Wednesday, February 18, 2015

Mag-ingat sa mga nais magsamantala





                                    Mag-ingat sa mga nais magsamantala
                                                                     REY MARFIL


Sa nakaraang mga araw, nagkaroon ng mga alingas­ngas tungkol sa mga panawagan na magbitiw sa puwesto si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino matapos ang nakalulungkot na Mamasapano encounter. Nasundan ito ng mga ugong ng kudeta, at ngayon naman ay may mga nagbabalak na magsagawa ng kilos-protesta.


Kung pag-aaralan ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, tila may grupo nga o personalidad na nais samantalahin ang emosyon ng publiko tungkol sa sinapit ng 44 na bayaning miyembro ng Special Action Force na nasawi sa Mamasapano, Maguindanao habang tumutupad sa kanilang tungkulin.


Sadyang nakalulungkot ang sinapit ng SAF-44 dahil sa halip na mapagtuunan ng pansin ang paghahanap ng hustisya para sa kanila, lumalabas pa ngayon na tila nagagamit ng ilang grupo o mga personalidad ang nangyari sa kanila para guluhin ang kasalukuyang administrasyong Aquino.


Kapuna-puna kasi na makaraan ang Mamasapano incident, nagkaroon ng panawagan sa ilang militanteng grupo at maging sa ilang obispo na kilalang malapit sa nakaraang administrasyong Arroyo, ang nanawagan kay PNoy na magbitiw sa kanyang puwesto.


Ilang araw matapos nito, umugong naman ang mga balitang may nagkukumbinsi sa mga militar at pulisya na magbitiw ng suporta sa administrasyong Aquino at nasundan din ng mga balitang kudeta.


At pagkaraan muli ng ilang araw, may lumutang na grupo naman na nagpaplano raw na magsasagawa ng mga kilos-protesta para ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni PNoy, at bumuo ng caretaker government hanggang sumapit ang 2016 elections.


Iyon nga lang, may bahid ng pagdududa ang mga panawagan at pagkilos na ito dahil lumabas sa mga balita na ang ilan sa mga nasa likod na ito ay mga militanteng grupo na lagi namang nananawagan ng pagbibitiw ng kahit sinong pangulo, at mga personalidad na konektado sa nakaraang administrasyong Arroyo, at ilang tao rin na hindi napagbigyan ni PNoy ang kanilang mga kapritso.


Kapansin-pansin na sinasabayan at sinasamantala ng mga nanawagan ng pagbibitiw o nais na mapatalsik si PNoy, ang mataas na emosyon ng publiko at ang sinasabing demoralisasyon ng ilang pulis para sumama sa pansarili nilang interes na mapabagsak ang gobyerno. May tila nais na pag-awayin pa ang mga pulis at sundalo.


***


Ang malaking tanong, papaano kung magtagumpay nga sila? Anong mangyayari sa bansa? Anong mangyayari sa higit na nakararaming Pilipino? Ang sagot, back to zero na naman tayo.


Mababalewala ang lahat ng ipinundar na reporma para sa matinong pamamahala sa kaban ng bayan na dating inaabuso ng ilan. Baka kapag nawala si PNoy sa puwesto ay biglang mababasura ang mga kaso ng mga opisyal na nasampahan ng reklamong pagwawaldas sa pondo ng bayan.


Dahil tiyak na matatakot ang mga mamumuhunan kapag nagkaroon ng hindi demokratikong paraan ng big­lang pagbabago sa liderato ng gobyerno, kakailanganin muli na gumawa ng mga hakbang para maibalik ang tiwala ng mga dayuhan at babagsak ang ekonomiya, at dadami na naman ang walang trabaho, at lalala ang kahirapan.


Mas makabubuting ipagpatuloy ni PNoy ang kanyang pamamahala at tapusin ang kanyang termino sa 2016; at hintayin natin ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry sa sinapit ng SAF-44 para malaman natin kung papaano sila mabibigyan ng hustiya.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: