Monday, March 16, 2015
Wag gamitin sa pulitika
‘Wag gamitin sa pulitika
Hindi pa lumalabas ang resulta ng mga imbestigasyon sa Mamasapano encounter pero mukhang hindi na maiiwasan na mayroong mga tao o grupo na kakaladkarin sa pulitika ang paghahanap ng hustisya sa nasawing magigiting na mga miyembro ng Special Action Force o ang SAF 44.
Gaya na lang ng ginawa ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police na ipagpaliban ng ilang araw ang pagsusumite nila ng pinal na ulat sa Mamasapano probe para marepaso nilang mabuti ang ulat, aba’y mayroon kaagad na naghinala na may kinalaman dito si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Nataon kasi na may dinaluhang pagtitipon si PNoy nang araw din na dapat sanang ilalabas ng BOI ang kanilang ulat pero kanilang ipinagpaliban. Sa naturang pagtitipon, muling ipinaliwanag ng Pangulo ang limitado niyang nalalaman sa operasyon ng SAF sa Mamasapano na nauwi nga sa trahedya.
Kung tutuusin, wala namang bago sa inilahad ni PNoy sa nabanggit na pagtitipon dahil noon pa man ay lumabas na rin sa mga ulat na nadismaya siya sa mga maling impormasyon na kanyang natanggap mula sa opisyal na namamahala sa operasyon nang mga sandaling nagaganap ang pakikipaglaban ng SAF sa Mamasapano.
Ang naturang bagay ay nabanggit ni PNoy sa pakikipag-usap niya sa ilang mambabatas ilang linggo na ang nakalilipas at nalathala na sa mga balita. Kaya imposibleng paniwalaan ang hinala ng iba na makakaapekto pa iyon sa resulta ng imbestigasyon ng BOI.
Bukod diyan, ang BOI ay isa lang sa mga ahensya na nagsagawa ng pagsisiyasat sa Mamasapano encounter. Kaya naman madaling maikukumpara ang resulta ng imbestigasyon ng BOI sa imbestigasyon ng iba pang grupo gaya ng Senado, Commission on Human Rights, Department of Justice, Moro Islamic Liberation Front, at iba pa.
***
Kapansin-pansin din ang ipinatawag na press briefing ng grupo ng minorya o oposisyon sa Kamara de Representantes, at kasama ang ilang kaanak ng ilan sa nasawing SAF para igiit na ituloy ang imbestigasyon nila sa Mamasapano clash.
Ibig bang sabihin nito ay duda o hindi kumbinsido ang ilang kaanak ng nasawing SAF na dumalo sa presscon ng oposisyon sa Kamara, sa magiging resulta ng imbestigasyon ng BOI, Senado, at iba pang ahensya? Hindi naman kaya ang mga mambabatas lang sa oposisyon ang may gusto na matuloy ang pagdinig sa Kamara para makakuha muli sila ng atensiyon sa media?
Atensiyon din kaya ng media ang habol ni Akbayan Partylist Rep. Walden Bello kaya siya kumalas sa alyansa sa grupo ng administrasyon sa Kamara? Kung sasabihin kasi na napuno na siya sa labis na pagkadismaya kaya siya bumitiw ng suporta sa administrasyong Aquino, aba’y tila mahirap itong paniwalaan. Maraming beses na kasi siyang bumabanat, bumabatikos at maraming reklamo sa gobyerno noon pa man kahit pa sinasabing kaalyado siya ng gobyerno.
Bukod diyan, lumabas na sa mga ulat ang desisyon niyang kumalas sa administrasyon pero bakit nais pa rin niyang magtalumpati sa plenaryo ng Kamara? Para saan pa, gayung naipaliwanag na niya na kumalas siya dahil sa sinasabi niyang cover-up at paninisi ni PNoy sa iba ukol sa Mamasapano mission.
Pero gaya ng mga batikos niya noon sa administrasyong Aquino, mag-isa lang si Bello at nananatili ang suporta ng Akbayan at ng iba pang opisyal ng partylist group kay PNoy. Bakit kaya inabot ng halos limang taon, o mahigit isang taon bago ang 2016 elections bago naisipan ni Bello na kumalas kuno sa administrasyon? Nagtatanong lang.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar1615/edit_spy.htm#.VQX-DY5c5dk
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment