Friday, March 6, 2015

‘Wag kalimutan ang dahilan ng misyon









                                    ‘Wag kalimutan ang dahilan ng misyon
                                                                      REY MARFIL

Sa showbiz, may kasabihan na good or bad publicity is still a publicity. Pero sa public service, mas maganda kung naipapaalam sa publiko ang mga magagandang nagawa ng namamahala. Iyon nga lang, madalas na nababalewala ang mga positibong balita dahil mas interesado ang publiko sa mga negatibong isyu katulad ng mga iskandalo, intriga at trahedya.


Sabi nga ng isang istambay sa kanto, kapag ang isang malinis na papel ay napatakan ng kahit na kapirasong tintang itim, ang mas mapapansin ay ang tintang itim at hindi ang nakapaligid dito na puti.


Mukhang ganito ang nangyari sa plano ng Philippine National Police (PNP) nang isagawa ng Special Action Force (SAF) ang misyon na dakpin ang mga matagal nang wanted na terorista na sina alyas Marwan at Basit Usman sa Mamasapano, Maguindanao.


Tandaan natin na wanted din sa ibang bansa si Marwan dahil sa mga ginawa nitong pag-atake at pambo­bomba sa mga inosenteng sibilyan. Sa Bali bombing na lang sa Indonesia, mahigit 200 na ang kanyang pinatay at maraming iba pa ang nasugatan. Hindi pa kasama diyan ang pagtuturo niya sa ibang tao na gumawa ng bomba at posibleng nakapaghasik na rin ng lagim sa Pilipinas at ibang bansa.

Gayundin itong si Usman na isa ring kilabot na bandido na kasapi ng Abu Sayyaf.


Ngunit dahil sa pagkamatay ng 44 na bayaning SAF, nakalimutan na ang positibong resulta ng misyon -- napatay si Marwan. Bukod diyan, parang dagang nagta­tago ngayon si Usman, na balitang sugatan dahil sa ginawang misyon ng SAF.


Nakalulungkot na hindi lubos na nabibigyan ng pansin ang magandang resulta ng misyon dahil naputol na ang peligrong maaaring ihatid ni Marwan sa mundo. Kahit ang mga bansa na may mga kababayan na nasawi sa Bali bombing, tila wala tayong narinig o nabalitaan na natuwa sila sa pagkakapatay kay Marwan. Dahil nawala na si Marwan, nakamit na nila ang hustisya at ito ay dahil sa ating mga bayaning SAF.


***


Pero dahil sa mataas na emosyong hatid ng pagkaka­sawi ng maraming tropa ng gobyerno sa naturang misyon at idagdag pa sa komplikadong istorya na kasama sa mga nakabakbakan ng SAF ay ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front, na sana’y kakampi natin dahil sa usapang pangkapayapaan, natabunan na ang pagkaka-­‘bingo’ ng SAF kay Marwan -- na siyang puno’t dulo kung bakit nagpunta sa Mamasapano ang ating mga pulis.


At siyempre, hindi rin mawawala ang usaping pulitikal kung saan may mga taong maghahanap at maghahanap ng butas upang idiin at ibato ang lahat ng sisi kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa nangyari kahit batid nilang wala naman sa kontrol ng Pangulo ang galaw ng mga operatiba pagdating sa misyon.


Hindi naman itinanggi ni PNoy na batid niya ang misyon dahil matagal nang hina-hunting ng pamahalaan ang dalawang wanted na terorista. Base sa mga ulat, nag­bigay ng mga direktiba ang Pangulo sa naging lider ng Mamasapano mission. Kung may mga hindi sinunod ang li­der sa misyon at nagkaroon ng aberya sa pagpapatupad ng plano, siguro naman ay malinaw kung sino ang dapat magpaliwanag nito.


Sana, maliban sa paghahanap natin ng katarungan sa sinapit ng SAF 44, mabigyan din natin ng pansin at importansya -- hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa -- ang tunay na dahilan ng pag-aalay ng buhay ng mga magigiting nating pulis, ang putulin ang isa sa mga ugat ng terorismo sa mundo.


Kung hindi napatay si Marwan at kung patuloy na pagala-­gala si Usman, sino ang nakakaalam sa mga posible nilang gawin? Lalo pa ngayon na lubhang bayolente at mapangahas ang mga Muslim extremist na naghahasik ng kaguluhan sa iba’t ibang bahagi ng mundo gaya ng ISIS.


Hindi natin maiaalis na maghanap ng masisisi sa sinapit ng ating mga bayaning SAF 44, subalit naging makabuluhan ang kanilang pag-aalay ng buhay na ka­sama sa kanilang sinumpaang tungkulin na handang mamatay para sa kaligtasan ng mga taong kanilang sinumpaang poprotektahan-- ang mga mamamayan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: