-Sa terorista ang all-out war
REY MARFIL/Spy
on the Job
Feb. 4, 2015
Nagluluksa
pa rin ang sambayanan sa pagkamatay ng 44 na kasapi ng Special Action Force
(SAF) sa Mamasapano, Maguindanao. At sa harap ng mataas na emosyong
nararamdaman ng mga kababayan natin sa pangyayari, may ilan na nananawagan na
itigil na ng gobyerno ang usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation
Front (MILF) at muling magdeklara ng giyera.
Marami ang
nagalit sa MILF dahil kabilang ang mga tropa nito sa Mamasapano sa mga
nakasagupa ng mga bayaning SAF, bukod pa sa mga armadong grupo sa lugar gaya ng
Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF), breakaway group mula sa MILF.
Ang BIFF ay
itinuturing lawless element o kalaban ng gobyerno. Kumalas sila sa MILF dahil
ayaw nilang makipagnegosasyon ang MILF sa pamahalaan, gayung ang hangarin ng
usapang pangkapayapaan ay matigil na ang mga kaguluhan at mapaunlad ang
Mindanao.
Hindi naman
natin puwedeng basta sisihin ang mga taong nasa likod ng nasabing operasyon
dahil may sarili silang paliwanag at dahilan kung bakit lubhang naging sikreto
o last minute man kung masasabi ang isinagawa nilang koordinasyon sa iba’t
ibang grupo ng kinauukulan. Ang kasagutan at paliwanag nila ay malalaman natin
sa magiging resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI).
Ngunit isa
lang ang malinaw na lumabas sa mga nabalitaan natin... hindi ang MILF ang
pakay ng pagsalakay ng mga magigiting nating SAF kung hindi ang mga terorista
at bomb maker expert na sina Abdulbasit Usman at Jemaah Islamiyah leader
Zulkifli bin Hir, alias Marwan.
***
Hindi
pipitsugin na terorista ang dalawang ito lalo na si Marwan na most wanted din
ng US at may patong na $5 milyon para sa kanyang ikadarakip. Nasa $1 milyon
naman ang patong ng US sa ulo ni Usman.
Malawak ang
koneksyon ng dalawa kaya nakapagtago ng mahaba-mahabang panahon. Wanted din si
Marwan sa 2002 Bali bombing sa Indonesia na ikinamatay ng 200 katao, na iba’t
iba ang nasyunalidad ng mga biktima. Hanggang sa matukoy na nagtatago ito sa
Mamasapano na kilalang teritoryo ng BIFF.
Kaya naman
hindi rin masisisi ang nagplano ng pag-atake ng SAF sa Mamasapano kung naging
lubha silang maingat sa pakikipagkoordinasyon at pagpapakalat ng impormasyon
dahil ayaw nilang matimbrihan ang dalawang terorista at baka makatunog at
mawala na naman. Marahil para sa kanila, it’s now or never.
Iyon nga
lang, hindi natin alam kung napaghandaan din ng mga opisyal na nagplano ng
pag-atake ang tinatawag na worst case scenario.
Gayunman,
sinasabing napatay ng mga bayaning SAF (pero hindi pa lubos na kumpirmado
hangga’t wala pa ang resulta ng DNA test mula sa US) si Marwan sa operasyon.
Nakatakas naman si Usman na ipinangako ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na
tutugisin at mahuhuli. Ang dalawang teroristang ito na matagal nang naghahasik
ng gulo sa Mindanao at maging sa ibang bansa sa Asya ang target ng mga SAF na
pinagbuwisan ng kanilang buhay.
Kung
kailangan natin marahil na magdeklara ng all-out war, ito ay para sa mga
katulad nina Marwan, Usman, mga grupong BIFF at Abu Sayyaf na ayaw ng
katahimikan sa Mindanao at patuloy na naghahasik ng terorismo sa bansa.
Katulad ng
lahat, hangad natin na mabigyan ng katarungan ang mga nasawi sa Mamasapano at
mapanagot ang mga opisyal kung mayroon mang nagkulang. Pero kung ititigil natin
ang peace negotiation at magdedeklara ng all-out war sa MILF, na kaisa ng
gobyerno sa paghahanap din ng pangmatagalang kapayapaan, parang nagdagdag tayo
ng kaaway at nagbawas ng kakampi.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb0415/edit_spy.htm#.VNFFKSxc5dk
No comments:
Post a Comment