Friday, February 13, 2015

Ang MERS-CoV at brutal na viral video




                                   Ang MERS-CoV at brutal na viral video
                                                         REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                   Feb. 13, 2015


Gaya ng inaasahan, nakapasok na sa bansa ang kinatatakutang Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus o MERS-CoV na kumitil na ng mahigit 300 buhay na karamihan ay sa Middle East. Ngunit sa halip na unahan tayo ng takot, dapat maging mapagmatyag at maging malinis sa katawan para hindi na kumalat pa ang virus.


Sa dami ng mga kababayan natin na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan, sadyang mahirap talagang hadlangan ang pagpasok ng nabanggit na virus sa Pilipinas. At kamakailan nga, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na hindi na MERS-CoV-free ang ating bansa.


Kung tutuusin, hindi naman nagkulang sa pagbabantay sa mga paliparan kahit nakalusot ang kababayan nating nurse na galing sa Saudi Arabia na may dala ng virus. Wala kasi siyang sintomas ng sakit na dulot ng virus nang dumating sa Pilipinas noong Pebrero 1 kaya hindi na-monitor sa mga scanner.


Mabuti na rin at naging alerto siya at kaagad nagpatingin sa doktor nang may maramdamang hindi mabuti sa katawan ilang araw matapos dumating sa bansa. Sa ngayon, nakaratay siya sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para masuri at magamot.


Negatibo naman sa ngayon ang mga nakasalamuha niyang kaanak. Pero kailangan ding matunton ang mga nakatabi niya sa eroplano nang bumiyahe siya pabalik ng Pilipinas para masuri rin.


Sa sitwasyong ito, maaaring makatulong ang mga may kakilala o kamag-anak na nakasabay ng Pinay nurse sa eroplano na galing sa KSA via Saudi Airline Flight 860 upang abisuhan silang magpatingin din sa doktor para makasiguro.


Kabilang sa sintomas ng sakit na dulot ng MERS-CoV ay karaniwang lagnat, ubo at sipon, na kala­unan ay masasamahan ng pananakit ng katawan. ­Para makaiwas na mapasahan ng virus, ugaliin ang paghuhugas ng kamay.


***


Nakikiusap ang mga awtoridad, pati na ang pamahalaang Aquino, na huwag nang i-share at ikalat ang viral video sa Facebook na nagpapakita ng brutal na pagpatay sa ating magiting na miyembro ng Special Action Force (SAF) na pinaslang sa Mamasapano, Maguindanao.


Bagaman nagsilbing daan ang video para makita ang katotohanan sa kalabisang ginawa ng mga pumaslang sa mga SAF troopers, hayaan na natin ang mga awtoridad na magsagawa ng pagsisiyasat dito upang matukoy ang mga salarin.


Huwag na sana nating dagdagan ang bigat ng damdamin ng mga naulila ng mga nasawing SAF kung magiging instrumento pa tayo ng pagpapakalat ng video. Kasabay nito, huwag din tayong kaagad maghusga kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen sa ating mga bayaning pulis hangga’t hindi lumalabas ang resulta sa mga isinasagawang imbestigasyon.


Sa taas ng emosyon ng publiko sa trahedyang ito, may mga puwersa na tiyak na sasamantalahin ang pagkakataon para isulong ang kanilang personal na agenda. Kabilang sa mga posibleng magsamantala sa sitwasyon ay ang mga kritiko ng administrasyong Aquino, at mga nais na intrigahin ang ating militar at kapulisan, at mga tutol na magkaroon ng ganap na kapayapaan sa Mindanao.


Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)


No comments: