Wednesday, March 18, 2015

Basahin at suriin ang BOI report







                                                        Basahin at suriin ang BOI report  
                                                                  REY MARFIL



Lumabas na ang pinakahihintay na resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP) tungkol sa naganap na Mamasapano encounter kung saan mahigit 60 katao ang nasawi kasama ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF).

Pero kasabay ng paglabas ng BOI report ay ang paglitaw din ng iba’t ibang interpretasyon, pananaw at panghuhusga ng mga tao -- depende siguro kung sino ang kanilang pinapanigan. Kaya naman mas makabubuti na tayo na mismo ang magbasa ng report na makikita naman sa website ng PNP, at magsagawa ng sarili nating pag-analisa.

Mahalaga ang BOI report dahil ito ay resulta ng imbestigasyon ng mismong PNP, kung saan kabilang ang mga nasawing SAF. Dahil dito, marami ang umaasa na walang kikilingan ang BOI at tutumbukin kung sino ang mga may pagkukulang sa nangyaring misyon ng SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Kung tutuusin, kasama sa trabaho ng SAF ang peligro sa buhay sa bawat misyon na kanilang susuungin. Kahit nga ang karaniwang pulis na nakikita natin sa kalye o patrol car, kahit wala silang special training gaya ng ginagawa ng SAF, sasabihin nila na nasa hukay ang isa nilang paa tuwing lalabas na sila sa kanilang tahanan dahil batid nila na ang pinasok nilang trabaho ay hindi pangkaraniwan. Hindi naman sila bibigyan ng baril kung hindi peligroso ang kanilang propesyon, ‘di po ba?

At dahil tinatawag na elite of the elite ang SAF sa sangay ng PNP, sila ang ipadadala sa mga masasabi nitong “buwis buhay” na misyon gaya nga ng pagtungo nila sa Mamasapano para hulihin ang mga mapanganib na terorista. Alalahanin din natin na kasama rin ang SAF sa mga ipinadala noon sa Zamboanga City nang sumalakay doon ang ilang miyembro ng Moro National Liberation Front na kapanalig ni Nur Misuari.

Katunayan, ilan sa mga nasawing bayaning SAF sa Mamasapano mission ay beterano ng Zamboanga siege. At hindi naman nabigo ang bansa sa inaasahang husay ng SAF troopers dahil napatay nila ang international terro­rist na si Malaysian Zulkifli bin Hir alias Marwan. Dahil dito, nabanggit noon ng sinibak na SAF commander na si Getulio Napeñas Jr., na sa kabila ng trahedya, “worth it” ang misyon dahil nabura na sa mapa si Marwan, na sinasabing Bin Laden ng Asya.

***

Kapuna-puna sa BOI report na bumabagsak kay Napeñas ang sisi sa sinapit ng SAF troopers na sinasabing sa simula pa lang kahit sa pagpaplano ay mayroon na umanong depekto. Kaya naman kung si Sen. Antonio Trillanes IV ang tatanungin, dapat akuin na ni Napeñas ang buong pananagutan sa misyon at huwag nang ibato ang sisi sa pagkamatay ng 44 SAF sa iba -- maging sa sinasabing naantalang suporta ng militar.

Dapat ding unawain ang bahagi ng BOI report na nagsasabing kasama si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino (pati na sina dating PNP chief, Gen. Alan Lastimosa at Napeñas), sa lumabag sa tinatawag na chain of command ng PNP dahil sa hindi nasabihan sina PNP-OIC Gen. Leonardo Espina at DILG Sec. Mar Roxas.

Ngunit kung si Justice Sec. Leila de Lima ang tatanu­ngin, hindi kagaya ng militar, walang umiiral na chain of command sa PNP dahil ang sangay ay sibilyan. Kung tama ang pananaw ng kalihim, lilitaw na walang nilabag si PNoy.

Kung anuman ang kahantungan ng imbestigasyon sa naganap na trahedya sa Mamasapano, ang mahalaga nawala na si Marwan na malaking peligro ang dulot sa kaligtasan ng mga tao.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar1815/edit_spy.htm#.VQiico5c5dk

No comments: