Pamasko
ngayong Valentine’s
REY MARFIL
Noong
nakaraang Huwebes, Pebrero 12 ay isinilang na ang batas na magbibigay ng tsansa
sa mga empleyado ng pamahalaan at maging ng pribadong sektor na higit pang mapakinabangan
ang mga bonus na tinatanggap ng mga ito buhat sa mga ahensya at kumpanyang
pinaglilingkuran.
Mula sa
dating P30 libo na ceiling, ngayon ay P82 libo na ang hangganan ng Christmas
bonus at iba pang mga benepisyo ang hindi papatawan ng income tax kaya mas
malaki na ang mga magiging pakinabang ng mga empleyado na tumatanggap ng mga
naturang benepisyo.
Kung
tutuusin, ginawa lamang ito ng ating pamahalaan para habulin ang mga una nang
tinatamasa ng mga minimum wage earner dahil ang mga bonus nila ay dati nang
hindi pinapatawan ng buwis.
Matagal-tagal
ding niluto ng mga mambabatas ng Kamara at Senado ang panukalang ito dahil
magkaiba ang kanilang bersiyon sa magiging ceiling ng mga benepisyong hindi na
papatawan ng buwis upang higit na masulit ng mga benepisyaryo.
Kaya sa
darating na Hunyo, kung saan kadalasang ibinibigay ng gobyerno at ng mga
employer ang kalahati ng thirteen month pay, siguradong mas kakapal na ang
pitaka ng mga makakatanggap at higit na matamis ang ngiti ng mga misis na
mag-aantay sa “areglo” ni mister.
***
Mas matindi
ang mangyayari sa Disyembre dahil kadalasan na bukod sa natitirang kalahati ng
13th month pay, natatanggap din ng mga empleyado ang mga karagdagan pang
benepisyo buhat sa savings ng ahensya o kaya sa kita ng kumpanya at lahat ito
ay wala na ring kaltas na buwis.
Kung
ipapasok pa dito ang sitwasyong mababa ang presyo ng produktong petrolyo sa
kasalukuyan, aba’y talagang malayo ang mararating ng karagdagang benepisyo na
matatanggap ng ating mga mahal na kawani.
Ang mga
halagang maiimpok ng mga benepisyaryo buhat sa programang ito mula sa
pamahalaan ay siguradong mararamdaman kung tayo mismo, sa ating sarili at
maging sa loob ng ating tahanan, ay marunong magpatupad ng disiplina sa
prayoridad ng paglalaanan ng kinikita.
Ito ay
nagpapatunay lamang po na sa kabila ng mga problemang nagsusulputan, pursigido
pa rin ang administrasyong Aquino na tahakin ang matuwid na landas upang hindi
maikompromiso ang kapakanan ng higit na nakakarami.
Kaya ang
masasabi na lamang ng inyong lingkod ay Merry Christmas sa ating lahat ngayong
Pebrero, ‘ika nga sa isang bahagi ng awiting pamasko, “at magbuhat ngayon,
kahit hindi Pasko ay magbigayan.”
Laging
tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment