Monday, March 9, 2015

-Sinasamantala



                                             
                                                 -Sinasamantala
                                                                  REY MARFIL

Tama ang inihaing resolusyon ng mga kongresista sa Bicol region na nagpapahayag ng todong suporta sa pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao at pananatili ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa gitna ng walang basehang panawagang bumaba siya sa kapangyarihan dahil sa naganap na insidente sa Mamasapano, Maguindanao. Sa pangunguna ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, nanindigan ang mga ito sa pamamagitan ng House Resolution (HR) No. 1945 na hindi tamang kuwestiyunin ang pamunuan ni Pangulong Aquino matapos masawi ang 44 na mga kasapi ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP).


Nanawagan ang mga kongresista sa pagpapanatili ng kapayapaan sa buong bansa upang hindi naman mauwi sa wala ang sakripisyo sa pagbuwis ng buhay ng 44 na kasapi ng SAF at iba pang nasawi sa mga bakbakan sa Mindanao. Matagumpay naman ang naging operasyon ng SAF sa Tukanalipao, Mamasapano noong Enero 25, 2015 kung saan napatay si Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir o “Marwan” at nasugatan ang nakatakas na si Filipino terrorist Basit Usman.


Kasama ni Sarmiento sa paghahain ng HR No. 1945 sina Albay Reps. Edcel Lagman, Fernando Gonzales, at Al Francis Bichara; Camarines Norte Reps. Elmer Panotes, at Cathy Barcelona-Reyes; Camarines Sur Reps. Maria Leonor Gerona-Robredo, Felix William Fuentebella, at Salvio Fortuno; AKO Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe; Sorsogon Reps. Deogracias Ramos Jr., at Evelina Escudero; at Masbate Reps. Elisa Kho, Maria Vida Bravo at Scott Davies Lanete.


Hindi naman maikakaila na ilang dismayadong grupo lamang na nasagasaan ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy ang nasa likod ng panawagang magbitiw ito sa posisyon. Kaya pilit ginagamit ng mga ito ang insidente sa Mamasapano para linlangin ang publiko at manggulo sa bansa sa pamamagitan ng mga bali-balita na mang-aagaw ng kapangyarihan.


Wala sa hulog ang grupong nanggugulo dahil hindi pinapayagan ng Konstitusyon ang pagkakaroon ng transition council para magpalit ng matataas na mga halal na opisyal sa bansa. Malinaw ang naging mandato ni PNoy na lehitimong nanalong lider ng bansa noong Mayo 2010 at mananatili sa kapangyarihan hanggang sa katapusan ng Hunyo 2016.


***


Malinaw na pamumulitika ang pakay ng tinaguriang National Transformation Council (NTC) sa panawagang bumaba sa kapangyarihan si PNoy gamit ang naganap na insidente sa Mamasapano.


Nagtatangka ang grupo na mapahina ang lakas ni PNoy na mag-endorso ng kanyang kapalit sa panguluhan. Kasama na rin sa walang basehang panawagan ng grupo na sirain ang magagandang nagawa ng administrasyong Aquino lalung-lalo na sa larangan ng pagsugpo ng katiwalian. Nakakalungkot lamang na ginagamit ng grupo ang naganap na insidente sa Mamasapano para sa kanilang personal na hangarin sa halip na makiisa sa panawagan na magkaroon ng hustisya. Ngunit matalino ang mga Filipino, hindi na magpapagamit sa maling pamumulitika ng mga oportunista.


Halata ring mayroong pondo ang organisadong grupo na kinabibilangan ng mga taong kilalang nasagasaan ng tuwid na daang kampanya ni PNoy katulad ng nasibak na si Chief Justice Renato Corona.


Nagsasamantala ang grupo sa hangaring pahinain ang lakas ng endorsement power ni Pangulong Aquino sa 2016 presidential elections lalo’t hindi naman magtatagumpay ang kanilang maling layunin sa bansa.


Nandiyan rin sa grupong nanggugulo ngayon ang mga personalidad na naghahangad na makabalik sa kapangyarihan matapos silang isuka sa nakalipas na halalan. Ginugulo ng ilang mga personalidad ang patuloy na diskarte ni PNoy na ipabilanggo ang mga mandarambong sa kaban ng bayan. Malinaw na walang basehan ang panawagan ng ilang grupo na magbitiw si PNoy na naghahangad lamang na muling makabalik sa posisyon para sa kanilang maling hangarin sa bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: