwento sa isa sa kanyang mga naging talumpati tungkol sa nagawa sa kanya ni Purisima nang ma-ambush siya noong panahon na pangulo pa ang kanyang ina.

Sa madaling salita, buo ang tiwala at kumpiyansa ni PNoy kay Purisima na gagawin nito nang tama at walang sablay ang anumang ibibigay niyang direktiba, bagay na hindi nangyari sa naging misyon ng SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Sa lumabas na mga ulat, inihayag ni PNoy na kung may pagkukulang man siya sa nangyari sa Mamasapano, ito ay ang kabiguan niyang matunugan kaagad na hindi sinunod ng mga pinagkatiwalaan niyang tao ang kanyang simpleng utos ang ipaalam sa acting PNP o PNP-OIC Gen. Leonardo Espina ang gagawing misyon sa Mamasapano at makipagkoordinasyon sa militar.

May basehan naman si PNoy kung sumama man ang loob niya kay Gen. Purisima at tuluyang humantong ito sa pagkakasira ng kanilang pagkakaibigan. Sino nga ba ang makapagsasabi na baka kung sinunod lang niya at ni da­ting SAF commander Director Getulio Napeñas ang bilin ni PNoy, baka buhay pa ang Fallen 44, o baka hindi ganito karami ang nasawi o ka-brutal ang kanilang pagpanaw.

***

Bukod dito, kung sinunod lang marahil ng dalawang opisyal ng PNP ang direktiba ni PNoy, marahil ay hindi makakaladkad nang husto sa sisihan ang Pangulo. Ang ibang kritiko kasi ng administrasyon, ginagamit na isyu laban kay PNoy ang kawalan ng alam ni Espina sa nangyaring misyon, pati na ang hindi kaagad pagresponde ng militar upang masaklolohan ang napahamak na SAF troopers dahil sa kawalan ng koordinasyon.

Ang posisyon bilang lider ng bansa ay base rin sa “trust and confidence” na ibinigay ng mga botante sa mandato ng taong inihalal nilang Pangulo. Kaya naman ganoon na lang ang hangarin ng Pangulo na tamang tao ang mailalagay niya sa iba’t ibang sangay ng gobyerno upang makamit niya ang inaasahan sa kanya ng mamamayan na pagbuti ng kalagayan ng bansa.

Hindi naman sila binibigo ni PNoy kung pag-uusapan ang aspeto ng patuloy na pagbuti ng lagay ng ekonomiya, dumadami ang bilang ng mga may trabaho, gumaganda ang kalidad ng edukasyon, nilalabanan ang katiwalian, pinapahusay ang sistema ng transportasyon, at marami pang iba.

Ang pagkasawi ng maraming buhay sa Mamasapano para sa misyon na tugisin ang mga mapanganib na terorista ay isang trahedya. Pero huwag na nating dagdagan ang trahedya dahil sa mga tsismis, mga walang basehang akusasyon, at batuhan ng sisi na hindi maka­tutulong sa bayan at sa paghahanap ng katarungan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar2515/edit_spy.htm#.VRKh8OG4TzM

No comments: