Wednesday, March 4, 2015

Kasangga sa global warming





-                                           Kasangga sa global warming
                                                                        REY MARFIL

Minsan, may mga masakit na pangyayari sa buhay na mahirap unawain kung bakit ito kailangang naganap. Pero sa paglipas ng panahon, doon lang natin malalaman na sa kabila ng pait na iniwan ng trahedya, may leksyon itong iiwan para sa mas mabu­ting hinaharap gaya na lang ng hagupit ng delubyong bagyo na si “Yolanda”.


Ang paglaban sa climate change ang isa sa mga programang sinusuportahan ng pamahalaang Aquino.

Pero dahil sa maliit at papaunlad pa lamang tayong nasyon, mahirap mapansin ng pandaigdigang komunidad ang hinaing ng mga katulad nating bansa.


Dahil ang Pilipinas ay karaniwang binibisita ng hanggang 20 bagyo bawat taon, lantad tayo sa peligro ng pagtama ng mas lumalakas na bagyo bunga ng climate change. Kaya naman ganu’n na lang kasigasig ang pamahalaang Aquino na maiparating sa mga mauunlad at industriyalisadong bansa na gumawa ng hakbang upang mabawasan ang epekto ng global warming.


Ngunit maliban sa pananalasa ng mga mas lu­malakas na bagyo, peligroso rin ang Pilipinas, bilang isang maliit na bansa na maraming pulu-pulutong na isla at napaliligiran ng dagat, sa pagtaas ng antas ng tubig sa dagat bunga pa rin ng pagbabago ng klima sa daigdig.


Mabuti na lamang at hindi nag-iisa ang Pilipinas sa panawagan sa mga mayayaman at industriyalisadong bansa na labanan ang patuloy na pag-init ng mundo. Kakampi natin ang France sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Francois Hollande.


***


Kamakailan lang ay dumating sa Pilipinas si Hollande para sa dalawang araw na pagbisita kung saan magkatuwang sila ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na nanawagan sa mundo para hanapan ng lunas ang global warming at tulungan ang mga maliliit na bansa na gaya ng Pilipinas sa pagharap sa peligrong ihahatid ng hagupit ng kalikasan.


Bilang isang mayaman at industriyalisadong bansa, mas malakas ang tinig ng France upang maiparating sa iba pang ka-level niyang bansa ang pangangailangang kumilos na para mabawasan ang epekto ng global warming at makapagbuo ng pondo para matulungan ang mga bansang maaapektuhan ng kalamidad.


At dahil sa nangyaring trahedya sa Pilipinas dulot ng pinsalang hatid ni “Yolanda”, ninais ni Hollande na gamitin ang pagkakataong ito upang maipakita sa mundo na hindi biro at hindi dapat balewalain ang problema sa patuloy na pag-init ng mundo.


Kailangang kumilos at magkaisa ang mga mayayaman at industriyalisadong bansa, bilang pangunahing nag-aambag sa pag-init ng mundo dahil sa ma­laking konsumo nila ng langis at iba pang uri ng pagbuga ng carbon dioxide.


Sa Disyembre ay may malaking pagpupulong ang United Nations para talakayin ang usapin ng global warming. Sana nga ay magtagumpay si Hollande na maipakita niya sa mundo ang mapait na sinapit ng Pilipinas sa hagupit ng bagyong pinaniniwalaang pina­lakas ng epekto ng global warming; na kung nangyari ito sa Pilipinas, maaari ring mangyari ito sa ibang bansa, o sa ibang anyo ng hagupit ng kalikasan kung hindi mapipigilan o mababawasan ang patuloy na pag-init ng mundo.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: